Miyerkules, Mayo 3, 2017

Kung Maagang Darating ang Dapit-hapon

Paano kung maagang dumating ang dapit-hapon sa buhay ng isang tao?
Paano niya haharapin ang papalubog na araw
Kung hindi pa siya nagsawa sa ulap na bughaw?
Paano niya sisilipin ang kahel na bukang-liwayway
Kung mas mahaba pa ang gabing itim ang kulay
Paano niya pagmamasdan ang buwan,
Kung bituin lang ang kaya niyang tingnan?


Kung maagang darating ang dapit-hapon
Tititigan ko ang pagbukas ng ulap
Maglalaro ako sa gitna ng bukirin
At sisinghutin ko ang samyo ng umaga
Sisinghutin ko ang amoy ng kalabaw
At lalasapin ko ang natirang hamog sa mga dahon

Kung maagang darating ang dapit-hapon
Tatakbo ako at hahabulin ang aking paghinga
Hahayaan kong tumagaktak ang pawis
Sa kasuluksulukan ng aking katawan
Lulundag ako at iindayog sa mga sumasayaw na halaman

Kung maagang darating ang dapit-hapon
Uuwi ako sa aming tahanan
Aabangan ko ang lutong adobo ni Inay sa hapag-kainan
Lilinisin ko ang pandesal sa kapeng itinimpla
At hahayaang mapaso ang dila sa init nitong dala

Kung maagang darating ang dapit-hapon
Maliligo ako sa poso
Tulad noong bata pa ako
Lilinisin ko ang mantsa ng kahapon
At babanlawan ko ang mga natirang pait

Kung maagang darating ang dapit-hapon
Ipipinta ko ang pagkatao ng aking mahal
Sa kung paanong nakaukit siya sa aking alaala
Kukulayan ko ang bawat anggulo ng kanyang mukha
At hahaplusin ko ang kanyang puso

Kung maagang darating ang dapit-hapon
Aakayin ko ang kanyang kamay patungo sa dalampasigan
Lalanguyin namin ang lalim ng dagat at pagmamahal
Sasambitin ko ang mga salitang hindi pa niya narinig
Ipapabatid ko sa kanya ang alon ng aking pag-ibig

Kung maagang darating ang dapit-hapon
Gagawin ko ang mga bagay na tunay kong nais
At hindi iyong mga kailangan lamang tapusin

Kung maagang darating ang dapit-hapon
Magmamahal ako ng walang hinihintay na kapalit
At magpapatawad ako ng paulit-ulit

Kung maagang darating ang dapit-hapon
Hahalakhak ako na tila walang nakakarinig
Aawit ako at maaaliw sa aking himig
Dahil kung sakali mang maagang dumating ang dapit-hapon
Magpapasalamat pa rin ako.
Dahil nasilayan ko ang umaga.
Naramdaman ko ang ulan.
Napaso ako sa init ng araw.
Nabuhay ako.