May katagalan na rin pala
noong huli kong nabisita itong blogsite ko. Medyo naging abala kasi nitong mga
nakaraang buwan sa trabaho. Mayroon kaming ginawang campaign para sa brand na
hinahawakan ko. Isa na nga pala akong "brand assistant" ngayon sa
isang publishing company. Hindi ito ang orihinal na plano noong umalis ako sa
cake decorating company na napasukan ko, pero hindi ko akalain na mag-eenjoy
ako dito sa bago kong trabaho. Higit na maganda talaga ang mga plano ng Diyos
kaysa sa sarili nating plano.
Mahigit isang taon na rin
ako rito. Sa kabila nang kalumaan ng building, amoy lumang kagamitan ang iilang
lumang tao (biro lang po), marami naman akong bagong natutunan. Mababait din
ang mga katrabaho ko. Sa kabila ng pagkakaiba-iba ng ugali, nagkakasundo pa rin
naman kami lalo na kung sa pagkain.
Ito ang unang trabaho na
natagalan ko, simula noong makapagtapos ako ng college. Siguro dahil napagod na
rin akong magpalipat-lipat. Ang hirap kasi talagang maghanap nang trabahong
para sa'yo, parang pag-ibig.
1. Iyong trabahong gusto
mo, ayaw sa'yo, at yung hindi mo inaasahan, sa bandang huli, kayo rin pala ang
magkakatuluyan.
Ilang beses na rin akong
na-reject ng mga niligawan kong kumpanya. Walang sinabi ang high heeled shoes
at fresh new look make-up ko. Hindi rin yata nabasa yung resume na ipinaabot ko
kay Manong guard. Walang text, walang e-mail, walang tawag na dumating. Hindi
pa man kami nagkakakilala ng nililigawan ko, basted agad. Ang malupet dyan,
yung pinaka pinapangarap kong kumpanya two times pa! Pero never say die! Sabi
nga sa kasabihan walang matigas na tinapay sa mainit na kape. Kaya naman sa
tuwing magreresign ako sa ibang company, bumabalik ulit ako kay Manong Guard
para magpasa ng resume.
Hanggang sa isang araw, sa
wakas may tinamaan ang pana ni kupido. Nasa loob lang din pala ng Intramuros
ang hinahanap ko. Isang tumbling lang mula sa PLM, kaya sa tuwing pumapasok ako
sa trabaho, pakiramdam ko nag-aaral ako ulit. At kung minsan naman kapag
tinamaan ng katamaran, iniisip ko yung iniisip ko noong nag-aaral pa ako, si
"crush". :)
2. Kung mahal mo,
ipaglalaban mo.
Kung mahirap maghanap ng
trabaho, aba, mas mahirap maghanap ng trabahong mamahalin mo. Kaya naman kapag
nahanap mo na, wag mo nang pakawalan pa. Ipaglaban mo kahit marami pa ang
humadlang.
Maraming mga taong nega sa
mundo. Sasabihin sa'yo na iwan mo na siya dahil mababa ang sweldo, masungit ang
boss, walang bonus, mabagal ang computer at internet connection, at kung
anu-ano pa. Pero dahil nga mahal mo, dapat tanggap mo pati yung mga hindi
kagandahan sa kanya. Sabi nga sa Bible, "Whatever you do, work at it
wholeheartedly as though you were doing it for the Lord and not merely for
people."- Colossas 3:23
3. Huwag nang tumingin sa iba kung committed ka na.
Paano kung nakita mo na 'yong "the one", tapos biglang dumating 'yong "man of your dreams", anong gagawin mo? Naku, dito na masusukat ang iyong katapatan.
May ganitong eksena rin sa trabaho. Ang tahimik na ng buhay ko noon, nang biglang tumawag sila Mr. M, ang pangarap kong kumpanya. Inalok ako ng trabaho. Bahagya akong naguluhan, dahil ang tagal kong naghintay sa offer na yun, pero hindi ko naman matanggap dahil meron na akong kasalukuyang trabaho. Naniniwala kasi ako na kapag may napili na, panindigan na. Siguro hindi talaga iyon para sa'kin, kasi kung para sa'kin 'yon, darating siya sa right time and at the right moment. Naks!
4. Hindi basehan ng
hiwalayan ang pagtatampuhan.
May mga pagkakataong mababadtrip ka. Maiinis ka. At minsan, parang mababaliw pa. Pero relaks ka lang, hindi dahil, hindi kayo okay ngayon, makikipaghiwalay ka na.
Hindi talaga maiiwasan ang pagkakamali, lalo na kung hindi lang naman isang proyekto ang ginagawa mo. Minsan nga 'yong table ko, kasing gulo na rin ng utak ko, dagdag pa ang iilang usapang magulo, hay ewan, ang gulo! Pero ang isang magulong araw, hindi nangangahulugan ng isang buong linggong kaguluhan. Palampasin na lang natin ang minsang hindi pagkakaunawaan, kung kapalit naman nito ay mas mabuting pagsasamahan.
Hindi ka perpekto. Hindi rin sila perpekto. Kaya chill ka lang, wag masyadong mainit ang ulo.
5. Learn from each other
and enjoy your relationship.
Sabi ng science teacher
namin dati, "opposite attracts". Siguro kasi, upang may matutunan
tayo sa isa't isa.
Huwag nating palampasin
ang isang araw na wala tayong bagong malalaman. It is not necessary that it is
a new strategy for product development or new conclusion based on the latest
research result, sometimes, it is also important for us to learn the simple
things in life. Katulad na lamang ng mabuting pakikisama at tamang pakikitungo
sa lahat ng officemates, boss man o simpleng empleyado.
Lahat ng ating mga naging karanasan ay maaari nating baunin sa ating patutunguhan. Pero mahalaga na suriin natin kung alin sa mga ito ang magdudulot sa atin progreso.
Huwag kalimutang mag-enjoy at pahalagahan ang bawat "moments".
Hindi ba't mas maganda kung dumating man ang araw na magkahiwalay kayo (kung sakaling hindi pang Forevermore ang story ninyo), alam niyong may natutunan o naibahagi kayo sa isa't isa. Edi kung sakali, mababawasan na ang mga taong "bitter" sa mundo. Lahat tayo, "better". :) (okay lang kahit hindi best) :)
(Hindi lahat ng nakatala ay base sa personal na buhay ng awtor. Ilan sa mga ito ay bunga lamang ng malikhaing pag-iisip.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento