Martes, Abril 30, 2013

Regalo ng Kalikasan

Isang guryon ang matayog na lumilipad sa bughaw na ulap.

Tila isang ibong malayang iwinawagaswas ang pakpak sa himpapawid.

Matibay ang pisi at makulay ang buntot.

Nasasalamin sa kulay ulap ring tubig ang pag-indayog nito sa hangin.


Sa kabilang banda naman ay ang unti-unting nagtatagong araw.

Ikinukubli ang mga ningning nitong galamay sa mga luntiang bundok.

Kapansin-pansin na ang pag-aagaw ng dilim at liwanag.

Ngunit hindi pa rin lumulubog ang ganda ng palihid.

Pagsapit ng dilim, panandalian itong matutulog,

ngunit muling babangon pagsapit ng bukang liwayway.


Huwebes, Abril 4, 2013

Eskapo


Ang pagsusulat ay parang antibiotic, pansamantalang nilulunasan ang sakit pero makalipas ang ilang oras, muli na naman itong babalik.

Napakarami kong sinumula ngunit hindi naman natapos. Parang baga na binubuhusan ng tubig, umuusok pero hindi na umaapoy. Unti-unting nilulunod ang init hanggang ang usok ay maglaho sa hangin.

Ganito pala kapag sinubukan mong lutuin ang isang putahe na hindi mo naman specialty. Kahit na ilagay mo pa ang lahat ng sangkap, hindi pa rin makukuha ang tamang linamnam.

Sa halos pitong buwan na sinubukan kong gawin ang mga bagay nab ago sa akin, particular na ang trabaho, parang nasa normal lang ang lahat. Para akong kumain pero hindi nabusog. Sakto lang. Walang ekstraordinaryo.

Kaya naman napagpasyahan kong huminto na. Gusto kong muling subuking habulin ang mga pangarap ko. Gusto kong muling pagningasin ang "passion" sa puso ko. At higit sa lahat, nais kong mahanap ang trabaho na mamahalin ko.