Huwebes, Hulyo 27, 2017

Tunog ng Puso

Sa paglapat ng ating mga palad
Nakita ko ang lawak ng langit
Napasilip ako sa nakangiting buwan
Nabura ang bagabag ng kalooban

Dahan-dahan kong susuyurin
At kakalabitin
Ang inaagiw na gitara sa sulok
Lalapatan ng tunog ang bawat pagtibok

Sa mundong walang tinig
Lilikha ako ng musikang magsasayaw sa’yo
Tanglaw ang ‘di mabilang na tala
Iindayog tayo sa melodiya ng ating puso

Liliparin ng hangin
Ang lungkot ng nakaraan
Magkahawak-kamay na lilibutin
Ang bagong lansangan

At kung dumating man
Ang oras ng pamamaalam
Sana’y iyong laging matandaan

Na minsan, lumundag tayo sa kawalan

Miyerkules, Mayo 3, 2017

Kung Maagang Darating ang Dapit-hapon

Paano kung maagang dumating ang dapit-hapon sa buhay ng isang tao?
Paano niya haharapin ang papalubog na araw
Kung hindi pa siya nagsawa sa ulap na bughaw?
Paano niya sisilipin ang kahel na bukang-liwayway
Kung mas mahaba pa ang gabing itim ang kulay
Paano niya pagmamasdan ang buwan,
Kung bituin lang ang kaya niyang tingnan?


Kung maagang darating ang dapit-hapon
Tititigan ko ang pagbukas ng ulap
Maglalaro ako sa gitna ng bukirin
At sisinghutin ko ang samyo ng umaga
Sisinghutin ko ang amoy ng kalabaw
At lalasapin ko ang natirang hamog sa mga dahon

Kung maagang darating ang dapit-hapon
Tatakbo ako at hahabulin ang aking paghinga
Hahayaan kong tumagaktak ang pawis
Sa kasuluksulukan ng aking katawan
Lulundag ako at iindayog sa mga sumasayaw na halaman

Kung maagang darating ang dapit-hapon
Uuwi ako sa aming tahanan
Aabangan ko ang lutong adobo ni Inay sa hapag-kainan
Lilinisin ko ang pandesal sa kapeng itinimpla
At hahayaang mapaso ang dila sa init nitong dala

Kung maagang darating ang dapit-hapon
Maliligo ako sa poso
Tulad noong bata pa ako
Lilinisin ko ang mantsa ng kahapon
At babanlawan ko ang mga natirang pait

Kung maagang darating ang dapit-hapon
Ipipinta ko ang pagkatao ng aking mahal
Sa kung paanong nakaukit siya sa aking alaala
Kukulayan ko ang bawat anggulo ng kanyang mukha
At hahaplusin ko ang kanyang puso

Kung maagang darating ang dapit-hapon
Aakayin ko ang kanyang kamay patungo sa dalampasigan
Lalanguyin namin ang lalim ng dagat at pagmamahal
Sasambitin ko ang mga salitang hindi pa niya narinig
Ipapabatid ko sa kanya ang alon ng aking pag-ibig

Kung maagang darating ang dapit-hapon
Gagawin ko ang mga bagay na tunay kong nais
At hindi iyong mga kailangan lamang tapusin

Kung maagang darating ang dapit-hapon
Magmamahal ako ng walang hinihintay na kapalit
At magpapatawad ako ng paulit-ulit

Kung maagang darating ang dapit-hapon
Hahalakhak ako na tila walang nakakarinig
Aawit ako at maaaliw sa aking himig
Dahil kung sakali mang maagang dumating ang dapit-hapon
Magpapasalamat pa rin ako.
Dahil nasilayan ko ang umaga.
Naramdaman ko ang ulan.
Napaso ako sa init ng araw.
Nabuhay ako.



Biyernes, Marso 3, 2017

Biyernes

Biyernes ng gabi. Di ko pa trip umuwi ng bahay kaya nanuod muna ako ng sine at tumambay sa paborito kong restawran. New York White Pizza at Baked Ziti ang inorder ko. Ito na ang nakaugalian at paborito kong makita sa tuwing ayaw kong magsalita o makarinig. Damang-dama ko ang linamnam ng kesong puti na may lihim palang relasyon sa dahon ng basil. Hindi ko akalaing perpekto pala ang kombinasyon ng dalawa. 

