Lunes, Oktubre 29, 2012

Bawal Pag-usapan


Hindi ko alam kung paano ko sisimulan ang blog ko ngayong araw. Nais kong ikwento ang mga nangyari pero hindi ako sigurado saan magsisimula.

However, let me just start with this phrase; “Loving someone doesn’t necessary mean you have to be in relationship with him/her. You can love without owning that person, because no one owns anyone.”

Noong high school ako, nagmamadali akong ma in love. At tulad ng ibang kabataan, gusto kong maranasan yung inilalarawan nilang “heaven” kapag kapiling mo yung taong nagbibigay ng kahulugan sa pagtibok ng puso mo.  Kaya naman gusto ko agad magkaroon ng boyfriend.
Pero mali pala, sa kadahilanang kahit na hindi mo kasintahan ang isang tao, pwede mo pa rin siyang mahalin. Kaya nga hindi ako naniniwala sa prinsipyo ng give and take. Because when you give, you should not expect anything in return. You give, because you love and not because you are expecting to gain something. Kung ang prinsipyo ng give and take ang paiiralin, sa aking palagay, lagi lang tayong masasaktan. Lagi lang tayong mabibigo at aasa.





Kanina, naglalakad kami sa kahabaan ng Ocampo St. Ramdam ko talaga ang pagsakit ng paa. Pinupulikat ako. Pero bale wala ang sakit kasi siya ang nasa tabi ko. Naglalakad kami habang tinatanglawan ng buwan sa langit. Tila isa itong mata na nagbabantay at kinikilig sa manaka-nakang pagdidikit ng aming mga braso. Habang magkausap kami, nais kong hawakan ang kanyang mga kamay. Malalim na rin ang gabi ngunit ayoko pang umuwi dahil makalipas ang halos tatlong taon, ngayon na lamang kami nakapag-usap ng ganito. Ibinahagi niya ang mga bagay na hindi niya naibabahagi sa iba. Nagbukas siya ng sarili, at ikinuwento ang lamang ng isip niya. He shared about his dreams, goals and also frustrations. Muli ko rin namang binuksan ang puso ko para sa kanya. Komportable akong kasama siya, naibabahagi ko rin sa kanya ang mga bagay na bihira ko ikuwento sa ibang tao. Para siyang walking diary. Pero isang topic lang naman ang hindi ko kayang sabihin sa kanya ng personal, at ito ay ang katotohanang espesyal at mahalaga siya sa akin. Hindi ko alam kung ito na nga ba ang pag-ibig o simpleng romance lang. Because as they say, romance is easy, love is not. Gayunpaman, batid ko naman na may espesyal siyang lugar sa puso ko. Isang lugar na binuksan ko lamang para sa kanya at siguradong wala nang makakapasok pang iba.

Minsan na siyang dumaan at pagkatapos ay agad ring lumisan. At ngayon, muli na naman siyang naligaw sa dating landas na tinahak. Bagama’t iniwan niya itong baku-bako noon, muli siyang pinayagang pumasok.


Sabado, Oktubre 27, 2012

First time

Hindi naman tayo magkakilala pero sinamahan mo ako maglakad. 

Hinatid mo ako hanggang sa sakayan. Nagkuwentuhan tayo ng mga simpleng bagay tungkol sa atin. Nakakatuwa kang kausap. Sa ilalim ng mga bituin at buwan, lihim akong nakangiti, at sana nakangiti ka rin.

Perstaym ko ata maglakad ng medyo mahaba kasama at kausap ang isang taong bago ko pa lamang nakilala. Nakakatuwa magbahagi ng sarili at makakilala ng bagong kaibigan.

Ito ang una naming pag-uusap pero para bang napakagaan na ng loob ko sa'yo. Kung saan man ito tutungo, sulyapan na lamang natin sa mga buwan at tala.

Miyerkules, Oktubre 24, 2012

Walang Magandang Pamagat

Kung mayroon mang dahilan kung bakit ako nagsusulat ngayon, yun ay dahil naging masaya ako kagabi. Ang pagsusulat ay hindi lamang paraan upang ilathala ang mga natatagong kalungkutan, bagkus ito rin ay isang daan upang magbahagi ng kasiyahan. Sa mga nakalipas na buwan, kadalasang naisusulat ko ang aking nararamdaman na may kaugnayan sa kabiguan. Ngayon, nais ko namang magbahagi ng kagalakan at mga aral na aking natutunan.

Hindi naging madali para sa akin ang naging karanasan ko sa aking unang trabaho. Ganun pala ang kalakaran sa isang malaking kumpanyang napasukan ko. Parang isang survival game. Matira ang matibay. Oo hindi ako naging matibay. Dahil kung ang depinisyon ng pagiging matibay ay ang pagtitiis na halos hindi ko nakakasama ang pamilya at mga kaibigan ko, oo naging mahina ako. Pinalipas ko ang isang buwan. Kung iisipin, napakaikli noon. Pero para sa akin, ang katumbas noon ay halos anim na buwan na dahil sa ito'y naging punung-puno na ng mga alaala.


Nilisan ko ang mundong iyon at naghanap ng bagong pugad. At ito na nga ang pinapasukan ko ngayon. Hindi ito sinlaki ng kumpanyang iniwanan ko. Pero di tulad doon, higit na mabait ang mga katrabaho ko. Nasa katamtaman lang din ang bigat ng trabaho. Hindi ito ang passion ko, pero unti-unti ko itong minamahal. Unti-unti kong niyayakap ang bagong pugad na nagturo sa akin muli kung paano lumipad nang minsa'y mabalian ako ng pakpak.