Huwebes, Hulyo 27, 2017

Tunog ng Puso

Sa paglapat ng ating mga palad
Nakita ko ang lawak ng langit
Napasilip ako sa nakangiting buwan
Nabura ang bagabag ng kalooban

Dahan-dahan kong susuyurin
At kakalabitin
Ang inaagiw na gitara sa sulok
Lalapatan ng tunog ang bawat pagtibok

Sa mundong walang tinig
Lilikha ako ng musikang magsasayaw sa’yo
Tanglaw ang ‘di mabilang na tala
Iindayog tayo sa melodiya ng ating puso

Liliparin ng hangin
Ang lungkot ng nakaraan
Magkahawak-kamay na lilibutin
Ang bagong lansangan

At kung dumating man
Ang oras ng pamamaalam
Sana’y iyong laging matandaan

Na minsan, lumundag tayo sa kawalan

Miyerkules, Mayo 3, 2017

Kung Maagang Darating ang Dapit-hapon

Paano kung maagang dumating ang dapit-hapon sa buhay ng isang tao?
Paano niya haharapin ang papalubog na araw
Kung hindi pa siya nagsawa sa ulap na bughaw?
Paano niya sisilipin ang kahel na bukang-liwayway
Kung mas mahaba pa ang gabing itim ang kulay
Paano niya pagmamasdan ang buwan,
Kung bituin lang ang kaya niyang tingnan?


Kung maagang darating ang dapit-hapon
Tititigan ko ang pagbukas ng ulap
Maglalaro ako sa gitna ng bukirin
At sisinghutin ko ang samyo ng umaga
Sisinghutin ko ang amoy ng kalabaw
At lalasapin ko ang natirang hamog sa mga dahon

Kung maagang darating ang dapit-hapon
Tatakbo ako at hahabulin ang aking paghinga
Hahayaan kong tumagaktak ang pawis
Sa kasuluksulukan ng aking katawan
Lulundag ako at iindayog sa mga sumasayaw na halaman

Kung maagang darating ang dapit-hapon
Uuwi ako sa aming tahanan
Aabangan ko ang lutong adobo ni Inay sa hapag-kainan
Lilinisin ko ang pandesal sa kapeng itinimpla
At hahayaang mapaso ang dila sa init nitong dala

Kung maagang darating ang dapit-hapon
Maliligo ako sa poso
Tulad noong bata pa ako
Lilinisin ko ang mantsa ng kahapon
At babanlawan ko ang mga natirang pait

Kung maagang darating ang dapit-hapon
Ipipinta ko ang pagkatao ng aking mahal
Sa kung paanong nakaukit siya sa aking alaala
Kukulayan ko ang bawat anggulo ng kanyang mukha
At hahaplusin ko ang kanyang puso

Kung maagang darating ang dapit-hapon
Aakayin ko ang kanyang kamay patungo sa dalampasigan
Lalanguyin namin ang lalim ng dagat at pagmamahal
Sasambitin ko ang mga salitang hindi pa niya narinig
Ipapabatid ko sa kanya ang alon ng aking pag-ibig

Kung maagang darating ang dapit-hapon
Gagawin ko ang mga bagay na tunay kong nais
At hindi iyong mga kailangan lamang tapusin

Kung maagang darating ang dapit-hapon
Magmamahal ako ng walang hinihintay na kapalit
At magpapatawad ako ng paulit-ulit

Kung maagang darating ang dapit-hapon
Hahalakhak ako na tila walang nakakarinig
Aawit ako at maaaliw sa aking himig
Dahil kung sakali mang maagang dumating ang dapit-hapon
Magpapasalamat pa rin ako.
Dahil nasilayan ko ang umaga.
Naramdaman ko ang ulan.
Napaso ako sa init ng araw.
Nabuhay ako.



Biyernes, Marso 3, 2017

Biyernes

Biyernes ng gabi. Di ko pa trip umuwi ng bahay kaya nanuod muna ako ng sine at tumambay sa paborito kong restawran. New York White Pizza at Baked Ziti ang inorder ko. Ito na ang nakaugalian at paborito kong makita sa tuwing ayaw kong magsalita o makarinig. Damang-dama ko ang linamnam ng kesong puti na may lihim palang relasyon sa dahon ng basil. Hindi ko akalaing perpekto pala ang kombinasyon ng dalawa. 

Maraming tao sa Mall ngayon. Weekend sale kasi. Mabuti na lang at kakaunti lang ang kumakain dito. Kaya madalas, dito ako pumupunta sa tuwing pagod sa limang araw na pagtatrabaho. Halos puno rin ang sinehan kanina. Si Liza Soberano at Enrique Gil kasi ang bida. Bukod pa rito, sadyang patok sa masa ang mga pelikulang may ganitong tema, tungkol sa pag-ibig. Bawat isa sa atin, sigurado akong may maikukwento tungkol sa bagay na 'yan. 

