Linggo, Hunyo 16, 2013

Ang Unang Lalaking Aking Minahal

(Hindi ako magaling sa pagsasalita ng nararamdaman kaya pwede naman nating ipaubaya sa panulat ang hindi masambit ng dila)
Kapag hawak na niya ang mikropono
Lahat ng tao’y napapatango
Sa kahit saang handaan
Sa kantahan siya ang number one

Ngunit di lang sa kantahan siya nangunguna
Sa’king puso siya ang laging bida
Tinig niyang sa gabi sa’kiy nagpapatulog
Pag-ibig ang sa ami’y laging handog

Hindi niya man kamukha si Piolo
Pero para sa’kin siya ang pinakagwapo
Sa ngiting mo, lahat ay napapatingin
Pati sa Rosanna Roces mahuhumaling

Kaya naman ika’y aking iniibig
Sa kahit kanino’y di ka ipagpapalit
Ako’y payapa sa’yong mga bisig
Sa puso ko kailanma’y di ka mawawaglit

To the first man I loved and will love for the rest of my life, Daddy, thank you for your unconditional love. You're not perfect but you're the best.

May mga pagkakataon na hindi ko naiintindihan ang paghihigpit mo sa'min minsan, lalo na noong nag-aaral pa ako. Ngunit nababatid ko na ang lahat ng ginagawa mo ay para sa amin. Marahil ay hindi ako makakapagtapos sa pag-aaral kundi dahil sa iyo at sa mga pangaral mo. 

Thank you for teaching us the importance of respect; that respect is gain by being good. Thank you for teaching us the value of perseverance; that if we want something, we should work hard for it. And most importantly, thank you for making me realize that we should not settle for "ok na yan" in life rather, we should always strive for something better.







Linggo, Mayo 19, 2013

DAY 1

Maaga akong gumising para hindi abutan ng tindi ng sikat ng araw sa paglalakad. Kinuha ko ang paboritong baso para magtimpla ng kape. Isinunod ko na rin ang plato at kutsara't tinidor. Dumiretso na ako sa lamesa. Inikot-ikot ko ang kutsara sa tinimplang kape. Humigop ng kaunti upang unti-unting magising ang aking diwa. Maya-maya pa ay tumayo ako at binuksan ang telebisyon.

Katatapos lang ng halalan at laman ng balita ang mga bagong proklamang senador na ultimong mga bagong bayani na mag-aahon sa bayan sa kumunoy ng kahirapan. Kasalukuyang iniinterview ng host si Senator no.7. Matikas at maganda ang suot nito. Kasing plantsado ng puti nitong damit ang kanyang dila sa galing sa pagsasalita. Hindi na nakapagtataka dahil nanggaling ito sa isang kilalang pamilya. Pagbibigay daw ng maraming trabaho ang numero uno sa listahan niya. Parang biglang pumait ang lasa ng kapeng iniinom ko. Kaya naman pintay ko na ang telebisyon at dumiretso na sa banyo. Pilit na nilinis ang mga dumi ng kahapon.

Pagkatapos maligo ay pumili na ako ng komportableng damit na magiging kapareha ko sa paghahanap ng trabaho. Kinuha ko ang pares na simple pero mainam pa rin para sa pupuntuhan kong kumpanya.

Nagmamadali akong nagbihis at nag-ayos ng sarili. Kaunting pahid ng pulbos at lipgloss. Dyahe maglagay ng makapal na lipstick at make up sa ganitong kainit na panahon.

Matapos ayusin ang mga gamit, dinampot ko na rin ang tatlong piraso ng puting papel na susukat umano sa pagkatao ko.

Miyerkules, Mayo 15, 2013

10:51

10:51pm na, sabi sa orasan ng computer pero hindi pa rin ako dalawin ng antok. Itong si Facebook, hindi napapagod sa kakatanong ng "what's on my mind". Ako naman, sa dami ng iniisip, hindi ko na alam kung saan magsisimula sa pagkukwento. Idinadaan ko na lang sa pagsulyap-sulyap sa keyboard at manaka-nakang paghinga ng malalim. 

Pero may dalawang ideya ang umuokupa ng malaking bahagi ng pag-iisip ko ngayon. Una, ang paghahanap muli ng trabaho. Bukas sisimulan ko na naman ang paglalakad sa mainit na kalsada tangan ang pag-asa na sa opisinang papasukan ko ay may kahihinatnang maganda. Sa katunayan, wala naman akong problema sa kasalukuyan kong trabaho ngunit tila ba laging may kulang. Babangon ako tuwing umaga na hindi inspirado sa pagpasok. Para bang humihinga lang ako at hindi nabubuhay. Kaya naman talagang ipinagdarasal ko na sana ay makita ko na ang trabaho na inilaan para sa akin. Ang trabaho na kung saan ay hindi lamang ako papasok upang kumita ng pera kundi natututo rin at masaya.

Ang ikalawa naman ay tungkol sa isang lalaking nagpapasaya sa'kin nitong mga nakaraang buwan. Pormal siyang umakyat ng ligaw at sa tingin ko naman ay seryoso na talaga siya. Ganun pala ang pakiramdam. Hindi naman siya ang ideal man, hindi lahat ng gusto ko nasa kanya, pero unti-unti na siyang nagiging mahalaga sa'kin. Kaya lang, ganun yata talaga, kung kailan dumating na yung taong magseseryoso sa'yo, parang ako naman ang hindi handa. Nakakatakot kasing magtiwala ulit, umasa, at masaktan.

Martes, Abril 30, 2013

Regalo ng Kalikasan

Isang guryon ang matayog na lumilipad sa bughaw na ulap.

Tila isang ibong malayang iwinawagaswas ang pakpak sa himpapawid.

Matibay ang pisi at makulay ang buntot.

Nasasalamin sa kulay ulap ring tubig ang pag-indayog nito sa hangin.


Sa kabilang banda naman ay ang unti-unting nagtatagong araw.

Ikinukubli ang mga ningning nitong galamay sa mga luntiang bundok.

Kapansin-pansin na ang pag-aagaw ng dilim at liwanag.

Ngunit hindi pa rin lumulubog ang ganda ng palihid.

Pagsapit ng dilim, panandalian itong matutulog,

ngunit muling babangon pagsapit ng bukang liwayway.


Huwebes, Abril 4, 2013

Eskapo


Ang pagsusulat ay parang antibiotic, pansamantalang nilulunasan ang sakit pero makalipas ang ilang oras, muli na naman itong babalik.

Napakarami kong sinumula ngunit hindi naman natapos. Parang baga na binubuhusan ng tubig, umuusok pero hindi na umaapoy. Unti-unting nilulunod ang init hanggang ang usok ay maglaho sa hangin.

Ganito pala kapag sinubukan mong lutuin ang isang putahe na hindi mo naman specialty. Kahit na ilagay mo pa ang lahat ng sangkap, hindi pa rin makukuha ang tamang linamnam.

Sa halos pitong buwan na sinubukan kong gawin ang mga bagay nab ago sa akin, particular na ang trabaho, parang nasa normal lang ang lahat. Para akong kumain pero hindi nabusog. Sakto lang. Walang ekstraordinaryo.

Kaya naman napagpasyahan kong huminto na. Gusto kong muling subuking habulin ang mga pangarap ko. Gusto kong muling pagningasin ang "passion" sa puso ko. At higit sa lahat, nais kong mahanap ang trabaho na mamahalin ko. 

Lunes, Disyembre 31, 2012

Thy Womb


“Isang obra maestra. Ito ay nagsilbing bintana na nagbukas sa natatanging kultura ng mga mamamayan sa Mindanao.Sa pamamagitan nito ay aking nasilip ang buhay, kaugalian at uri ng pamumuhay ng pangkat ng mga tao sa isang sulok ng ating bansa.”

Ang pelikulang Thy Womb ni Ginoong Brillante Mendoza ay tungkol sa kwento ng mag-asawang sina Shaleha (Nora Aunor) at Bangas-an (Bembol Roco) na lubos ang kagustuhan na magkaroon ng anak. Si Shaleha ang nagsilbing kumadrona sa kanilang komunidad. Tumutulong sila sa mga inang magluluwal ng sanggol ngunit sila mismo ay hindi mabiyayaan ng isa man. Ngunit dahil sa wagas na pagmamahal ni Shaleha kay Bangas-an, siya mismo ang naghanap ng magiging kabiyak nito na makapagbibigay sa kanya ng anak. Pinag-ipunan nilang mag-asawa ang pakikpagkasundo kay Mersila(Lovi Poe) na kung saan ang “dowry” ay nagkakahalaga ng P150, 000 at ang kasunduang sa oras na magkaroon ng anak si Bangas-An at Mersila, hihiwalayan  ni Bangas-An ang kanyang asawang si Shaleha.

