Biyernes, Hunyo 17, 2016

Napadaan

Napadaan ako sa kalyeng dati nating dinadaanan papunta sa bahay ninyo. Napadaan lang, pero bakit ganun, yung mga alaala natin, parang tumambay pa sa isip ko.

Dumaan sa isip ko yung mga pagkakataong nakaupo ako sa isang fastfood at naghihintay sa pagdating mo. Lagi ka kasing late di ba? Ang bilis kong mainip dati pero noong ikaw na hinihintay ko, okay lang.

Dumaan sa isip ko nang minsang nagcommute tayo dahil sabi ko ayoko magmotor dahil marami akong dala. Alam ko nairita ka na sa init at traffic noon, pero hawak mo pa rin ang mg kamay ko.

Dumaan sa isip ko nang isang beses, sa tapat ng flower shop, sabi mo korni yung mga taong nagbibigay ng bulaklak. Sumang-ayon ako sa'yo, pero ang totoo, hiniling ko na sana, ang isang astig na katulad mo, bigyan ng bulaklak ang isang babaeng katulad ko. Hindi ko iisiping korni yun, promise! Kikiligin pa ako sa tuwa.

Dumaan sa isip ko yung pagsundo mo sa akin sa motor at pinakilala mo ako sa mga kaibigan mo. Ang sarap pala sa pakiramdam na matawag na girlfriend mo.

Dumaan sa isip ko yung "tayo". Ang bilis ng lahat. Dumaan lang din at lumipas na. Mabuti pa ang jeep, alam kong babalikan ang mga rutang iyon. Babalikan ang mga kalyeng minsan nating binaybay na magkahawak kamay, magkayakap. Pero tayo, wala ng babalikan. May kanya-kanya nang bagong daang tinatahak. At ang mga kalyeng yaon, ang bawat kanto, ang mga nakalakip na ngiti at pagmamahal, sa alalaa ko na lang muling babalikan. Dahil dumaan na. Lumipas na. At tapos na.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento