Biyernes, Marso 3, 2017

Biyernes

Biyernes ng gabi. Di ko pa trip umuwi ng bahay kaya nanuod muna ako ng sine at tumambay sa paborito kong restawran. New York White Pizza at Baked Ziti ang inorder ko. Ito na ang nakaugalian at paborito kong makita sa tuwing ayaw kong magsalita o makarinig. Damang-dama ko ang linamnam ng kesong puti na may lihim palang relasyon sa dahon ng basil. Hindi ko akalaing perpekto pala ang kombinasyon ng dalawa. 

Maraming tao sa Mall ngayon. Weekend sale kasi. Mabuti na lang at kakaunti lang ang kumakain dito. Kaya madalas, dito ako pumupunta sa tuwing pagod sa limang araw na pagtatrabaho. Halos puno rin ang sinehan kanina. Si Liza Soberano at Enrique Gil kasi ang bida. Bukod pa rito, sadyang patok sa masa ang mga pelikulang may ganitong tema, tungkol sa pag-ibig. Bawat isa sa atin, sigurado akong may maikukwento tungkol sa bagay na 'yan. 

Uminog sa bitterness ang istorya ng pelikula. Isang Blogger si Liza o Cali. Naging pamoso siya dahil sa kanyang "Bakit List". Hindi maka-move on sa ex niyang si Enrique o Gio. Nagkaroon kasi si Gio ng pisikal na relasyon sa ibang babae. Dahil dito, natakot nang magmahal at magtiwalang muli si Cali. 

Sa palagay ko, magkakaiba ang pagtugon natin sa kabiguan. Narito ang tatlong uri ng paglalarawan:

1. Busy as a Bee

Sila yung mga taong pinipiling umiwas. Dahil dito, hindi na rin sila sumusugal sa kahit ano. Hindi natatalo, ngunit hindi rin nananalo. Sila yung madalas magsabi na "Kalma lang, Bes". Dinaig pa si Lady Gaga sa Poker Face. Sila yung madalas mong makitang abala sa opisina. Career-oriented. Nag-iinterpret ng Nielsen Survey at puro Brand campaigns ang nasa isip. Dumarating sa opisina ng 7:30am kahit pa 8:00am ang pasok. Umuuwi ng 6pm, kahit na 5pm dapat. 

Dalawang beses sa isang linggo, nag-aaral ng MBA. Pag-uwi ng bahay, nagpipinta o di kaya'y nanunuod ng Koreanovela. Dahil nga "kalma" lang siya, sa Legend of the Blue Sea at water color humuhugot ng ibang emosyon. 

'Wag kang magtangkang yayain siya ng date, kasi may research study, presentation slide, computation, pending blog, at new recipe pa siyang gagawin. 

Tuwing linggo, abala pa rin siya, sa church kung saan siya ay tech volunteer. Taga-operate ng keynote ng mga pastor. 

Sa rami ng kaniyang ginagawa, paano pa niya maiisip ang pumasok sa relasyon ulit? Paano nga naman niya maaalalang sumugal muli?

Hindi nasasaktan. Hindi rin nagiging masaya.

2. Fly, Fly, Fly the Butterfly

Sa kabilang banda, meron din namang mga taong kahit walang pakpak, ang bilis lumipad palayo. Dadapuan ang mga bulaklak sa hardin. Uubusin ang taglay nitong bango at pagkatapos, lilipad palayo. 

Sila yung mga taong nag-eenjoy sa kung ano yung "meron, pero parang wala". May mga mag-coffee buddy, jamming buddy, somebody at kung anu-ano pang buddy. "Best friends with benefits". Walang label. Pero may kaunting feelings. 

Pwedeng manuod ng sine nang silang dalawa lang. Pwede magkape nang silang dalawa lang. Pwedeng mag holding hands. Pwedeng umakbay. Pero bawal umasa. Bawal magdemand. At higit sa lahat, bawal magsabi ng "I love you." Kasi motto nila yung "Enjoy now, don't suffer later, leave".

