Linggo, Mayo 19, 2013

DAY 1

Maaga akong gumising para hindi abutan ng tindi ng sikat ng araw sa paglalakad. Kinuha ko ang paboritong baso para magtimpla ng kape. Isinunod ko na rin ang plato at kutsara't tinidor. Dumiretso na ako sa lamesa. Inikot-ikot ko ang kutsara sa tinimplang kape. Humigop ng kaunti upang unti-unting magising ang aking diwa. Maya-maya pa ay tumayo ako at binuksan ang telebisyon.

Katatapos lang ng halalan at laman ng balita ang mga bagong proklamang senador na ultimong mga bagong bayani na mag-aahon sa bayan sa kumunoy ng kahirapan. Kasalukuyang iniinterview ng host si Senator no.7. Matikas at maganda ang suot nito. Kasing plantsado ng puti nitong damit ang kanyang dila sa galing sa pagsasalita. Hindi na nakapagtataka dahil nanggaling ito sa isang kilalang pamilya. Pagbibigay daw ng maraming trabaho ang numero uno sa listahan niya. Parang biglang pumait ang lasa ng kapeng iniinom ko. Kaya naman pintay ko na ang telebisyon at dumiretso na sa banyo. Pilit na nilinis ang mga dumi ng kahapon.

Pagkatapos maligo ay pumili na ako ng komportableng damit na magiging kapareha ko sa paghahanap ng trabaho. Kinuha ko ang pares na simple pero mainam pa rin para sa pupuntuhan kong kumpanya.

Nagmamadali akong nagbihis at nag-ayos ng sarili. Kaunting pahid ng pulbos at lipgloss. Dyahe maglagay ng makapal na lipstick at make up sa ganitong kainit na panahon.

Matapos ayusin ang mga gamit, dinampot ko na rin ang tatlong piraso ng puting papel na susukat umano sa pagkatao ko.

Miyerkules, Mayo 15, 2013

10:51

10:51pm na, sabi sa orasan ng computer pero hindi pa rin ako dalawin ng antok. Itong si Facebook, hindi napapagod sa kakatanong ng "what's on my mind". Ako naman, sa dami ng iniisip, hindi ko na alam kung saan magsisimula sa pagkukwento. Idinadaan ko na lang sa pagsulyap-sulyap sa keyboard at manaka-nakang paghinga ng malalim. 

Pero may dalawang ideya ang umuokupa ng malaking bahagi ng pag-iisip ko ngayon. Una, ang paghahanap muli ng trabaho. Bukas sisimulan ko na naman ang paglalakad sa mainit na kalsada tangan ang pag-asa na sa opisinang papasukan ko ay may kahihinatnang maganda. Sa katunayan, wala naman akong problema sa kasalukuyan kong trabaho ngunit tila ba laging may kulang. Babangon ako tuwing umaga na hindi inspirado sa pagpasok. Para bang humihinga lang ako at hindi nabubuhay. Kaya naman talagang ipinagdarasal ko na sana ay makita ko na ang trabaho na inilaan para sa akin. Ang trabaho na kung saan ay hindi lamang ako papasok upang kumita ng pera kundi natututo rin at masaya.

Ang ikalawa naman ay tungkol sa isang lalaking nagpapasaya sa'kin nitong mga nakaraang buwan. Pormal siyang umakyat ng ligaw at sa tingin ko naman ay seryoso na talaga siya. Ganun pala ang pakiramdam. Hindi naman siya ang ideal man, hindi lahat ng gusto ko nasa kanya, pero unti-unti na siyang nagiging mahalaga sa'kin. Kaya lang, ganun yata talaga, kung kailan dumating na yung taong magseseryoso sa'yo, parang ako naman ang hindi handa. Nakakatakot kasing magtiwala ulit, umasa, at masaktan.