Biyernes, Marso 3, 2017

Biyernes

Biyernes ng gabi. Di ko pa trip umuwi ng bahay kaya nanuod muna ako ng sine at tumambay sa paborito kong restawran. New York White Pizza at Baked Ziti ang inorder ko. Ito na ang nakaugalian at paborito kong makita sa tuwing ayaw kong magsalita o makarinig. Damang-dama ko ang linamnam ng kesong puti na may lihim palang relasyon sa dahon ng basil. Hindi ko akalaing perpekto pala ang kombinasyon ng dalawa. 

Maraming tao sa Mall ngayon. Weekend sale kasi. Mabuti na lang at kakaunti lang ang kumakain dito. Kaya madalas, dito ako pumupunta sa tuwing pagod sa limang araw na pagtatrabaho. Halos puno rin ang sinehan kanina. Si Liza Soberano at Enrique Gil kasi ang bida. Bukod pa rito, sadyang patok sa masa ang mga pelikulang may ganitong tema, tungkol sa pag-ibig. Bawat isa sa atin, sigurado akong may maikukwento tungkol sa bagay na 'yan. 

Uminog sa bitterness ang istorya ng pelikula. Isang Blogger si Liza o Cali. Naging pamoso siya dahil sa kanyang "Bakit List". Hindi maka-move on sa ex niyang si Enrique o Gio. Nagkaroon kasi si Gio ng pisikal na relasyon sa ibang babae. Dahil dito, natakot nang magmahal at magtiwalang muli si Cali. 

Sa palagay ko, magkakaiba ang pagtugon natin sa kabiguan. Narito ang tatlong uri ng paglalarawan:

1. Busy as a Bee

Sila yung mga taong pinipiling umiwas. Dahil dito, hindi na rin sila sumusugal sa kahit ano. Hindi natatalo, ngunit hindi rin nananalo. Sila yung madalas magsabi na "Kalma lang, Bes". Dinaig pa si Lady Gaga sa Poker Face. Sila yung madalas mong makitang abala sa opisina. Career-oriented. Nag-iinterpret ng Nielsen Survey at puro Brand campaigns ang nasa isip. Dumarating sa opisina ng 7:30am kahit pa 8:00am ang pasok. Umuuwi ng 6pm, kahit na 5pm dapat. 

Dalawang beses sa isang linggo, nag-aaral ng MBA. Pag-uwi ng bahay, nagpipinta o di kaya'y nanunuod ng Koreanovela. Dahil nga "kalma" lang siya, sa Legend of the Blue Sea at water color humuhugot ng ibang emosyon. 

'Wag kang magtangkang yayain siya ng date, kasi may research study, presentation slide, computation, pending blog, at new recipe pa siyang gagawin. 

Tuwing linggo, abala pa rin siya, sa church kung saan siya ay tech volunteer. Taga-operate ng keynote ng mga pastor. 

Sa rami ng kaniyang ginagawa, paano pa niya maiisip ang pumasok sa relasyon ulit? Paano nga naman niya maaalalang sumugal muli?

Hindi nasasaktan. Hindi rin nagiging masaya.

2. Fly, Fly, Fly the Butterfly

Sa kabilang banda, meron din namang mga taong kahit walang pakpak, ang bilis lumipad palayo. Dadapuan ang mga bulaklak sa hardin. Uubusin ang taglay nitong bango at pagkatapos, lilipad palayo. 

Sila yung mga taong nag-eenjoy sa kung ano yung "meron, pero parang wala". May mga mag-coffee buddy, jamming buddy, somebody at kung anu-ano pang buddy. "Best friends with benefits". Walang label. Pero may kaunting feelings. 

Pwedeng manuod ng sine nang silang dalawa lang. Pwede magkape nang silang dalawa lang. Pwedeng mag holding hands. Pwedeng umakbay. Pero bawal umasa. Bawal magdemand. At higit sa lahat, bawal magsabi ng "I love you." Kasi motto nila yung "Enjoy now, don't suffer later, leave".

Dahil bago pa maging seryoso, bago pa magbigay ng sobrang emosyon, aalis na. Iiwas na. Mauunang bibitaw, bago pa magkasakitan. Maglalahong parang bula. Walang paalam. Walang tatapusin, dahil wala naman talagang pinuntahan ang nasimulan. 

Sinawsaw lang ang paa sa tubig. Humakbang sa pampang. Pero noong nakitang palalim na ng palalim, natakot malunod. Umatras, at kumaripas ng takbo pabalik sa pampang.

Gusto nilang maging masaya, pero hindi handang masaktan. Play safe.

3. Intense like a Lion. (Rawr!)

At ang huli, sila yung mga taong tumutugon sa kabiguan sa pamamagitan ng pagbibigay ng lubos. Dahil nasaktan na sila ng sobra, nagmahal ulit ng sobra. Nagbigay ng sobra. 

Sila yung mga taong kapag hiningan mo ng french fries, bibigyan ka pa ng burger. May chocolate sundae pang kasama. Jackpot! Kapag humingi ka nga kape, bibigyan ka rin ng cake. Kahit oras ng pagtulog niya, kaya niyang ibigay kung kailangan mo ng kausap sa mga oras na 'yon. 

Handa siyang tumakbo mula Intramuros hanggang CCP at CCP pabalik ng Intramuros, kapag sinabi mong magpapayat siya. Mabubuhay siya sa pag-ibig at pag-asa kahit wala ang paborito niya pizza at coke. 

Sila yung taong gagawin ang lahat, dahil ayaw na muling masaktan. Sa sobrang bait, mabuti't hindi pa kinuha ni Lord. Iniisip kasi nila na baka naman sila ang may kasalanan kung bakit sila nasaktan. Baka hindi nila ginawa ang lahat kaya sila iniwan. Baka kasi kulang sila, kaya ipinagpalit sa iba.

Sila yung kayang mangutang para sumugal ulit. Hindi iniisip kung mananalo o matatalo. Masayang nagbibigay kahit walang tinatanggap pabalik. Nasanay o baka manhid na.


Tatlong uri ng pagtugon, magkakaiba, ngunit may pagkakahalintulad. Dahil silang tatlong uri ng tao na naging bunga ng kabiguan, ay nakaramdam ng takot. Takot na maulit ang mga pagkakataong halos makalimutan nila ang sarili nila. Takot maramdaman ang mga pagkakataong parang nasa loob ng kweba, madilim, ligaw at hindi matanaw ang lugar palabas. Nakalimutan nilang umiikot nga pala ang mundo at malapit na silang mapag-iwanan. 

Sumasapit talaga ang dapit-hapon. Ngunit sa tamang oras, sa tamang panahon, mayroon pa ring bukang-liwayway.