Dahil bago pa maging seryoso, bago pa magbigay ng sobrang emosyon, aalis na. Iiwas na. Mauunang bibitaw, bago pa magkasakitan. Maglalahong parang bula. Walang paalam. Walang tatapusin, dahil wala naman talagang pinuntahan ang nasimulan. 

Sinawsaw lang ang paa sa tubig. Humakbang sa pampang. Pero noong nakitang palalim na ng palalim, natakot malunod. Umatras, at kumaripas ng takbo pabalik sa pampang.

Gusto nilang maging masaya, pero hindi handang masaktan. Play safe.

3. Intense like a Lion. (Rawr!)

At ang huli, sila yung mga taong tumutugon sa kabiguan sa pamamagitan ng pagbibigay ng lubos. Dahil nasaktan na sila ng sobra, nagmahal ulit ng sobra. Nagbigay ng sobra. 

Sila yung mga taong kapag hiningan mo ng french fries, bibigyan ka pa ng burger. May chocolate sundae pang kasama. Jackpot! Kapag humingi ka nga kape, bibigyan ka rin ng cake. Kahit oras ng pagtulog niya, kaya niyang ibigay kung kailangan mo ng kausap sa mga oras na 'yon. 

Handa siyang tumakbo mula Intramuros hanggang CCP at CCP pabalik ng Intramuros, kapag sinabi mong magpapayat siya. Mabubuhay siya sa pag-ibig at pag-asa kahit wala ang paborito niya pizza at coke. 

Sila yung taong gagawin ang lahat, dahil ayaw na muling masaktan. Sa sobrang bait, mabuti't hindi pa kinuha ni Lord. Iniisip kasi nila na baka naman sila ang may kasalanan kung bakit sila nasaktan. Baka hindi nila ginawa ang lahat kaya sila iniwan. Baka kasi kulang sila, kaya ipinagpalit sa iba.

Sila yung kayang mangutang para sumugal ulit. Hindi iniisip kung mananalo o matatalo. Masayang nagbibigay kahit walang tinatanggap pabalik. Nasanay o baka manhid na.


Tatlong uri ng pagtugon, magkakaiba, ngunit may pagkakahalintulad. Dahil silang tatlong uri ng tao na naging bunga ng kabiguan, ay nakaramdam ng takot. Takot na maulit ang mga pagkakataong halos makalimutan nila ang sarili nila. Takot maramdaman ang mga pagkakataong parang nasa loob ng kweba, madilim, ligaw at hindi matanaw ang lugar palabas. Nakalimutan nilang umiikot nga pala ang mundo at malapit na silang mapag-iwanan. 

Sumasapit talaga ang dapit-hapon. Ngunit sa tamang oras, sa tamang panahon, mayroon pa ring bukang-liwayway.



Huwebes, Nobyembre 10, 2016

Likido

Sa harap ng bote at baso
At dahan-dahan paglagok sa tubig na nakakahilo
Mamahalin mo rin ang kalungkutang nakababad sa madilim na kalye
Kung saan ang mga kaluluwa'y lumulutang at gumagala
Mamahalin mo rin ang tunog ng kuliglig
Na pinipilit pasukin ang iyong pag-iisip

Pansamantala kang maliligaw sa katahimikan
Aaliwin ka ng kumpas ng mga dahon at isasayaw sa hangin
Ngunit pagkaraan ng ilang oras ay ibabagsak ka sa sahig ng kasalukuyan

Akala mo'y nakatakas ka na
Akala mo'y nakawala ka na sa sumisikil ng iyong paghinga
Akala mo'y kumurap na ang mga nanlilisik na mata
Ngunit hindi.

Muli, dahan-dahan mong iaangat ang bote at bubuhusan ang baso
bubuhusan hanggang marating ang lalamunan mo
Hanggang marating ang pag-iisip na muling mahihilo. Malilito. Maliligaw. At babalik ang lahat sa dating proseso. Iikot. Paikot-ikot. Hanggang hindi na alam kung kailan hihinto.


