Sabado, Pebrero 25, 2012



Candaba, Bagong Tahanan

Sa pag-aagaw ng dilim at liwanag
Kaningningan niya'y aking nabanaag
Sa aking paglalakbay mula sa lungsod
Nasilayan ang bayang langit ang dulot

Isang paraiso aking nasilayan
May makukulay na pakpak sa latian
bayan ng Candaba ako'y inihatid
Sa kalangitan na ligaya ang hatid

Iba't ibang ibon dito nandarayuhan
Mga pakpak nila'y iwinawagayway
Naglalakbay sa ibabaw ng latian
At umiindayog sa mga palayan

Ang mga huni nila'y parang musika
Sa puso't damdamin nagpapaligaya
Ang samyo ng hangi'y tila isang sayaw
Na nagbibigay ng ritmo sa pusong uhaw

Mga Candabeno may pusong busilak
Sa kanila, mapapalapit kang tiyak
Mga ngiti nila ay nakakahawa
Nakakalimutan pati ang problema

Dito ako ay lagi nang magbabalik
Sa bayan ng Candaba laging masasabik
Mabuti na lang ako'y dito dinala
Ng aking mga makukulit na paa

Ito ay isa lamang sa mga magagandang tanawing aking nasilayan habang tinatahak ang ruta papuntang Angeles sa Pampanga para kapanayamin ang direktor ng Department of Tourism. Pinawi ng larawang ito ang aking pagod at puyat noong araw na iyo. Napakagaling ng Dakilang Lumikha.