Miyerkules, Disyembre 5, 2012

Mismatch


Some things are meant to be. Some things are not.

May mga bagay talaga siguro na kaya hindi para sa’yo kasi nakalaan na para sa iba. Ang pangit tignan di ba, kung hindi magkaparehas ang tsinelas na suot mo. Kahit na parehong sakto sa paa mo, pero kung magkaiba naman ang disenyo, hindi pa rin match.

Kamakailan lamang ay natapos kong basahin ang aklat na naisulat ni Bo Sanchez na pinamagatang “5 Things you Should do Before you Die”. Isa si Bo sa mga paborito kong awtor. Tulad ng iba pa niyang mga naisulat, marami akong natutunan sa libro na ito. Isa na rito ang pagbibigay ng halaga sa present. Kadalasan, napagsasawalang bahala natin ang present dahil sa kakaisip sa future at sa past. Ang kinakalabasan tuloy, maraming nasasayang na oras at pagkakataon.

Kaya naman tinuturuan ko ang aking sarili na gamitin ang aking mga mata upang pagmasdan ang kasalukuyan at hindi iyakan ang nakalipas na.

Tanggapin man natin o hindi, may mga bagay talaga na nangyayari na wala sa kagustuhan natin. Hindi na natin maintindihan kung minsan. Para bang ang sarap maging kabute. Iyong tipong lulubog at maglalaho kapag hindi mo na kaya ang mga nangyayari at saka lilitaw kapag ayos na ang lahat. Pero hindi ganun kadali iyon. Hindi naman nilikha ang isang barko para lang manatili sa daungan, bagkus ito ay nilikha upang maglakbay sa kabila ng malalakas at malalaking alon. Kailangan lang panatilihin ang katatagan ng kalooban, dahil kung hindi, baka masira ang barko at di magtagal ay bigla na lamang itong lumubog.

Unti-unti, inaalis ko siya sa sistema ko. Unti-unti rin kasing pinapaisip sa akin na nakalaan na siya para sa iba. Matagal akong naghintay sa isang pagkakataon na bago ko pa makuha ay nawala na. Ayoko nang maghintay ulit. Sa kahit kanino at sa kahit ano. Tama si Bo, kailangan nating makita ang kahalagahan ng kasalukuyan para maintindihan ang buhay. Kailangan nating tikman at lasapin, anumang lasa ang ihahanda nito, dahil sa ganitong pagkakataon, darating ang araw na makukuha rin natin ang pinakamasarap na timpla na pwedeng ihain sa atin ng Dakilang Tagapagluto.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento