Ayon sa census, halos labing isang porsyento sa mga Pilipino
ay nagtatrabaho abroad para may maipangtustos sa kanilang pamilya. Marami rin
sa bilang na ito ang matagumpay namang bumabalik sa Pilipinas. Pero kapalit ng
mga bitbit nilang tsokolate ay ang pagkawala ng tamis ng kanilang ngiti kasama
ang pamilya at kaibigan.
Halos dalawang buwan na akong tambay. Gigising sa umaga,
magtitimpla ng kape, maglilinis ng bahay, matutulog ulit, kakain,
makikipagkwentuhan, mag-iinternet at matutulog ulit. Sa paulit-ulit na paggawa
ng mga bagay na ito, hindi ko na alam ang kaibahan ng lunes sa martes. Halos lingo-linggo
na rin ako kung magpalit ng kulay ng kuko. Pati kulay ng buhok ko, gusto ko na
rin pagtripan. Mahirap rin pala maging tambay. Pinapanuod mo sa tabi ng bintana
ang paglipas ng mga araw at oras. Minsan pag sawa na ako sa bintana, lilipat
ako ng lokasyon. Sa veranda ng bahay ng tita ko pinapanuod ang mabilis na
paggalaw ng mundo na parang ang bagal pa rin sa paningin ko. Ang tagal sumapit
ng July. Malapit na akong mabuang. Minsan, kapag malalim na ang gabi kung
anu-anong bagay ang pumapasok sa isip ko.
Ilang araw na rin akong kinukumbinsi ng tatay ko na
mag-abroad. Noong isang araw, kinausap niya yung tita ko na nasa Qatar,
tinatanong kung may bakanteng trabaho doon na pwede kong applyan. Nakakabad
trip din, parang kulang na lang sabihin niya sa’kin “Anak, umalis ka na dito sa
bahay”. Pero alam ko naman na ginagawa niya lang yun dahil gusto niyang kumita
ako ng malaking pera. Ang katwiran ko naman, ayoko munang umalis ng bansa.
Hindi dahil sa gusto ko pang maging tambay, kundi dahil gusto ko munang
paglingkuran ang bansang itinuturing ko na ring tahanan.
Batid kong mahirap mahiwalay sa pamilya. Kaya nga nagtataka
ako kung bakit maraming Pilipino pa rin ang nangingibang bayan kahit na alam
nilang sa pagbalik nila, marami na ang maaring magbago. Gayunman, alam ko
namang pera ang dahilan. Halos lahat ata ng bagay ngayon nabibili na ng pera.
Ramdam na ramdam ko ito ngayong tambay ako. Mahirap mabuhay ng walang pera,
pero hindi rin naman nito pinapadali ang pamumuhay ng tao.
Hindi ko naman sinasabing salungat ako sa ideyang
pangingibang-bayan. Sadyang hindi ko lang ito kayang gawin sa ngayon. Para sa’kin,
may mas mahalaga pang bagay sa mundo tulad ng paninindigan, pamilya at
pagmamahal. Gusto kong yumaman hindi lang sa material na bagay, kundi pati na
rin sa tatlong bagay na ito.