Matagal-tagal na rin simula nang huli kong bisitahin ang
blog na ito. Maraming nangyari sa nakalipas na isang buwan. Nakapunta ako sa
airport, dumalaw sa mga nasalanta ng bagyo, naghanap nang taong may sakit na
HIV, naghanap ng binahang eskwelahan, umalis sa trabaho at naglagay ng bangs.
Lumipas ang isang buwan na hindi ko na naman namamalayan.
Halu-halong emosyon ang naramdaman ko, pero nangibabaw dito ang kalungkutan at
kapaguran. Hindi umayon sa plano ko ang mga pangyayari. Ang inakala kong para
sa akin, hindi naman pala. Pilit na ipinagkasya ang size 9 na sapatos sa size
10 na paa. Kaya sa tagal ng paglalakad at panaka-nakang pagtakbo, nagkaroon ito
ng sugat at paltos. Mahapdi. At habang tinitiis ko ang sakit, lalong lumalala
ang mga sugat.
At ngayon, hinubad ko na ang sapatos, naglalakad ako nang
nakayapak. Hindi alam kung saan patungo. At pagsara ng isang pinto ay hindi
nasundan nang pagbubukas ng bintana. Daig ko pa ang kuting na naligaw. Ano na
nga ba ang mangyayari sa akin?
Kaytagal kong hinintay ang araw ng aking pagtatapos bilang
isang mag-aaral. Pero bakit ngayon, tila higit na madali palang pag-aralan ang
mga asignatura sa paaralan kaysa tuklasin ang mga leksyon sa buhay. Higit na
ligtas ang isang barko kung ito ay nasa daungan. Ngunit hindi ito nilikha para
rito, bagkus ito ay nilikha upang maglayag at makipagsapalaran sa malalaking
alon.
Sa kabila ng hindi pag-ayon ng tadhana sa mga
nais ko, ipapaubaya ko na lamang sa Diyos ang lahat. Batid ko naman na ang
kanyang mga plano ay higit na mabuti kaysa sa mga plano ko para sa aking
sarili.