Uminog sa bitterness ang istorya ng pelikula. Isang Blogger si Liza o Cali. Naging pamoso siya dahil sa kanyang "Bakit List". Hindi maka-move on sa ex niyang si Enrique o Gio. Nagkaroon kasi si Gio ng pisikal na relasyon sa ibang babae. Dahil dito, natakot nang magmahal at magtiwalang muli si Cali. 

Sa palagay ko, magkakaiba ang pagtugon natin sa kabiguan. Narito ang tatlong uri ng paglalarawan:

1. Busy as a Bee

Sila yung mga taong pinipiling umiwas. Dahil dito, hindi na rin sila sumusugal sa kahit ano. Hindi natatalo, ngunit hindi rin nananalo. Sila yung madalas magsabi na "Kalma lang, Bes". Dinaig pa si Lady Gaga sa Poker Face. Sila yung madalas mong makitang abala sa opisina. Career-oriented. Nag-iinterpret ng Nielsen Survey at puro Brand campaigns ang nasa isip. Dumarating sa opisina ng 7:30am kahit pa 8:00am ang pasok. Umuuwi ng 6pm, kahit na 5pm dapat. 

Dalawang beses sa isang linggo, nag-aaral ng MBA. Pag-uwi ng bahay, nagpipinta o di kaya'y nanunuod ng Koreanovela. Dahil nga "kalma" lang siya, sa Legend of the Blue Sea at water color humuhugot ng ibang emosyon. 

'Wag kang magtangkang yayain siya ng date, kasi may research study, presentation slide, computation, pending blog, at new recipe pa siyang gagawin. 

Tuwing linggo, abala pa rin siya, sa church kung saan siya ay tech volunteer. Taga-operate ng keynote ng mga pastor. 

Sa rami ng kaniyang ginagawa, paano pa niya maiisip ang pumasok sa relasyon ulit? Paano nga naman niya maaalalang sumugal muli?

Hindi nasasaktan. Hindi rin nagiging masaya.

2. Fly, Fly, Fly the Butterfly

Sa kabilang banda, meron din namang mga taong kahit walang pakpak, ang bilis lumipad palayo. Dadapuan ang mga bulaklak sa hardin. Uubusin ang taglay nitong bango at pagkatapos, lilipad palayo. 

Sila yung mga taong nag-eenjoy sa kung ano yung "meron, pero parang wala". May mga mag-coffee buddy, jamming buddy, somebody at kung anu-ano pang buddy. "Best friends with benefits". Walang label. Pero may kaunting feelings. 

Pwedeng manuod ng sine nang silang dalawa lang. Pwede magkape nang silang dalawa lang. Pwedeng mag holding hands. Pwedeng umakbay. Pero bawal umasa. Bawal magdemand. At higit sa lahat, bawal magsabi ng "I love you." Kasi motto nila yung "Enjoy now, don't suffer later, leave".

Dahil bago pa maging seryoso, bago pa magbigay ng sobrang emosyon, aalis na. Iiwas na. Mauunang bibitaw, bago pa magkasakitan. Maglalahong parang bula. Walang paalam. Walang tatapusin, dahil wala naman talagang pinuntahan ang nasimulan. 

Sinawsaw lang ang paa sa tubig. Humakbang sa pampang. Pero noong nakitang palalim na ng palalim, natakot malunod. Umatras, at kumaripas ng takbo pabalik sa pampang.

Gusto nilang maging masaya, pero hindi handang masaktan. Play safe.

3. Intense like a Lion. (Rawr!)

At ang huli, sila yung mga taong tumutugon sa kabiguan sa pamamagitan ng pagbibigay ng lubos. Dahil nasaktan na sila ng sobra, nagmahal ulit ng sobra. Nagbigay ng sobra. 

Sila yung mga taong kapag hiningan mo ng french fries, bibigyan ka pa ng burger. May chocolate sundae pang kasama. Jackpot! Kapag humingi ka nga kape, bibigyan ka rin ng cake. Kahit oras ng pagtulog niya, kaya niyang ibigay kung kailangan mo ng kausap sa mga oras na 'yon. 

Handa siyang tumakbo mula Intramuros hanggang CCP at CCP pabalik ng Intramuros, kapag sinabi mong magpapayat siya. Mabubuhay siya sa pag-ibig at pag-asa kahit wala ang paborito niya pizza at coke. 

Sila yung taong gagawin ang lahat, dahil ayaw na muling masaktan. Sa sobrang bait, mabuti't hindi pa kinuha ni Lord. Iniisip kasi nila na baka naman sila ang may kasalanan kung bakit sila nasaktan. Baka hindi nila ginawa ang lahat kaya sila iniwan. Baka kasi kulang sila, kaya ipinagpalit sa iba.

