Nakita mo na ba ang hinahanap mo?
Paano mo makikita kung hindi mo hinahanap?
Bakit mo hahanapin kung hindi naman nawawala?
Kung hindi nawawala, bakit parang may kulang?
Saludo ako sa mga taong nalalaman kung ano ang ninanais ng kanilang puso at may taglay na lakas ng loob para ipaglaban ito. Madalas tayong maligaw sa daan ng buhay ng hindi natin namamalayan. Paminsan-minsan ay lumiliko sa maling landas. Kadalasan ay tumatahak sa daan na hindi dapat puntahan bunga ng curiosidad.
Sabi ng iba, nakatakda na raw ang kapalaran natin bago pa man tayo isilang sa mundo. Itinakda raw ito ng Diyos na naglalang sa'tin. Samantala, sabi naman ng iba, tayo ang gumagawa ng sarili nating kapalaran. Medyo magulo, ano ba talaga ang tama?
May mga pagkakataon na kailangan nating mamili sa pagitan ng mga bagay na NAIS nating gawin at sa mga bagay na DAPAT nating gawin. Para sa'kin higit itong mahirap kaysa pamimili kung kaliwa ba o kanan. Mas madali kasi kung papipiliin ka na lang sa tama o mali kaysa papiliin ka kung ano ang iyong nais at kung ano ang dapat gawin. Ang masaklap dito, marami kang dapat isaalang-alang, mga damdaming masasaktan at mga buhay na maaaring malihis rin ng daan. Sa isang desisyong gagawin mo, hindi lang buhay mo ang maaaring maapektuhan, kundi buhay rin ng maraming tao sa paligid mo. Kaya kadalasan, mas pinipili natin kung ano ang makakabuti sa nakakarami, kahit pa hindi ito ang makakabuti sa'tin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento