Noong bata ako, tuwang-tuwa ako tuwing sasapit na ang buwan
ng Agosto. Ito ang isa sa mga lagi kong inaabangan dahil ito ang buwan ng aking
kaarawan. Isang taon na naman ang nadagdag sa buhay ko. Lumilipas ang panahon,
tumatanda na pala ako. Pero hindi ko pa nararamdaman ang pagtanda sa
kadahilanang kahit mahirap ang buhay, marami pa ring magagandang bagay na
nakapagbibigay sa akin ng saya.
Sa pagsapit ng aking ikadalawampung kaarawan, nais kong
magbahagi ng dalawampung aral na aking natutunan. Maaaring ang ilan sa mga ito
ay lagi na ring sinasabi ng karamihan, ngunit ibibilang ko pa rin dahil ito ay
base sa aking pansariling karanasan.
1. Hindi mahalaga ang anumang titulong nakamit mo, ang
mahalaga ay ang pakikisama mo sa mga taong nasa paligid mo.
2. Huwag mong tignan ang mga “beauty magazine”. Ipaparamdam
lang ng mga itong pangit ka.
3. Mas madali ang buhay sa pelikula kaysa sa totoong buhay.
Kasi kapag nasa kapahamakan na ang bida, pwede siyang iligtas ng writer.
5. Hindi natin alam kung ano ang mangyayari sa hinaharap kaya huwag na nating isipin. Mapapagod lang tayo.
6. Ang kahapon ay nakalipas na kaya’t huwag nang balikan. Sabi nga ni Doraemon, ang mga mata natin ay nilikha para makita ang ating daraanan at hindi para balikan ang nakaraan.
7. Hindi madaling magpatawad. Pero mas mahirap na dalhin ang bigat ng kalooban lalo na kapag pinatagal.
8. Lagi natin kailangang mamili sa pagitan ng kung ano ang gusto natin at kung ano ang dapat nating gawin.
9. Hindi masamang magkamali, kasi ito ang pagkakataon natin upang matuto.
10. Huwag sayangin ang oras sa mga taong hindi ka naman gusto. Mas magiging makabuluhan ang buhay mo kung pagtutuonan mo ng pansin iyong mga nagmamahal sa iyo.
11. Alamin kung ano ang tunay mong gusto at sundin ito. Ganun kasimple, pero hindi ganoon kadali.
12. Huwag magpatangay sa agos ng panahon. Minsan sa pagsunod natin, naliligaw na pala tayo.
13. Isaalang-alang ang payo ng mga magulang mo. Wala silang ibang hangad kundi ang mapabuti ka. Pero sa
huli, ang pagdedesisyon, sa iyo pa rin manggagaling.
14. Makisama ng mahusay sa lahat ng uri ng tao. Naniniwala akong ang bawat isa sa atin ay may koneksyon. Kung gusto mong makatanggap ng respeto, dapat ito rin ang ibinibigay mo.
16. May tamang oras at panahon ang bawat bagay. Huwag masyadong
magmadali.
17. Minsan sa isang linggo, pagmasdan mo ang bukangliwayway
o di kaya ay ang pagsapit ng dapit-hapon. Ito ang magpapaalala sa’yo na kung
may simula, may wakas rin.
18. Alagaan mo ang mga kaibigan mo. Ituring silang kapatid
na ipinanganak lamang sa ibang magulang.
19. Ikaw ang driver ng sariling mong buhay. Pero ang Diyos
ang nagbibigay ng ilaw sa iyong daraanan. Kaya
kapag nasa madilim na daan ka,
magtiwala ka sa ilaw na gagabay sa iyo sa pinili mong ruta ng iyong kapalaran.
20. Leave excess baggage behind. Smile a lot. Love a lot. Live
life.