Sila yung kayang mangutang para sumugal ulit. Hindi iniisip kung mananalo o matatalo. Masayang nagbibigay kahit walang tinatanggap pabalik. Nasanay o baka manhid na.


Tatlong uri ng pagtugon, magkakaiba, ngunit may pagkakahalintulad. Dahil silang tatlong uri ng tao na naging bunga ng kabiguan, ay nakaramdam ng takot. Takot na maulit ang mga pagkakataong halos makalimutan nila ang sarili nila. Takot maramdaman ang mga pagkakataong parang nasa loob ng kweba, madilim, ligaw at hindi matanaw ang lugar palabas. Nakalimutan nilang umiikot nga pala ang mundo at malapit na silang mapag-iwanan. 

Sumasapit talaga ang dapit-hapon. Ngunit sa tamang oras, sa tamang panahon, mayroon pa ring bukang-liwayway.



Huwebes, Nobyembre 10, 2016

Likido

Sa harap ng bote at baso
At dahan-dahan paglagok sa tubig na nakakahilo
Mamahalin mo rin ang kalungkutang nakababad sa madilim na kalye
Kung saan ang mga kaluluwa'y lumulutang at gumagala
Mamahalin mo rin ang tunog ng kuliglig
Na pinipilit pasukin ang iyong pag-iisip

Pansamantala kang maliligaw sa katahimikan
Aaliwin ka ng kumpas ng mga dahon at isasayaw sa hangin
Ngunit pagkaraan ng ilang oras ay ibabagsak ka sa sahig ng kasalukuyan

Akala mo'y nakatakas ka na
Akala mo'y nakawala ka na sa sumisikil ng iyong paghinga
Akala mo'y kumurap na ang mga nanlilisik na mata
Ngunit hindi.

Muli, dahan-dahan mong iaangat ang bote at bubuhusan ang baso
bubuhusan hanggang marating ang lalamunan mo
Hanggang marating ang pag-iisip na muling mahihilo. Malilito. Maliligaw. At babalik ang lahat sa dating proseso. Iikot. Paikot-ikot. Hanggang hindi na alam kung kailan hihinto.


Linggo, Nobyembre 6, 2016

Unos

Rumaragasa ang ating damdamin
Hinahampas ako ng hangin ng iyong pagkatao
Inaalon ka ng iyong pagmamataas
Ngunit pareho tayong nalulunod sa salita
Daluyong ng pagsamo ang sa aki'y yumanig
Nasira na ang lahat
Nasalanta
Hanggang sa wala ng naisalba ang panahon

Gusto Ko Sana

Gusto ko sanang ikaw ay makatabi
Nakatitig sa Taal at bahaghari
Pangarap at kabiguan ang ibinabahagi
Masayang alaala ating hinahabi

Gusto ko sanang hawakan ang iyong kamay
At sabay tayong maglalakbay
Kung saan nagtatagpo ang pangarap at panaginip
At kung saan tumitigil ang pagkainip

Ngunit ito'y hanggang nais na lamang
Pagkat puso mo'y may iba ng nilalaman
Kaya gusto ko na lang na ika'y makalimutan
Dahil damdamin mo'y sa iba nakalaan

Wala nang Balang- Araw

Wala nang balang-araw
Dahil tinapos mo na sa pamamagitan ng isang desisyon.
Isang desisyon na babago ng buhay mo at buhay ko,
Habang-buhay.
Sa isang papel at singsing, matatapos ang balang-araw na hinihintay ko.

Wala ng pintong inaasahang muling bubukas
Hindi ko na muling mahahawakan ang iyong kamay
Ito na ang wakas. Wala ng kuwit o elipsis ang ating istorya.
Tinapos mo na sa pamamagitan ng isang desisyong makasama siya

Wala nang balang-araw
Ikaw na ay para sa kanya
Ako, baka para sa iba
Wala ng balang-araw sa ating dalawa.

Sabado, Oktubre 1, 2016

I Wish You Were Here

"I wish you were here
Seeing this cinematic scene
While I was lying here
And listening to the cold wind

I wish you were here
Reading to me a piece of Shakespeare
While I am looking at your eyes
It feels like I'm watching the sky

I wish you were here
While I am listening to the melodic sea
I remember your voice sounds so sweetly
A music that calms the beast inside me

I wish you were here
Listening to the beat of my heart
I wish I could hear your heart too
Softly whispering "I love you"

But you are not here
And I think, I will just keep on wishing"

Biyernes, Hunyo 17, 2016

Napadaan

Napadaan ako sa kalyeng dati nating dinadaanan papunta sa bahay ninyo. Napadaan lang, pero bakit ganun, yung mga alaala natin, parang tumambay pa sa isip ko.

Dumaan sa isip ko yung mga pagkakataong nakaupo ako sa isang fastfood at naghihintay sa pagdating mo. Lagi ka kasing late di ba? Ang bilis kong mainip dati pero noong ikaw na hinihintay ko, okay lang.

Dumaan sa isip ko nang minsang nagcommute tayo dahil sabi ko ayoko magmotor dahil marami akong dala. Alam ko nairita ka na sa init at traffic noon, pero hawak mo pa rin ang mg kamay ko.

Dumaan sa isip ko nang isang beses, sa tapat ng flower shop, sabi mo korni yung mga taong nagbibigay ng bulaklak. Sumang-ayon ako sa'yo, pero ang totoo, hiniling ko na sana, ang isang astig na katulad mo, bigyan ng bulaklak ang isang babaeng katulad ko. Hindi ko iisiping korni yun, promise! Kikiligin pa ako sa tuwa.

Dumaan sa isip ko yung pagsundo mo sa akin sa motor at pinakilala mo ako sa mga kaibigan mo. Ang sarap pala sa pakiramdam na matawag na girlfriend mo.

Dumaan sa isip ko yung "tayo". Ang bilis ng lahat. Dumaan lang din at lumipas na. Mabuti pa ang jeep, alam kong babalikan ang mga rutang iyon. Babalikan ang mga kalyeng minsan nating binaybay na magkahawak kamay, magkayakap. Pero tayo, wala ng babalikan. May kanya-kanya nang bagong daang tinatahak. At ang mga kalyeng yaon, ang bawat kanto, ang mga nakalakip na ngiti at pagmamahal, sa alalaa ko na lang muling babalikan. Dahil dumaan na. Lumipas na. At tapos na.

Linggo, Hunyo 5, 2016

25 Things I Learned while I am 23

Few days from now, I’ll be celebrating my first birthday! Yes, I mean, the first anniversary of my second life. It’s been a year since I was diagnosed of a disease which taught me a lot of life lesson, at this very young age. But thanks to the grace of God, I just received the result of my latest whole body scan which showed that it’s all clear. I won the fight!

Since then, I became a different person. I became “too much”. To those who have known me for a long time, I’m sure, you observed some of these changes when we had a chance to get along. Well, recently, I just colored my hair, red. A lot of people asked why. And I always responded, “well, just for a change”. So, here’s the reason behind the red hair. It actually represents my extremities, my bravery, my courage and being “too much”. After all, I believe there is nothing wrong in being too much. To show too much care, too much affection, too much emotions and too much love. Though you make yourself vulnerable of being hurt, there’s nothing to regret about, because at the end of the day, you can proudly say to yourself, “I did not hold back. I gave all I’ve got”.



When I had a chance to live again, I realized, that the saying “Life is short” is true. Before, I always taught I had a lot of time to do the things I love, so I had a tendency to procrastinate. This is the reason why, after the surgery, I pursue and strive for the things I really love. I invested my time and effort to relationships, people, ministry, family, career-growth and leisure. Thus, my life did not revolved in work alone, which for a period of time, ate up all my attention and energy.

Last Sunday, I spent time alone with myself just to breathe and reflect. Here are some of my realizations which I wanted to share with you:

1. It is never too late for new beginnings.
Some chapter will end, but eventually, a new one will definitely start.



2. Forget the past but remember its lesson. Live in the present and plan for the future.

3. It might not always a good time. Situations are worst than what we are expected. But even though sometimes you feel that life knocks you down, be still, and always hope and pray for the best.

4. Don’t expect too much from other people. In this case, you are limiting the chances of getting hurt and increasing the chances of surprises.

5. Your family will never leave you, no matter what. Treasure them and spend more quality time with them.

6. Don’t drown yourself with too much problem, because we have a God who walks in the water. Learn to trust Him.

7. Always find an opportunity to improve your talent and skills.

8. Learn to say NO.

9. Don’t be too timid. Let them know who you are and don’t live with other people’s expectations.

10. Take care of our nature. It’s one of the best gifts from God.

11. Move forward from people or situations which physically or emotionally break your spirit and change the kind of person you are.

12. Give up on things or even people who are not worth fighting for.  

13. Fight for the things or people whom you love and who are worth it.

14. Know the difference between number 12 and number 13.

15. Know when to be kind and when not to tolerate other people.

16. Focus on the positive side; even if it’s hard to see that. Always carry a smile!

17. Be passionate in everything you do.

18. Take care of your health. Eat healthy food and exercise.

19. Don’t focus on what you don’t have, but capitalize on what you have. Create your own identity and don’t be a replica of someone.

