At dahan-dahan paglagok sa tubig na nakakahilo
Mamahalin mo rin ang kalungkutang nakababad sa madilim na kalye
Kung saan ang mga kaluluwa'y lumulutang at gumagala
Mamahalin mo rin ang tunog ng kuliglig
Na pinipilit pasukin ang iyong pag-iisip
Pansamantala kang maliligaw sa katahimikan
Aaliwin ka ng kumpas ng mga dahon at isasayaw sa hangin
Ngunit pagkaraan ng ilang oras ay ibabagsak ka sa sahig ng kasalukuyan
Akala mo'y nakatakas ka na
Akala mo'y nakawala ka na sa sumisikil ng iyong paghinga
Akala mo'y kumurap na ang mga nanlilisik na mata
Ngunit hindi.
Muli, dahan-dahan mong iaangat ang bote at bubuhusan ang baso
bubuhusan hanggang marating ang lalamunan mo
Hanggang marating ang pag-iisip na muling mahihilo. Malilito. Maliligaw. At babalik ang lahat sa dating proseso. Iikot. Paikot-ikot. Hanggang hindi na alam kung kailan hihinto.