Linggo, Nobyembre 6, 2016

Unos

Rumaragasa ang ating damdamin
Hinahampas ako ng hangin ng iyong pagkatao
Inaalon ka ng iyong pagmamataas
Ngunit pareho tayong nalulunod sa salita
Daluyong ng pagsamo ang sa aki'y yumanig
Nasira na ang lahat
Nasalanta
Hanggang sa wala ng naisalba ang panahon

Gusto Ko Sana

Gusto ko sanang ikaw ay makatabi
Nakatitig sa Taal at bahaghari
Pangarap at kabiguan ang ibinabahagi
Masayang alaala ating hinahabi

Gusto ko sanang hawakan ang iyong kamay
At sabay tayong maglalakbay
Kung saan nagtatagpo ang pangarap at panaginip
At kung saan tumitigil ang pagkainip

Ngunit ito'y hanggang nais na lamang
Pagkat puso mo'y may iba ng nilalaman
Kaya gusto ko na lang na ika'y makalimutan
Dahil damdamin mo'y sa iba nakalaan

Wala nang Balang- Araw

Wala nang balang-araw
Dahil tinapos mo na sa pamamagitan ng isang desisyon.
Isang desisyon na babago ng buhay mo at buhay ko,
Habang-buhay.
Sa isang papel at singsing, matatapos ang balang-araw na hinihintay ko.

Wala ng pintong inaasahang muling bubukas
Hindi ko na muling mahahawakan ang iyong kamay
Ito na ang wakas. Wala ng kuwit o elipsis ang ating istorya.
Tinapos mo na sa pamamagitan ng isang desisyong makasama siya

Wala nang balang-araw
Ikaw na ay para sa kanya
Ako, baka para sa iba
Wala ng balang-araw sa ating dalawa.

Sabado, Oktubre 1, 2016

I Wish You Were Here

"I wish you were here
Seeing this cinematic scene
While I was lying here
And listening to the cold wind

I wish you were here
Reading to me a piece of Shakespeare
While I am looking at your eyes
It feels like I'm watching the sky

I wish you were here
While I am listening to the melodic sea
I remember your voice sounds so sweetly
A music that calms the beast inside me

I wish you were here
Listening to the beat of my heart
I wish I could hear your heart too
Softly whispering "I love you"

But you are not here
And I think, I will just keep on wishing"

Biyernes, Hunyo 17, 2016

Napadaan

Napadaan ako sa kalyeng dati nating dinadaanan papunta sa bahay ninyo. Napadaan lang, pero bakit ganun, yung mga alaala natin, parang tumambay pa sa isip ko.

Dumaan sa isip ko yung mga pagkakataong nakaupo ako sa isang fastfood at naghihintay sa pagdating mo. Lagi ka kasing late di ba? Ang bilis kong mainip dati pero noong ikaw na hinihintay ko, okay lang.

Dumaan sa isip ko nang minsang nagcommute tayo dahil sabi ko ayoko magmotor dahil marami akong dala. Alam ko nairita ka na sa init at traffic noon, pero hawak mo pa rin ang mg kamay ko.

Dumaan sa isip ko nang isang beses, sa tapat ng flower shop, sabi mo korni yung mga taong nagbibigay ng bulaklak. Sumang-ayon ako sa'yo, pero ang totoo, hiniling ko na sana, ang isang astig na katulad mo, bigyan ng bulaklak ang isang babaeng katulad ko. Hindi ko iisiping korni yun, promise! Kikiligin pa ako sa tuwa.

Dumaan sa isip ko yung pagsundo mo sa akin sa motor at pinakilala mo ako sa mga kaibigan mo. Ang sarap pala sa pakiramdam na matawag na girlfriend mo.

Dumaan sa isip ko yung "tayo". Ang bilis ng lahat. Dumaan lang din at lumipas na. Mabuti pa ang jeep, alam kong babalikan ang mga rutang iyon. Babalikan ang mga kalyeng minsan nating binaybay na magkahawak kamay, magkayakap. Pero tayo, wala ng babalikan. May kanya-kanya nang bagong daang tinatahak. At ang mga kalyeng yaon, ang bawat kanto, ang mga nakalakip na ngiti at pagmamahal, sa alalaa ko na lang muling babalikan. Dahil dumaan na. Lumipas na. At tapos na.