20.  Don’t fall in love easily. Guard your heart.

21. Be wise and know when to take risk. (Before, I used to say, “don’t be afraid to take risk”)

22. Handle your finances wisely.

23. Lessen your time browsing your social media accounts, but spend more time in meaningful conversation.

24. Love, patience and wisdom. Always bring these three wherever you go.

25. Know your worth! You are wonderfully made.


Life has so much to offer! It is okay to feel bad and to be emotionally broke sometimes. That’s part of life spices. As mentioned in one of my favorite books, you will never appreciate joy, if you did not experienced pain. Yes, pain demands to be felt, so as the grace and love of God. Always carry a light and happy heart! :) Problems will all pass, trials will surely end. And they will come back again, eventually. But we always have a choice on how to respond. And I hope, our response is always based on our values and character, on what we have learned and experienced, and on how we want the future will be. 

Miyerkules, Mayo 11, 2016

Mabuti pang sa Ganito na lang Matapos ang Lahat…


Mabuti pang sa Ganito na Lang Matapos ang Lahat
Na maglalakad ka palayo sa akin at hindi na lilingon pa
Wala kang sasambitin ni isang salita
Dahil isa lang naman ang magiging ibig sabihin noon, kundi paalam na.

Mabuti pang sa ganito na lang matapos ang lahat
Na bigla ka na lang maglalahong parang bula
Para hindi mo makita ang aking mga luha
At namumugtong mata dahil wala ka na

Mabuti pang sa ganito na lang matapos ang lahat
Wala na rin akong salitang bibitawan
Dahil baka hindi na kita maiwan
Sundin ko na naman ang puso keysa isipan

Mabuti pang sa ganito na lang magtapos ang lahat
Dahil wala na rin namang patutunguhan
Kung ang puso mo’y hindi pa handa
Mabuti pang sa ganito na lang matapos ang lahat

Tuldok-Kuwit

6:34 pm. Nakatitig sa monitor ng computer dito sa office. Parang nang-aasar ang kurso ng mouse, pakindat-kindat. “On the Wings of Love” ang tumutugtog ng back ground music. Wala naman akong balak magsenti, pero bigla na lang, pumasok ka sa isip ko.

Ilang araw na rin ang lumipas simula noong sinabi kong tigilan na natin. Hindi na kasi kita maintindihan. Sa kakapilit kong intindihin ka, pati sa sarili ko naguguluhan na ako. Iba kasi ang mga pinapakita mo sa sinasabi mo.
Kung ilang ulit mong sinabing mahal mo ako, makailang ulit mo ring pinakitang balewala lang ako sa’yo.

I never saw you coming. Sa sobrang magkaiba ng mundo natin, hindi ko inakalang makukuha mo ang puso ko. Baka nga totoo young sinasabi nilang, opposite attracts. Pero hanggang attraction lang yun. At hindi lahat ng attraction, nagtatagal. Kung gaano ka kabilis dumating, ganoon rin kabilis kang nawala.

Namimiss ko na si Cassie. Yung aso mong panay ang tahol sa akin noong una akong makita. Pero noong kalauna’y naging close ko na rin. Namimiss ko na kung paano mo hawakan ang mga kamay ko. Na para bang ayaw mo na akong mawala. Namimiss ko na ang pagkain natin sa paboritong fast food. At higit sa lahat, namimiss na kita.

Pinakapaborito kong balikan sa alaala ko, noong minsang naglaro tayo sa Quantum. Para tayong high school na sabik magbasket ball at nag-enjoy sa mga laro. Sayang nga lang at wala ng videoke noon.    

Kahit na nasasaktan ako ngayon, hinding-hindi ko pinagsisisihan na minahal kita. Napatunayan ko sa sarili ko na kaya ko  palang magmahal ng lubos, bukod sa mga kapamilya at kaibigan ko.


Sayang nga lang at mali ang pagkakataon. Kasi kahit na ipilit ko pa, kung hindi ka pa handa, wala na akong magagawa.

Huwebes, Abril 28, 2016

Ligaw

Saan ba ako pupunta?

Napakarami kong hakbang na ginagawa pero walang malinaw na landas kung saan tutungo.

Para akong dahong tinatangay ng hangin.

Dadapo sa isa at makaraa'y lilipat din


Lunes, Pebrero 8, 2016

My Gentle Giant and Our Not so Ordinary First Date

Nakasakay siya sa motorbike. Naghihintay sa paglabas ko mula sa isang sikat na fastfood. First date daw namin. I have never imagined that I will be riding in a motorbike in our first date. We have a totally opposite personality. He’s like those action stars you see in movie, a big guy who has tattoo in his both arms. And yes, he’s wearing a black sando too. Luckily, I was not wearing a skirt. Yes, I’m one of those “pacute girls” who loves to wear skirts and paired it with sneakers. So when I saw him, my immediate reaction was, “Thank God, I’m not wearing my pink kikay palda”. I was hesitant to ride in his motorbike, since I was not used to it, and hello, we’re in Makati, with all those provincial buses and cars.