Maraming tao sa Mall ngayon. Weekend sale kasi. Mabuti na lang at kakaunti lang ang kumakain dito. Kaya madalas, dito ako pumupunta sa tuwing pagod sa limang araw na pagtatrabaho. Halos puno rin ang sinehan kanina. Si Liza Soberano at Enrique Gil kasi ang bida. Bukod pa rito, sadyang patok sa masa ang mga pelikulang may ganitong tema, tungkol sa pag-ibig. Bawat isa sa atin, sigurado akong may maikukwento tungkol sa bagay na 'yan. 

Uminog sa bitterness ang istorya ng pelikula. Isang Blogger si Liza o Cali. Naging pamoso siya dahil sa kanyang "Bakit List". Hindi maka-move on sa ex niyang si Enrique o Gio. Nagkaroon kasi si Gio ng pisikal na relasyon sa ibang babae. Dahil dito, natakot nang magmahal at magtiwalang muli si Cali. 

Sa palagay ko, magkakaiba ang pagtugon natin sa kabiguan. Narito ang tatlong uri ng paglalarawan:

1. Busy as a Bee

Sila yung mga taong pinipiling umiwas. Dahil dito, hindi na rin sila sumusugal sa kahit ano. Hindi natatalo, ngunit hindi rin nananalo. Sila yung madalas magsabi na "Kalma lang, Bes". Dinaig pa si Lady Gaga sa Poker Face. Sila yung madalas mong makitang abala sa opisina. Career-oriented. Nag-iinterpret ng Nielsen Survey at puro Brand campaigns ang nasa isip. Dumarating sa opisina ng 7:30am kahit pa 8:00am ang pasok. Umuuwi ng 6pm, kahit na 5pm dapat. 

Dalawang beses sa isang linggo, nag-aaral ng MBA. Pag-uwi ng bahay, nagpipinta o di kaya'y nanunuod ng Koreanovela. Dahil nga "kalma" lang siya, sa Legend of the Blue Sea at water color humuhugot ng ibang emosyon. 

'Wag kang magtangkang yayain siya ng date, kasi may research study, presentation slide, computation, pending blog, at new recipe pa siyang gagawin. 

Tuwing linggo, abala pa rin siya, sa church kung saan siya ay tech volunteer. Taga-operate ng keynote ng mga pastor. 

Sa rami ng kaniyang ginagawa, paano pa niya maiisip ang pumasok sa relasyon ulit? Paano nga naman niya maaalalang sumugal muli?

Hindi nasasaktan. Hindi rin nagiging masaya.

2. Fly, Fly, Fly the Butterfly

Sa kabilang banda, meron din namang mga taong kahit walang pakpak, ang bilis lumipad palayo. Dadapuan ang mga bulaklak sa hardin. Uubusin ang taglay nitong bango at pagkatapos, lilipad palayo. 

Sila yung mga taong nag-eenjoy sa kung ano yung "meron, pero parang wala". May mga mag-coffee buddy, jamming buddy, somebody at kung anu-ano pang buddy. "Best friends with benefits". Walang label. Pero may kaunting feelings. 

Pwedeng manuod ng sine nang silang dalawa lang. Pwede magkape nang silang dalawa lang. Pwedeng mag holding hands. Pwedeng umakbay. Pero bawal umasa. Bawal magdemand. At higit sa lahat, bawal magsabi ng "I love you." Kasi motto nila yung "Enjoy now, don't suffer later, leave".

Dahil bago pa maging seryoso, bago pa magbigay ng sobrang emosyon, aalis na. Iiwas na. Mauunang bibitaw, bago pa magkasakitan. Maglalahong parang bula. Walang paalam. Walang tatapusin, dahil wala naman talagang pinuntahan ang nasimulan. 

Sinawsaw lang ang paa sa tubig. Humakbang sa pampang. Pero noong nakitang palalim na ng palalim, natakot malunod. Umatras, at kumaripas ng takbo pabalik sa pampang.

Gusto nilang maging masaya, pero hindi handang masaktan. Play safe.

3. Intense like a Lion. (Rawr!)

At ang huli, sila yung mga taong tumutugon sa kabiguan sa pamamagitan ng pagbibigay ng lubos. Dahil nasaktan na sila ng sobra, nagmahal ulit ng sobra. Nagbigay ng sobra. 

Sila yung mga taong kapag hiningan mo ng french fries, bibigyan ka pa ng burger. May chocolate sundae pang kasama. Jackpot! Kapag humingi ka nga kape, bibigyan ka rin ng cake. Kahit oras ng pagtulog niya, kaya niyang ibigay kung kailangan mo ng kausap sa mga oras na 'yon. 

Handa siyang tumakbo mula Intramuros hanggang CCP at CCP pabalik ng Intramuros, kapag sinabi mong magpapayat siya. Mabubuhay siya sa pag-ibig at pag-asa kahit wala ang paborito niya pizza at coke. 

Sila yung taong gagawin ang lahat, dahil ayaw na muling masaktan. Sa sobrang bait, mabuti't hindi pa kinuha ni Lord. Iniisip kasi nila na baka naman sila ang may kasalanan kung bakit sila nasaktan. Baka hindi nila ginawa ang lahat kaya sila iniwan. Baka kasi kulang sila, kaya ipinagpalit sa iba.

Sila yung kayang mangutang para sumugal ulit. Hindi iniisip kung mananalo o matatalo. Masayang nagbibigay kahit walang tinatanggap pabalik. Nasanay o baka manhid na.


Tatlong uri ng pagtugon, magkakaiba, ngunit may pagkakahalintulad. Dahil silang tatlong uri ng tao na naging bunga ng kabiguan, ay nakaramdam ng takot. Takot na maulit ang mga pagkakataong halos makalimutan nila ang sarili nila. Takot maramdaman ang mga pagkakataong parang nasa loob ng kweba, madilim, ligaw at hindi matanaw ang lugar palabas. Nakalimutan nilang umiikot nga pala ang mundo at malapit na silang mapag-iwanan. 

Sumasapit talaga ang dapit-hapon. Ngunit sa tamang oras, sa tamang panahon, mayroon pa ring bukang-liwayway.



Huwebes, Nobyembre 10, 2016

Likido

Sa harap ng bote at baso
At dahan-dahan paglagok sa tubig na nakakahilo
Mamahalin mo rin ang kalungkutang nakababad sa madilim na kalye
Kung saan ang mga kaluluwa'y lumulutang at gumagala
Mamahalin mo rin ang tunog ng kuliglig
Na pinipilit pasukin ang iyong pag-iisip

Pansamantala kang maliligaw sa katahimikan
Aaliwin ka ng kumpas ng mga dahon at isasayaw sa hangin
Ngunit pagkaraan ng ilang oras ay ibabagsak ka sa sahig ng kasalukuyan

Akala mo'y nakatakas ka na
Akala mo'y nakawala ka na sa sumisikil ng iyong paghinga
Akala mo'y kumurap na ang mga nanlilisik na mata
Ngunit hindi.

Muli, dahan-dahan mong iaangat ang bote at bubuhusan ang baso
bubuhusan hanggang marating ang lalamunan mo
Hanggang marating ang pag-iisip na muling mahihilo. Malilito. Maliligaw. At babalik ang lahat sa dating proseso. Iikot. Paikot-ikot. Hanggang hindi na alam kung kailan hihinto.


Linggo, Nobyembre 6, 2016

Unos

Rumaragasa ang ating damdamin
Hinahampas ako ng hangin ng iyong pagkatao
Inaalon ka ng iyong pagmamataas
Ngunit pareho tayong nalulunod sa salita
Daluyong ng pagsamo ang sa aki'y yumanig
Nasira na ang lahat
Nasalanta
Hanggang sa wala ng naisalba ang panahon

Gusto Ko Sana

Gusto ko sanang ikaw ay makatabi
Nakatitig sa Taal at bahaghari
Pangarap at kabiguan ang ibinabahagi
Masayang alaala ating hinahabi

Gusto ko sanang hawakan ang iyong kamay
At sabay tayong maglalakbay
Kung saan nagtatagpo ang pangarap at panaginip
At kung saan tumitigil ang pagkainip

Ngunit ito'y hanggang nais na lamang
Pagkat puso mo'y may iba ng nilalaman
Kaya gusto ko na lang na ika'y makalimutan
Dahil damdamin mo'y sa iba nakalaan

Wala nang Balang- Araw

Wala nang balang-araw
Dahil tinapos mo na sa pamamagitan ng isang desisyon.
Isang desisyon na babago ng buhay mo at buhay ko,
Habang-buhay.
Sa isang papel at singsing, matatapos ang balang-araw na hinihintay ko.

Wala ng pintong inaasahang muling bubukas
Hindi ko na muling mahahawakan ang iyong kamay
Ito na ang wakas. Wala ng kuwit o elipsis ang ating istorya.
Tinapos mo na sa pamamagitan ng isang desisyong makasama siya

Wala nang balang-araw
Ikaw na ay para sa kanya
Ako, baka para sa iba
Wala ng balang-araw sa ating dalawa.