Miyerkules, Nobyembre 5, 2014

Ang LRT at ang Hininga

Nakasakay ako sa LRT kanina. Siksikan dahil rush hour. Uwian ng mga empleyadong pagod sa maghapong pagtatrabaho. Kahit pa ayokong makipagsiksikan, ginawa ko na rin sa kagustuhan kong makauwi. Nasa gitna kami ng byahe nang may maghikab sa harapan ko. Pakiramdam ko panandalian akong na-hypnotized. Magic spell ata ang magic smell na ibinuga nung manong. 

Isa sa mga bagay na mahirap pigilan ay yung paghihikab. Pero pwede naman itong gawin sa maayos na paraan. Mahirap bang takpan ang bibig kapag maghihikab? Sabagay kung nasa LRT nga naman at siksikan, baka oo ang sagot. Ang swerte ng ibang pasahero, lalo na ako, lumabas mula sa bangin ang hangin na hinding-hindi nila makakalimutan ang amoy sa tanang buhay nila.

Kunsabagay, tatlo lang naman pala ang pagpipilian ni Manong. Una, maghihikab siya na para bang nasa bahay lang. Unti-unting ibubuka ng malaki ang nakatikom na bibig sabay pungay ng mata. Isang bagsakan ang buga ng hangin.

Pangalawa, pwede siyang maghikab pero nakatakip ang bibig. Sa ganitong paraan, maitatago ng bahagya ang di kanais- nais na amoy. Pero yung kamay na ipinantakip niya sa bibig niya ay malaya niyang ihahawak sa bakal, na (unconsciously) pwede ko ring mahawakan. At kung anumang ingredients ang nailagay niya doon, sigurado, mabilis na maisasalin sa iba pang mga kamay na hahawak.

At ang ikatlo, pipigilan niya ang paghikab at ililipat sa ibang butas ng katawan ang hangin. Ito ang pinaka-destructive sa lahat, dahil kapag sa iba na dumaan, lalo't hindi kanais- nais ang amoy. 

Kung nagkataon ang ikatlong option ang pinili niya, malamang medyo lumawag sa loob ng tren, dahil kahit malayo pa ang istasyon ng bababaan mo, mapipilitan ka na lang lumabas.

Lunes, Setyembre 1, 2014

Sa Pahina ng mga Aklat (Isang Pagtatangka)

Minamasdan ko siya sa gilid ng aking mga mata. Parang puting papel na nililipad ng hangin sa kawalan ang gaan ng kanyang mga kilos. Naaaliw ang aking mga mata habang pinapanuod siyang nilalagpag at nililigpit ang mga pinggan sa ibabaw ng lamesa. Tinitingnan ko siya ngunit hindi niya ako nakikita.

Isa akong masugid na tagabasa ng kanyang mga iniisip at galaw. Parang isang librong puno ng iba't ibang kwento ang kanyang pagkatao. Marahan kong hinahaplos ang bawat pahina ng kanyang buhay. Hinahayaan kong maglakbay ang aking imahinasyon. Hinahayaan ko ang aking sarili na matuwa, malungkot at magulat sa mga ideyang nakalatag sa aking harapan. Lagi ko siyang iniisip ngunit  hindi niya alam.

Hindi ko na mabitawan ang aking librong binabasa. Nalulunod na ako sa mga salita at emosyon. Unti-unti akong nagiging isang karakter sa aklat. Isang karakter na maaring talakayin at kilalanin sa buong kabanata. Ako ay isang protagonista sa aking sariling imahinasyon ngunit, isang antagonista naman sa bersyon ng iba. Minamahal ko na siya ngunit minamahal niya'y iba.

Hanggang sa ang mga salita ay nawalan ng kahulugan. Hanggang ang mga natagpuang kahulugan ay naging malungkot na emosyon. Hanggang sa ang emosyon ay naglaho.

....Tinitingnan ko siya ngunit hindi niya ako nakikita...
.....Lagi ko siyang iniisip ngunit  hindi niya alam.....
.....Minamahal ko na siya ngunit minamahal niya'y iba....


Linggo, Pebrero 9, 2014

On the Job

Isang pelikulang nagtanggal ng maskara sa natatagong dungis ng lipunan, ito ang On the Job.

May katagalan nang ipinalabas sa sinehan ang pelikulang ito na pinagbibidahan ni Joel Torre, Gerald Anderson at Piolo Pascual; ngunit kahapon lamang ako nagkaroon ng oras na panuorin ito. 

Ang pelikula ay tumatalakay sa isang natatagong sistema sa loob ng kulungan. Lingid sa kaalaman ng nakararami, mayroon palang mga presong malayang nakakalabas pasok sa kulungan upang pumatay. Kinukuha sila kapalit ng malaking halaga para tumumba ng mga taong nakakapuwing sa mata ng nakaupo sa puwesto. Ang lahat ng para bang imposible ay nagiging posible sa pamamagitan ng pera at kapangyarihan.

Sa umpisa pa lang ng pelikula inatake na ni Erik Matti ang mga manunuod sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagpatay sa isang negosyanteng si Tiu. Naipakita na agad ng gunman na si Joel Torre ang depenisyon ng kanyang trabaho. Matapos niyang barilin si Tiu, naglakad lamang siya at humalo sa kumpulan ng mga tao na para bang wala siyang binawing buhay. 

Napakaganda ng mga camera shots ni Erik Matti. Alam niya kung saang anggulo sasaluhin ang isang eksena. Hindi niya sinusundan ang mga aktor bagkus inilalagay niya ang mga kamera sa pupuntahan nito. Walang sayang na segundo sa palabas. Lahat ng eksena ay babantayan. Swak rin ang mga ginamit na scoring na nakatulong upang lalong mapaigting ang emosyon na ipinapabatid ng palabas. 

Isa sa mga nagustuhan kong eksena ay noong pinatay ni Joel Torre si Gerald Anderson. Hindi ko nakita na mangyayari ang eksenang ito. Tila mag-ama na ang turingan ng dalawa. Si Joel ang nagturo kay Gerald ng maraming bagay ukol sa trabaho nila. Ngunit nang minsang may nangyaring gusot sa pagpatay nila, natandaan ng pulis na si Joey Marquez ang mukha ni Joel kaya naman nalantad ang kanyang identity. Upang hindi maging mainit sa mga pulis, hindi na muna isinasama ng middle man si Joel Torre sa mga trabaho nila. Nag-alala siya at baka dahil sa nangyari at sa nalalapit na niyang paglaya, ipaligpit rin siya dahil sa mga nalalaman niya. Kaya inunahan niya si Gerald at pinatay ito. Ngunit sa katotohanan, walang iniuutos kay Gerald na patayin niya si Joel Torre. Tila pinatunayan ng eksenang ito ang mga katagang "survival of the fittest"; na sa ilang pagkakataon, kailangang mawala ng isa para mabuhay ang isa.

Nagtapos ang pelikula na hindi pa rin nakakamit ang katotohanan at hustisya para sa mga biktima ng kalabisan ng kapangyarihan. Sa realidad, ganito naman ang kasalukuyang eksena. Nagtatago sa mga maliliit na tao ang mga totoong halimaw na gumagawa ng malaking gulo. Malayang nabubuhay ngunit tila patay ang puso para gumanap ng kanilang totoong tungkulin.

Ang pelikulang On the Job ay sumasalamin lamang sa matagal nang bulok na sistemang hindi pa nahahanapan ng lunas. 

Miyerkules, Pebrero 5, 2014

Sulyap sa Gunita

Ipinasa ko ang tulang ito sa isang magasin. Sabi ng isa sa mga writer doon, baka hindi pa raw nababasa ng head nila, kaya hindi pa naeevaluate. Nawawalan na ako ng pag-asa, kaya ako na lang magpapapublish :p


Naaalala ko pa ang nagdaang tag-araw
Kung saan ang mga bulaklak ay makukulay
At sa malinis na batis ay nagtatampisaw
Pagkatapos maglaro sa aming likod bahay


Naaalala ko pa iyong mga halakhak
Kung saan ang mga ngiti’y abot hanggang ulap
Tila ‘sang guryong namamasyal sa alapaap
Sa bulong ng hangi’y sumasayaw, umiindak


Ngunit ngayon ang guryon ay tila ba naligaw
Sumabit sa isang punong sa tubig ay uhaw
Kalahating pakpak nito’y muntik nang mapunit
Mabuti na lang pisi nito’y hindi napatid


Ngayo’y unti-unting nagkakaguhit ang mukha
Sinisilip na lang ang kahapon sa gunita
Tanaw sa mata ang hirap para makaahon
Mayuming bulaklak nilipad na ng panahon


Ngunit ang pagkalanta nito’y siya ring pagsilang
Nang higit na magandang binhi sa halamanan
Binhing mamumunga ng asal na natutunan

At magbabahagi ng magandang kalooban