We headed towards their house to get his things for Badminton. Okay, so he was alone. Napaisip ako kung papasok ba ako o hindi. (Hindi ko mapigilang matawa ngayon habang sinusulat to, haha!) Medyo paranoid ako. Kaya kung anu- ano pumapasok sa isip ko that time. So I stayed outside, after a few minutes, he went out and said, “Ayaw mo bang pumasok”. “Oh okay,” sabi ko naman.

I sat at the end of the sofa, while waiting for him. I was still nervous at that time (haha!). After he’s done, we went at the badminton court and played the game. We stayed there until 6pm, and then went to Waltermart to eat. Hindi ako usually nagpapalibre, but he insisted. I let him pay for our meals. I am comfortable with him. I enjoyed listening to his story over my favorite fried chicken. I love to look at his eyes while expressing his thoughts. However, I felt he was a little hesitant talking about his past. There are things that he doesn’t want to tell me. And I respect his decision to keep those by himself.



After we ate, we went back to his apartment (Kinakabahan na naman ako). He picked up his guitar and played a few songs. That scene was like those in movies. Siya at ang kanyang gitara, malambing na boses at kumikinang na mata, ayoko nang matapos ang mga sandaling iyon. The action star turned into a prince charming.



He’s not my ideal guy. Sa sampung characteristics of my ideal man, siguro 5 lang ang meron siya. But he’s different. He’s one of a kind. He has a big heart, inspite of those tattoo and ‘bad guy’ image. He is real and there is gentleness in his actions. And I’m excited to know him more, who knows, he might be better than my ideal guy.  

Huwebes, Enero 28, 2016

Lost but not Forgotten

Sometimes those short and sweet moments are the ones that stayed long in our memories.

Tatlong buwan na ang nakalipas noong una ko siyang makita. Papunta ako noon sa Cagayan de Oro. I was sent by the company I’m working with to help out on the event. That was my first time to travel alone.

My flight was delayed for about an hour or two. I was reading “To Kill a Mockingbird” while waiting for the plane. It was past two o clock then when the crew announced that we can already board the plane. Magkahalong kaba at excitement ang naramdaman ko. Kaba, dahil naiimagine ko, pa’no kung bumagsak yung eroplano? Excitement naman dahil unang pagkakataon kong makapunta sa Mindanao, na dati’y sa mapa ko lang nakikita. Akala ko sa tabi ako ng bintana mauupo, pero hindi pala.

Lumapit siya sa pwesto ko, at sa tabi ng bintana naupo. Kapansin-pansin ang pagiging friendly niya. Habang naghihintay pa kami sa pagsakay ng ibang pasahero, nakipagkwentuhan na siya.

“Hi! Delay ang flight noh.”

“Oo nga eh.”

“Sa’n punta mo?”

“Cagayan De Oro.”

“Bisaya ka?”

“Ahm, hindi.”

Medyo matipid pa ang mga sagot ko sa kanya noong una, dahil kinakabahan pa rin akong mag-isa. Pero napansin ko na mukha naman siyang mapagkakatiwalaan, kaya para mabawasan ang takot at kaba, nakipagkwentuhan na rin ako. Isa pa, matagal-tagal rin ang byahe namin.

“Ikaw, sa’n ka?”, pahabol na sabi ko.

“Sa Cagayan de Oro din. Anong gagawin mo sa Cagayan?”

“Ah, work-related, may event lang kami.”

“Ikaw lang mag-isa?”

“Oo eh, pero may susundo naman sa akin pagbaba sa airport.”

“Ah, mabuti naman. Which company are you related with?”

“With a publishing company. Ikaw?”

“Ako, sa Isuzu. May seminar kami sa Laguna, work-related din, kaya ako napunta dito”.

Parang ang bilis ng isang oras at apatnapung minuto na magkausap kami. We shared little stories, short experiences, smiles and laughter. He described how he was fascinated with the simplicity of living in the province. He showed me a glimpse of Cagayan de Oro through his eyes. He told me how he strived from being a working student to a supervisor at their office. He shared with me how he also wanted to explore Manila and discover new places. In the same way, I also shared a little about myself. I enjoyed that moment with him, approximately 35, 000 feet from the ground, feelings and emotions are floating in the air.

When we already reached, Lagunduingan airport, he requested me to wait for him. He was at first hesitant, but then, he still asked.

“Pwede ko bang makuha number mo?”

“Ahm, sige.”

