Lunes, Setyembre 1, 2014

Sa Pahina ng mga Aklat (Isang Pagtatangka)

Minamasdan ko siya sa gilid ng aking mga mata. Parang puting papel na nililipad ng hangin sa kawalan ang gaan ng kanyang mga kilos. Naaaliw ang aking mga mata habang pinapanuod siyang nilalagpag at nililigpit ang mga pinggan sa ibabaw ng lamesa. Tinitingnan ko siya ngunit hindi niya ako nakikita.

Isa akong masugid na tagabasa ng kanyang mga iniisip at galaw. Parang isang librong puno ng iba't ibang kwento ang kanyang pagkatao. Marahan kong hinahaplos ang bawat pahina ng kanyang buhay. Hinahayaan kong maglakbay ang aking imahinasyon. Hinahayaan ko ang aking sarili na matuwa, malungkot at magulat sa mga ideyang nakalatag sa aking harapan. Lagi ko siyang iniisip ngunit  hindi niya alam.

Hindi ko na mabitawan ang aking librong binabasa. Nalulunod na ako sa mga salita at emosyon. Unti-unti akong nagiging isang karakter sa aklat. Isang karakter na maaring talakayin at kilalanin sa buong kabanata. Ako ay isang protagonista sa aking sariling imahinasyon ngunit, isang antagonista naman sa bersyon ng iba. Minamahal ko na siya ngunit minamahal niya'y iba.

Hanggang sa ang mga salita ay nawalan ng kahulugan. Hanggang ang mga natagpuang kahulugan ay naging malungkot na emosyon. Hanggang sa ang emosyon ay naglaho.

....Tinitingnan ko siya ngunit hindi niya ako nakikita...
.....Lagi ko siyang iniisip ngunit  hindi niya alam.....
.....Minamahal ko na siya ngunit minamahal niya'y iba....


Linggo, Pebrero 9, 2014

On the Job

Isang pelikulang nagtanggal ng maskara sa natatagong dungis ng lipunan, ito ang On the Job.

May katagalan nang ipinalabas sa sinehan ang pelikulang ito na pinagbibidahan ni Joel Torre, Gerald Anderson at Piolo Pascual; ngunit kahapon lamang ako nagkaroon ng oras na panuorin ito. 

Ang pelikula ay tumatalakay sa isang natatagong sistema sa loob ng kulungan. Lingid sa kaalaman ng nakararami, mayroon palang mga presong malayang nakakalabas pasok sa kulungan upang pumatay. Kinukuha sila kapalit ng malaking halaga para tumumba ng mga taong nakakapuwing sa mata ng nakaupo sa puwesto. Ang lahat ng para bang imposible ay nagiging posible sa pamamagitan ng pera at kapangyarihan.

Sa umpisa pa lang ng pelikula inatake na ni Erik Matti ang mga manunuod sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagpatay sa isang negosyanteng si Tiu. Naipakita na agad ng gunman na si Joel Torre ang depenisyon ng kanyang trabaho. Matapos niyang barilin si Tiu, naglakad lamang siya at humalo sa kumpulan ng mga tao na para bang wala siyang binawing buhay. 

Napakaganda ng mga camera shots ni Erik Matti. Alam niya kung saang anggulo sasaluhin ang isang eksena. Hindi niya sinusundan ang mga aktor bagkus inilalagay niya ang mga kamera sa pupuntahan nito. Walang sayang na segundo sa palabas. Lahat ng eksena ay babantayan. Swak rin ang mga ginamit na scoring na nakatulong upang lalong mapaigting ang emosyon na ipinapabatid ng palabas. 

Isa sa mga nagustuhan kong eksena ay noong pinatay ni Joel Torre si Gerald Anderson. Hindi ko nakita na mangyayari ang eksenang ito. Tila mag-ama na ang turingan ng dalawa. Si Joel ang nagturo kay Gerald ng maraming bagay ukol sa trabaho nila. Ngunit nang minsang may nangyaring gusot sa pagpatay nila, natandaan ng pulis na si Joey Marquez ang mukha ni Joel kaya naman nalantad ang kanyang identity. Upang hindi maging mainit sa mga pulis, hindi na muna isinasama ng middle man si Joel Torre sa mga trabaho nila. Nag-alala siya at baka dahil sa nangyari at sa nalalapit na niyang paglaya, ipaligpit rin siya dahil sa mga nalalaman niya. Kaya inunahan niya si Gerald at pinatay ito. Ngunit sa katotohanan, walang iniuutos kay Gerald na patayin niya si Joel Torre. Tila pinatunayan ng eksenang ito ang mga katagang "survival of the fittest"; na sa ilang pagkakataon, kailangang mawala ng isa para mabuhay ang isa.

Nagtapos ang pelikula na hindi pa rin nakakamit ang katotohanan at hustisya para sa mga biktima ng kalabisan ng kapangyarihan. Sa realidad, ganito naman ang kasalukuyang eksena. Nagtatago sa mga maliliit na tao ang mga totoong halimaw na gumagawa ng malaking gulo. Malayang nabubuhay ngunit tila patay ang puso para gumanap ng kanilang totoong tungkulin.

Ang pelikulang On the Job ay sumasalamin lamang sa matagal nang bulok na sistemang hindi pa nahahanapan ng lunas. 

Miyerkules, Pebrero 5, 2014

Sulyap sa Gunita

Ipinasa ko ang tulang ito sa isang magasin. Sabi ng isa sa mga writer doon, baka hindi pa raw nababasa ng head nila, kaya hindi pa naeevaluate. Nawawalan na ako ng pag-asa, kaya ako na lang magpapapublish :p


Naaalala ko pa ang nagdaang tag-araw
Kung saan ang mga bulaklak ay makukulay
At sa malinis na batis ay nagtatampisaw
Pagkatapos maglaro sa aming likod bahay


Naaalala ko pa iyong mga halakhak
Kung saan ang mga ngiti’y abot hanggang ulap
Tila ‘sang guryong namamasyal sa alapaap
Sa bulong ng hangi’y sumasayaw, umiindak


Ngunit ngayon ang guryon ay tila ba naligaw
Sumabit sa isang punong sa tubig ay uhaw
Kalahating pakpak nito’y muntik nang mapunit
Mabuti na lang pisi nito’y hindi napatid


Ngayo’y unti-unting nagkakaguhit ang mukha
Sinisilip na lang ang kahapon sa gunita
Tanaw sa mata ang hirap para makaahon
Mayuming bulaklak nilipad na ng panahon


Ngunit ang pagkalanta nito’y siya ring pagsilang
Nang higit na magandang binhi sa halamanan
Binhing mamumunga ng asal na natutunan

At magbabahagi ng magandang kalooban

Sabado, Disyembre 21, 2013

Ang Makabagong Gentleman

Nagkalat na ngayon ang makabagong gentleman
Sa bus, sa jeep o sa lrt man
Sadyang nakakaaliw silang pagmasdan
Maipagmamalaki sa lipunan

Subukin mong ika'y sumakay
Sa LRT na marami ang akay
Di magkandaugaga sa iyong mga dala
Titigan ka lang niya mula ulo hanggang paa

Ngawit na ang iyong mga kamay
Siya'y wala pa ring malay
Bali na ang iyong balikat
Pwet niya'y di man lang maiangat

O makabagong gentleman, anong sarap ng iyong pagkakaupo
Baka naman maaari mong subukang tumayo
Dalaga'y tipa na sa kanyang mga dala
Sana naman ika'y makaramdam na

Biyernes, Hulyo 5, 2013

Para kay B

Naririnig ko ang iyong mga hakbang sa di kalayuan

Nililipad ang mga palamuting rosas sa daan

Unti-unting lumalakas ang iyong mga yabag

Ito'y papalapit sa akin

Marahan mong binuksan ang pintuan ng aking pagkatao

Di ako nag-alinlangan at ika'y aking pinapasok

Kinuha mo ang papag ng galit at pinalitan ito ng kama ng pagmamahal

Pinatay mo ang bombilya ng takot at sinindihan ang ilaw ng pagtitiwala

Salamat sa iyong pagdating

Isang bulalakaw sa langit na madilim

Ikaw ang katuparan ng aking hiling

Sagot sa dalanging taimtim.

Hiling

Kapag nahawi na ang mga dahong nagtatago sa sikat ng araw

Kapag nalihis na ang mga masukal na kakahuyan

At kapag huminahon na ang rumaragasang alon sa ilog,

Naroroon ako't naghihintay sa isang sulok ng iyong pagkatao

Inaabangan ang muling pagbubukas ng iyong puso.

Linggo, Hunyo 16, 2013

Ang Unang Lalaking Aking Minahal

(Hindi ako magaling sa pagsasalita ng nararamdaman kaya pwede naman nating ipaubaya sa panulat ang hindi masambit ng dila)
Kapag hawak na niya ang mikropono
Lahat ng tao’y napapatango
Sa kahit saang handaan
Sa kantahan siya ang number one

Ngunit di lang sa kantahan siya nangunguna
Sa’king puso siya ang laging bida
Tinig niyang sa gabi sa’kiy nagpapatulog
Pag-ibig ang sa ami’y laging handog

Hindi niya man kamukha si Piolo
Pero para sa’kin siya ang pinakagwapo
Sa ngiting mo, lahat ay napapatingin
Pati sa Rosanna Roces mahuhumaling

Kaya naman ika’y aking iniibig
Sa kahit kanino’y di ka ipagpapalit
Ako’y payapa sa’yong mga bisig
Sa puso ko kailanma’y di ka mawawaglit

To the first man I loved and will love for the rest of my life, Daddy, thank you for your unconditional love. You're not perfect but you're the best.

May mga pagkakataon na hindi ko naiintindihan ang paghihigpit mo sa'min minsan, lalo na noong nag-aaral pa ako. Ngunit nababatid ko na ang lahat ng ginagawa mo ay para sa amin. Marahil ay hindi ako makakapagtapos sa pag-aaral kundi dahil sa iyo at sa mga pangaral mo. 

Thank you for teaching us the importance of respect; that respect is gain by being good. Thank you for teaching us the value of perseverance; that if we want something, we should work hard for it. And most importantly, thank you for making me realize that we should not settle for "ok na yan" in life rather, we should always strive for something better.