Miyerkules, Nobyembre 5, 2014

Ang LRT at ang Hininga

Nakasakay ako sa LRT kanina. Siksikan dahil rush hour. Uwian ng mga empleyadong pagod sa maghapong pagtatrabaho. Kahit pa ayokong makipagsiksikan, ginawa ko na rin sa kagustuhan kong makauwi. Nasa gitna kami ng byahe nang may maghikab sa harapan ko. Pakiramdam ko panandalian akong na-hypnotized. Magic spell ata ang magic smell na ibinuga nung manong. 

Isa sa mga bagay na mahirap pigilan ay yung paghihikab. Pero pwede naman itong gawin sa maayos na paraan. Mahirap bang takpan ang bibig kapag maghihikab? Sabagay kung nasa LRT nga naman at siksikan, baka oo ang sagot. Ang swerte ng ibang pasahero, lalo na ako, lumabas mula sa bangin ang hangin na hinding-hindi nila makakalimutan ang amoy sa tanang buhay nila.

Kunsabagay, tatlo lang naman pala ang pagpipilian ni Manong. Una, maghihikab siya na para bang nasa bahay lang. Unti-unting ibubuka ng malaki ang nakatikom na bibig sabay pungay ng mata. Isang bagsakan ang buga ng hangin.

Pangalawa, pwede siyang maghikab pero nakatakip ang bibig. Sa ganitong paraan, maitatago ng bahagya ang di kanais- nais na amoy. Pero yung kamay na ipinantakip niya sa bibig niya ay malaya niyang ihahawak sa bakal, na (unconsciously) pwede ko ring mahawakan. At kung anumang ingredients ang nailagay niya doon, sigurado, mabilis na maisasalin sa iba pang mga kamay na hahawak.

At ang ikatlo, pipigilan niya ang paghikab at ililipat sa ibang butas ng katawan ang hangin. Ito ang pinaka-destructive sa lahat, dahil kapag sa iba na dumaan, lalo't hindi kanais- nais ang amoy. 

Kung nagkataon ang ikatlong option ang pinili niya, malamang medyo lumawag sa loob ng tren, dahil kahit malayo pa ang istasyon ng bababaan mo, mapipilitan ka na lang lumabas.