Sinamahan niya ako hanggang sa paglabas ng airport. Hinintay niya ako hanggang sa dumating na ang sundo ko. Nakatingin siya habang pasakay ako ng kotse. Nakatingin ako sa kanya habang unti-unti na kaming papalayo. 


Miyerkules, Abril 15, 2015

Hindi Kita Boyfriend Pero...

Hindi kita boyfriend pero tuwing umaga gusto ko na ako ang unang babati sa'yo ng "Magandang Umaga".

Hindi kita boyfriend pero gusto kitang makita araw-araw kahit saglit lang.

Hindi kita boyfriend pero sa tingin mo pa lang kinikilig na agad ako, paano pa kaya kung ngumiti ka na, siguradong tunaw na ang puso ko.

Hindi kita boyfriend pero nagpapaganda ako para sa'yo. Para kahit tumingin ka sa iba, ako lang ang tititigan mo.

Hindi kita boyfriend pero sobrang masaya ako sa simpleng biruan natin, paano pa kaya kung magkwentuhan pa tayo tungkol sa buong maghapon.

Hindi kita boyfriend pero nakikita ko ang hinaharap kasama ka.

Hindi kita boyfriend pero sabay tayong umaasa sa mga pangarap kahit gaano ito kahirap abutin, at sabay tayong bumabangon sa bawat pagkabigo.

Hindi kita boyfriend pero alam natin na lagi tayong nakahandang dumamay sa isa't isa.

Hindi kita boyfriend pero sabay tayong umiyak, tumawa, tumalon at panandaliang mabaliw sa panloloko ng tadhana.

Hindi kita boyfriend, pero sana nga boyfriend na lang kita.

Hindi Kita Gusto Dahil...

Hindi kita gusto dahil sa kulay ng balat mo

Hindi kita gusto kasi hindi mo taglay ang mga matang sing kinang ng mga bituin. Hindi ko tuloy masilip kung ano ang nasa kalooban mo.

Hindi kita gusto dahil hindi ka kasing tangkad ni James Yap.

Hindi kita gusto dahil wala sa'yo ang ilong na tulad ng kay Ryan Agoncillo.

Hindi kita gusto dahil masyado kang mabait. Hindi ko tuloy mawari kung paano ka magalit.

Hindi kita gusto dahil hilig mo rin ang mga kantang pinakikinggan ko.

Hindi kita gusto dahil natatandaan mo nang minsang sabihin kong ayoko ng honey glaze chicken sa Jollibee, kahit na hindi ko pa naman talaga ito natitikman.

Hindi kita gusto dahil gusto mo ring mapalapit sa mga taong mahalaga sa'kin.

Hindi kita gusto dahil masaya ako kapag kasama kita. Halos hindi ko napapansin ang oras. 

Hindi kita gusto dahil tinuruan mo ako kung paano magtiwalang muli.

Hindi kita gusto dahil pinaniwala mo ako na mayroong mga natatanging nilalang na katulad mo.

Hindi kita gusto dahil unti-unti na kitang minamahal.

Martes, Enero 27, 2015

Ang Trabaho ay Parang Pag-ibig

May katagalan na rin pala noong huli kong nabisita itong blogsite ko. Medyo naging abala kasi nitong mga nakaraang buwan sa trabaho. Mayroon kaming ginawang campaign para sa brand na hinahawakan ko. Isa na nga pala akong "brand assistant" ngayon sa isang publishing company. Hindi ito ang orihinal na plano noong umalis ako sa cake decorating company na napasukan ko, pero hindi ko akalain na mag-eenjoy ako dito sa bago kong trabaho. Higit na maganda talaga ang mga plano ng Diyos kaysa sa sarili nating plano.

Mahigit isang taon na rin ako rito. Sa kabila nang kalumaan ng building, amoy lumang kagamitan ang iilang lumang tao (biro lang po), marami naman akong bagong natutunan. Mababait din ang mga katrabaho ko. Sa kabila ng pagkakaiba-iba ng ugali, nagkakasundo pa rin naman kami lalo na kung sa pagkain. 

Ito ang unang trabaho na natagalan ko, simula noong makapagtapos ako ng college. Siguro dahil napagod na rin akong magpalipat-lipat. Ang hirap kasi talagang maghanap nang trabahong para sa'yo, parang pag-ibig. 

1. Iyong trabahong gusto mo, ayaw sa'yo, at yung hindi mo inaasahan, sa bandang huli, kayo rin pala ang magkakatuluyan. 

Ilang beses na rin akong na-reject ng mga niligawan kong kumpanya. Walang sinabi ang high heeled shoes at fresh new look make-up ko. Hindi rin yata nabasa yung resume na ipinaabot ko kay Manong guard. Walang text, walang e-mail, walang tawag na dumating. Hindi pa man kami nagkakakilala ng nililigawan ko, basted agad. Ang malupet dyan, yung pinaka pinapangarap kong kumpanya two times pa! Pero never say die! Sabi nga sa kasabihan walang matigas na tinapay sa mainit na kape. Kaya naman sa tuwing magreresign ako sa ibang company, bumabalik ulit ako kay Manong Guard para magpasa ng resume.

Hanggang sa isang araw, sa wakas may tinamaan ang pana ni kupido. Nasa loob lang din pala ng Intramuros ang hinahanap ko. Isang tumbling lang mula sa PLM, kaya sa tuwing pumapasok ako sa trabaho, pakiramdam ko nag-aaral ako ulit. At kung minsan naman kapag tinamaan ng katamaran, iniisip ko yung iniisip ko noong nag-aaral pa ako, si "crush". :)

2. Kung mahal mo, ipaglalaban mo.

Kung mahirap maghanap ng trabaho, aba, mas mahirap maghanap ng trabahong mamahalin mo. Kaya naman kapag nahanap mo na, wag mo nang pakawalan pa. Ipaglaban mo kahit marami pa ang humadlang. 


Maraming mga taong nega sa mundo. Sasabihin sa'yo na iwan mo na siya dahil mababa ang sweldo, masungit ang boss, walang bonus, mabagal ang computer at internet connection, at kung anu-ano pa. Pero dahil nga mahal mo, dapat tanggap mo pati yung mga hindi kagandahan sa kanya. Sabi nga sa Bible, "Whatever you do, work at it wholeheartedly as though you were doing it for the Lord and not merely for people."- Colossas 3:23

3. Huwag nang tumingin sa iba kung committed ka na.

Paano kung nakita mo na 'yong "the one", tapos biglang dumating 'yong "man of your dreams", anong gagawin mo? Naku, dito na masusukat ang iyong katapatan.

May ganitong eksena rin sa trabaho. Ang tahimik na ng buhay ko noon, nang biglang tumawag sila Mr. M, ang pangarap kong kumpanya. Inalok ako ng trabaho. Bahagya akong naguluhan, dahil ang tagal kong naghintay sa offer na yun, pero hindi ko naman matanggap dahil meron na akong kasalukuyang trabaho. Naniniwala kasi ako na kapag may napili na, panindigan na. Siguro hindi talaga iyon para sa'kin, kasi kung para sa'kin 'yon, darating siya sa right time and at the right moment. Naks! 

4. Hindi basehan ng hiwalayan ang pagtatampuhan.

May mga pagkakataong mababadtrip ka. Maiinis ka. At minsan, parang mababaliw pa. Pero relaks ka lang, hindi dahil, hindi kayo okay ngayon, makikipaghiwalay ka na.

Hindi talaga maiiwasan ang pagkakamali, lalo na kung hindi lang naman isang proyekto ang ginagawa mo. Minsan nga 'yong table ko, kasing gulo na rin ng utak ko, dagdag pa ang iilang usapang magulo, hay ewan, ang gulo! Pero ang isang magulong araw, hindi nangangahulugan ng isang buong linggong kaguluhan. Palampasin na lang natin ang minsang hindi pagkakaunawaan, kung kapalit naman nito ay mas mabuting pagsasamahan.

Hindi ka perpekto. Hindi rin sila perpekto. Kaya chill ka lang, wag masyadong mainit ang ulo.

5. Learn from each other and enjoy your relationship.

Sabi ng science teacher namin dati, "opposite attracts". Siguro kasi, upang may matutunan tayo sa isa't isa. 

Huwag nating palampasin ang isang araw na wala tayong bagong malalaman. It is not necessary that it is a new strategy for product development or new conclusion based on the latest research result, sometimes, it is also important for us to learn the simple things in life. Katulad na lamang ng mabuting pakikisama at tamang pakikitungo sa lahat ng officemates, boss man o simpleng empleyado. 

Lahat ng ating mga naging karanasan ay maaari nating baunin sa ating patutunguhan. Pero mahalaga na suriin natin kung alin sa mga ito ang magdudulot sa atin  progreso.

Huwag kalimutang mag-enjoy at pahalagahan ang bawat "moments". 

Hindi ba't mas maganda kung dumating man ang araw na magkahiwalay kayo (kung sakaling hindi pang Forevermore ang story ninyo), alam niyong may natutunan o naibahagi kayo sa isa't isa. Edi kung sakali, mababawasan na ang mga taong "bitter" sa mundo. Lahat tayo, "better". :) (okay lang kahit hindi best)   :)

(Hindi lahat ng nakatala ay base sa personal na buhay ng awtor. Ilan sa mga ito ay bunga lamang ng malikhaing pag-iisip.)