Sabado, Disyembre 21, 2013

Ang Makabagong Gentleman

Nagkalat na ngayon ang makabagong gentleman
Sa bus, sa jeep o sa lrt man
Sadyang nakakaaliw silang pagmasdan
Maipagmamalaki sa lipunan

Subukin mong ika'y sumakay
Sa LRT na marami ang akay
Di magkandaugaga sa iyong mga dala
Titigan ka lang niya mula ulo hanggang paa

Ngawit na ang iyong mga kamay
Siya'y wala pa ring malay
Bali na ang iyong balikat
Pwet niya'y di man lang maiangat

O makabagong gentleman, anong sarap ng iyong pagkakaupo
Baka naman maaari mong subukang tumayo
Dalaga'y tipa na sa kanyang mga dala
Sana naman ika'y makaramdam na

Biyernes, Hulyo 5, 2013

Para kay B

Naririnig ko ang iyong mga hakbang sa di kalayuan

Nililipad ang mga palamuting rosas sa daan

Unti-unting lumalakas ang iyong mga yabag

Ito'y papalapit sa akin

Marahan mong binuksan ang pintuan ng aking pagkatao

Di ako nag-alinlangan at ika'y aking pinapasok

Kinuha mo ang papag ng galit at pinalitan ito ng kama ng pagmamahal

Pinatay mo ang bombilya ng takot at sinindihan ang ilaw ng pagtitiwala

Salamat sa iyong pagdating

Isang bulalakaw sa langit na madilim

Ikaw ang katuparan ng aking hiling

Sagot sa dalanging taimtim.

Hiling

Kapag nahawi na ang mga dahong nagtatago sa sikat ng araw

Kapag nalihis na ang mga masukal na kakahuyan

At kapag huminahon na ang rumaragasang alon sa ilog,

Naroroon ako't naghihintay sa isang sulok ng iyong pagkatao

Inaabangan ang muling pagbubukas ng iyong puso.

Linggo, Hunyo 16, 2013

Ang Unang Lalaking Aking Minahal

(Hindi ako magaling sa pagsasalita ng nararamdaman kaya pwede naman nating ipaubaya sa panulat ang hindi masambit ng dila)
Kapag hawak na niya ang mikropono
Lahat ng tao’y napapatango
Sa kahit saang handaan
Sa kantahan siya ang number one

Ngunit di lang sa kantahan siya nangunguna
Sa’king puso siya ang laging bida
Tinig niyang sa gabi sa’kiy nagpapatulog
Pag-ibig ang sa ami’y laging handog

Hindi niya man kamukha si Piolo
Pero para sa’kin siya ang pinakagwapo
Sa ngiting mo, lahat ay napapatingin
Pati sa Rosanna Roces mahuhumaling

Kaya naman ika’y aking iniibig
Sa kahit kanino’y di ka ipagpapalit
Ako’y payapa sa’yong mga bisig
Sa puso ko kailanma’y di ka mawawaglit

To the first man I loved and will love for the rest of my life, Daddy, thank you for your unconditional love. You're not perfect but you're the best.

May mga pagkakataon na hindi ko naiintindihan ang paghihigpit mo sa'min minsan, lalo na noong nag-aaral pa ako. Ngunit nababatid ko na ang lahat ng ginagawa mo ay para sa amin. Marahil ay hindi ako makakapagtapos sa pag-aaral kundi dahil sa iyo at sa mga pangaral mo. 

Thank you for teaching us the importance of respect; that respect is gain by being good. Thank you for teaching us the value of perseverance; that if we want something, we should work hard for it. And most importantly, thank you for making me realize that we should not settle for "ok na yan" in life rather, we should always strive for something better.







Linggo, Mayo 19, 2013

DAY 1

Maaga akong gumising para hindi abutan ng tindi ng sikat ng araw sa paglalakad. Kinuha ko ang paboritong baso para magtimpla ng kape. Isinunod ko na rin ang plato at kutsara't tinidor. Dumiretso na ako sa lamesa. Inikot-ikot ko ang kutsara sa tinimplang kape. Humigop ng kaunti upang unti-unting magising ang aking diwa. Maya-maya pa ay tumayo ako at binuksan ang telebisyon.

Katatapos lang ng halalan at laman ng balita ang mga bagong proklamang senador na ultimong mga bagong bayani na mag-aahon sa bayan sa kumunoy ng kahirapan. Kasalukuyang iniinterview ng host si Senator no.7. Matikas at maganda ang suot nito. Kasing plantsado ng puti nitong damit ang kanyang dila sa galing sa pagsasalita. Hindi na nakapagtataka dahil nanggaling ito sa isang kilalang pamilya. Pagbibigay daw ng maraming trabaho ang numero uno sa listahan niya. Parang biglang pumait ang lasa ng kapeng iniinom ko. Kaya naman pintay ko na ang telebisyon at dumiretso na sa banyo. Pilit na nilinis ang mga dumi ng kahapon.

Pagkatapos maligo ay pumili na ako ng komportableng damit na magiging kapareha ko sa paghahanap ng trabaho. Kinuha ko ang pares na simple pero mainam pa rin para sa pupuntuhan kong kumpanya.

Nagmamadali akong nagbihis at nag-ayos ng sarili. Kaunting pahid ng pulbos at lipgloss. Dyahe maglagay ng makapal na lipstick at make up sa ganitong kainit na panahon.

Matapos ayusin ang mga gamit, dinampot ko na rin ang tatlong piraso ng puting papel na susukat umano sa pagkatao ko.

Miyerkules, Mayo 15, 2013

10:51

10:51pm na, sabi sa orasan ng computer pero hindi pa rin ako dalawin ng antok. Itong si Facebook, hindi napapagod sa kakatanong ng "what's on my mind". Ako naman, sa dami ng iniisip, hindi ko na alam kung saan magsisimula sa pagkukwento. Idinadaan ko na lang sa pagsulyap-sulyap sa keyboard at manaka-nakang paghinga ng malalim. 

Pero may dalawang ideya ang umuokupa ng malaking bahagi ng pag-iisip ko ngayon. Una, ang paghahanap muli ng trabaho. Bukas sisimulan ko na naman ang paglalakad sa mainit na kalsada tangan ang pag-asa na sa opisinang papasukan ko ay may kahihinatnang maganda. Sa katunayan, wala naman akong problema sa kasalukuyan kong trabaho ngunit tila ba laging may kulang. Babangon ako tuwing umaga na hindi inspirado sa pagpasok. Para bang humihinga lang ako at hindi nabubuhay. Kaya naman talagang ipinagdarasal ko na sana ay makita ko na ang trabaho na inilaan para sa akin. Ang trabaho na kung saan ay hindi lamang ako papasok upang kumita ng pera kundi natututo rin at masaya.

Ang ikalawa naman ay tungkol sa isang lalaking nagpapasaya sa'kin nitong mga nakaraang buwan. Pormal siyang umakyat ng ligaw at sa tingin ko naman ay seryoso na talaga siya. Ganun pala ang pakiramdam. Hindi naman siya ang ideal man, hindi lahat ng gusto ko nasa kanya, pero unti-unti na siyang nagiging mahalaga sa'kin. Kaya lang, ganun yata talaga, kung kailan dumating na yung taong magseseryoso sa'yo, parang ako naman ang hindi handa. Nakakatakot kasing magtiwala ulit, umasa, at masaktan.

Martes, Abril 30, 2013

Regalo ng Kalikasan

Isang guryon ang matayog na lumilipad sa bughaw na ulap.

Tila isang ibong malayang iwinawagaswas ang pakpak sa himpapawid.

Matibay ang pisi at makulay ang buntot.

Nasasalamin sa kulay ulap ring tubig ang pag-indayog nito sa hangin.


Sa kabilang banda naman ay ang unti-unting nagtatagong araw.

Ikinukubli ang mga ningning nitong galamay sa mga luntiang bundok.

Kapansin-pansin na ang pag-aagaw ng dilim at liwanag.

Ngunit hindi pa rin lumulubog ang ganda ng palihid.

Pagsapit ng dilim, panandalian itong matutulog,

ngunit muling babangon pagsapit ng bukang liwayway.


Huwebes, Abril 4, 2013

Eskapo


Ang pagsusulat ay parang antibiotic, pansamantalang nilulunasan ang sakit pero makalipas ang ilang oras, muli na naman itong babalik.

Napakarami kong sinumula ngunit hindi naman natapos. Parang baga na binubuhusan ng tubig, umuusok pero hindi na umaapoy. Unti-unting nilulunod ang init hanggang ang usok ay maglaho sa hangin.

Ganito pala kapag sinubukan mong lutuin ang isang putahe na hindi mo naman specialty. Kahit na ilagay mo pa ang lahat ng sangkap, hindi pa rin makukuha ang tamang linamnam.

Sa halos pitong buwan na sinubukan kong gawin ang mga bagay nab ago sa akin, particular na ang trabaho, parang nasa normal lang ang lahat. Para akong kumain pero hindi nabusog. Sakto lang. Walang ekstraordinaryo.

Kaya naman napagpasyahan kong huminto na. Gusto kong muling subuking habulin ang mga pangarap ko. Gusto kong muling pagningasin ang "passion" sa puso ko. At higit sa lahat, nais kong mahanap ang trabaho na mamahalin ko.