Miyerkules, Oktubre 24, 2012

Walang Magandang Pamagat

Kung mayroon mang dahilan kung bakit ako nagsusulat ngayon, yun ay dahil naging masaya ako kagabi. Ang pagsusulat ay hindi lamang paraan upang ilathala ang mga natatagong kalungkutan, bagkus ito rin ay isang daan upang magbahagi ng kasiyahan. Sa mga nakalipas na buwan, kadalasang naisusulat ko ang aking nararamdaman na may kaugnayan sa kabiguan. Ngayon, nais ko namang magbahagi ng kagalakan at mga aral na aking natutunan.

Hindi naging madali para sa akin ang naging karanasan ko sa aking unang trabaho. Ganun pala ang kalakaran sa isang malaking kumpanyang napasukan ko. Parang isang survival game. Matira ang matibay. Oo hindi ako naging matibay. Dahil kung ang depinisyon ng pagiging matibay ay ang pagtitiis na halos hindi ko nakakasama ang pamilya at mga kaibigan ko, oo naging mahina ako. Pinalipas ko ang isang buwan. Kung iisipin, napakaikli noon. Pero para sa akin, ang katumbas noon ay halos anim na buwan na dahil sa ito'y naging punung-puno na ng mga alaala.


Nilisan ko ang mundong iyon at naghanap ng bagong pugad. At ito na nga ang pinapasukan ko ngayon. Hindi ito sinlaki ng kumpanyang iniwanan ko. Pero di tulad doon, higit na mabait ang mga katrabaho ko. Nasa katamtaman lang din ang bigat ng trabaho. Hindi ito ang passion ko, pero unti-unti ko itong minamahal. Unti-unti kong niyayakap ang bagong pugad na nagturo sa akin muli kung paano lumipad nang minsa'y mabalian ako ng pakpak.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento