Linggo, Setyembre 2, 2012

Guni-guni Pagsapit ng Gabi


Matagal-tagal na rin simula nang huli kong bisitahin ang blog na ito. Maraming nangyari sa nakalipas na isang buwan. Nakapunta ako sa airport, dumalaw sa mga nasalanta ng bagyo, naghanap nang taong may sakit na HIV, naghanap ng binahang eskwelahan, umalis sa trabaho at naglagay ng bangs.

Lumipas ang isang buwan na hindi ko na naman namamalayan. Halu-halong emosyon ang naramdaman ko, pero nangibabaw dito ang kalungkutan at kapaguran. Hindi umayon sa plano ko ang mga pangyayari. Ang inakala kong para sa akin, hindi naman pala. Pilit na ipinagkasya ang size 9 na sapatos sa size 10 na paa. Kaya sa tagal ng paglalakad at panaka-nakang pagtakbo, nagkaroon ito ng sugat at paltos. Mahapdi. At habang tinitiis ko ang sakit, lalong lumalala ang mga sugat.

At ngayon, hinubad ko na ang sapatos, naglalakad ako nang nakayapak. Hindi alam kung saan patungo. At pagsara ng isang pinto ay hindi nasundan nang pagbubukas ng bintana. Daig ko pa ang kuting na naligaw. Ano na nga ba ang mangyayari sa akin?

Kaytagal kong hinintay ang araw ng aking pagtatapos bilang isang mag-aaral. Pero bakit ngayon, tila higit na madali palang pag-aralan ang mga asignatura sa paaralan kaysa tuklasin ang mga leksyon sa buhay. Higit na ligtas ang isang barko kung ito ay nasa daungan. Ngunit hindi ito nilikha para rito, bagkus ito ay nilikha upang maglayag at makipagsapalaran sa malalaking alon.

Sa kabila ng hindi pag-ayon ng tadhana sa mga nais ko, ipapaubaya ko na lamang sa Diyos ang lahat. Batid ko naman na ang kanyang mga plano ay higit na mabuti kaysa sa mga plano ko para sa aking sarili.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento