Lunes, Disyembre 31, 2012

Thy Womb


“Isang obra maestra. Ito ay nagsilbing bintana na nagbukas sa natatanging kultura ng mga mamamayan sa Mindanao.Sa pamamagitan nito ay aking nasilip ang buhay, kaugalian at uri ng pamumuhay ng pangkat ng mga tao sa isang sulok ng ating bansa.”

Ang pelikulang Thy Womb ni Ginoong Brillante Mendoza ay tungkol sa kwento ng mag-asawang sina Shaleha (Nora Aunor) at Bangas-an (Bembol Roco) na lubos ang kagustuhan na magkaroon ng anak. Si Shaleha ang nagsilbing kumadrona sa kanilang komunidad. Tumutulong sila sa mga inang magluluwal ng sanggol ngunit sila mismo ay hindi mabiyayaan ng isa man. Ngunit dahil sa wagas na pagmamahal ni Shaleha kay Bangas-an, siya mismo ang naghanap ng magiging kabiyak nito na makapagbibigay sa kanya ng anak. Pinag-ipunan nilang mag-asawa ang pakikpagkasundo kay Mersila(Lovi Poe) na kung saan ang “dowry” ay nagkakahalaga ng P150, 000 at ang kasunduang sa oras na magkaroon ng anak si Bangas-An at Mersila, hihiwalayan  ni Bangas-An ang kanyang asawang si Shaleha.

Kung ating mapapansin, simple lamang ang kwento ng pelikula, ngunit napakahusay ng atake ng direktor. Ang simpleng kwento ay naging magnipiko.


Ipinakilala agad ng director ang kanyang mga pangunahing tauhan sa pamamagitan ng unang scenario kung saan si Shaleha ay nagpapaanak sa isang badjao katulong si Bangas-An. Hindi tulad ng ibang pelikula na kadalasang sinisimulan sa long shot o establishing shot, sinimulan ng director ang pelikula sa close up shot ni Shaleha. Sa saliw ng magandang scoring, nakuha agad ni Brillante Mendoza ang atensyon ng mga manunuod.  Sinundan pa ito ng long shot sa magandang karagatan at kapaligiran na nilakbay ng mag-asawa pauwi sa kanilang tahanan. Ang magandang framing at wastong paggamit sa kagandahan ng kapaligiran ang nagpakinang sa cinematograpiya ng pelikula.

Sa kabilang banda, medyo may kabagalan ang “pacing” ng pelikula. Ngunit hindi naging dahilan ito upang mainip ang mga manunuod bagkus, ito ay naging magandang teknik upang magkaroon ng pakiramdam ang mga manunuod na isa sila sa karakter sa pelikula. Sa pamamagitan ng teknik na ito, tila pinapanuod ko ang natural na pamumuhay ng mga badjao. Tila pansamantala akong tumira sa kanilang pamayanan. Naramdaman ko ang paghihintay ni Shaleha at Bangas-An dahil pinaramdam ng direktor ang tagal ng paghihintay. Naramdaman ko ang hirap ng panghuhuli ng isda. Hindi minadali  o dinaya ang mga shot at scenario. Ipinakita rin ang kultura ng pagpapakasal ng mga Muslim. Naipakita ang bawat detalye, walang pinutol na eksena. Hindi lamang naipakita ang mga pangyayari, naiparamdam rin ng pelikula ang dapat mong maramdaman sa bawat eksena. Nasalamin sa pelikula ang yaman ng kultura at geograpiya na hindi natin pinapansin dati dahil natakpan na ito ng mga hindi magandang opinyong naidulot ng manaka-nakang labanan sa Mindanao.

Kapuri-puri ang natatanging pagganap ni Nora Aunor at Bembol Roco. Tila sila tunay na mag-asawa sa totoong buhay. Kitang-kita ang emosyon sa mga mata ni Nora Aunor lalo na sa scenario kung saan nakatingin siya sa kawalan habang hawak sa mga kamay ang hinahabing banig. Hindi masalita ang pelikula, kaunti lamang ang mga linya ng mga aktor ngunit napakaraming sinasabi ng mga shot. The film speaks for itself.

Kapansin-pansin rin ang paggamit ng simbolismo sa pelikula. Sa isang scenario kung saan nagdadasal at nagpapasalamat si Shaleha dahil sa pag-asang makumbinsi ang pamilya ni Mersila, binanggit niya ang mga katagang “Glory to Allah”, ngunit pagkazoom out ng camera, ipinakita ang isang halamang tinik na tila sumisimbolo sa internal na sakit na nararamdaman ni Shaleha sa sakripisyong kanyang gagawin.

Sa kabuuan, masasabi kong pinanindigan ng director sa pamamagitan ng pelikula ang kinang ng kanyang pangalan. Makikitang pinag-isipan at pinagplanuhan ang bawat elemento sa pelikula at hindi lamang ito ginawa upang kumita ng pera. Tunay na kahanga-hanga at maipagmamalaki ang isang obrang tulad ng pelikulang Thy Womb.

1 komento:

  1. Saan at kailan naganap ang kwento? Ilarawan ang katangian ng kapaligirang ginamit sa pelikula...... Sana po ma sagot niyo😅

    TumugonBurahin