Kung ating mapapansin, simple lamang ang kwento ng pelikula, ngunit napakahusay ng atake ng direktor. Ang simpleng kwento ay naging magnipiko.


Ipinakilala agad ng director ang kanyang mga pangunahing tauhan sa pamamagitan ng unang scenario kung saan si Shaleha ay nagpapaanak sa isang badjao katulong si Bangas-An. Hindi tulad ng ibang pelikula na kadalasang sinisimulan sa long shot o establishing shot, sinimulan ng director ang pelikula sa close up shot ni Shaleha. Sa saliw ng magandang scoring, nakuha agad ni Brillante Mendoza ang atensyon ng mga manunuod.  Sinundan pa ito ng long shot sa magandang karagatan at kapaligiran na nilakbay ng mag-asawa pauwi sa kanilang tahanan. Ang magandang framing at wastong paggamit sa kagandahan ng kapaligiran ang nagpakinang sa cinematograpiya ng pelikula.

Sa kabilang banda, medyo may kabagalan ang “pacing” ng pelikula. Ngunit hindi naging dahilan ito upang mainip ang mga manunuod bagkus, ito ay naging magandang teknik upang magkaroon ng pakiramdam ang mga manunuod na isa sila sa karakter sa pelikula. Sa pamamagitan ng teknik na ito, tila pinapanuod ko ang natural na pamumuhay ng mga badjao. Tila pansamantala akong tumira sa kanilang pamayanan. Naramdaman ko ang paghihintay ni Shaleha at Bangas-An dahil pinaramdam ng direktor ang tagal ng paghihintay. Naramdaman ko ang hirap ng panghuhuli ng isda. Hindi minadali  o dinaya ang mga shot at scenario. Ipinakita rin ang kultura ng pagpapakasal ng mga Muslim. Naipakita ang bawat detalye, walang pinutol na eksena. Hindi lamang naipakita ang mga pangyayari, naiparamdam rin ng pelikula ang dapat mong maramdaman sa bawat eksena. Nasalamin sa pelikula ang yaman ng kultura at geograpiya na hindi natin pinapansin dati dahil natakpan na ito ng mga hindi magandang opinyong naidulot ng manaka-nakang labanan sa Mindanao.

Kapuri-puri ang natatanging pagganap ni Nora Aunor at Bembol Roco. Tila sila tunay na mag-asawa sa totoong buhay. Kitang-kita ang emosyon sa mga mata ni Nora Aunor lalo na sa scenario kung saan nakatingin siya sa kawalan habang hawak sa mga kamay ang hinahabing banig. Hindi masalita ang pelikula, kaunti lamang ang mga linya ng mga aktor ngunit napakaraming sinasabi ng mga shot. The film speaks for itself.

Kapansin-pansin rin ang paggamit ng simbolismo sa pelikula. Sa isang scenario kung saan nagdadasal at nagpapasalamat si Shaleha dahil sa pag-asang makumbinsi ang pamilya ni Mersila, binanggit niya ang mga katagang “Glory to Allah”, ngunit pagkazoom out ng camera, ipinakita ang isang halamang tinik na tila sumisimbolo sa internal na sakit na nararamdaman ni Shaleha sa sakripisyong kanyang gagawin.

Sa kabuuan, masasabi kong pinanindigan ng director sa pamamagitan ng pelikula ang kinang ng kanyang pangalan. Makikitang pinag-isipan at pinagplanuhan ang bawat elemento sa pelikula at hindi lamang ito ginawa upang kumita ng pera. Tunay na kahanga-hanga at maipagmamalaki ang isang obrang tulad ng pelikulang Thy Womb.

Lunes, Disyembre 10, 2012

10th Avenue




Maswerte ang mga taong nakakita ng mga tunay na kaibigan. Sila yung mga taong pwede mong makasama sa lahat ng pagkakataon ng buhay mo. Kasabwat sa kalokohan, kasama sa tawanan at karamay sa iyakan. Kapag kasama mo sila, wagas ang iyong pagtawa, nakikita pati ngalangala. Sila yung kayang tiisin kahit gaano pa kabaho ang utot mo. Tatawanan ka ‘pag nadapa pero kahit papaano’y tutulungan ka rin namang tumayong muli. Kaibigan, isang tao o mga taong kakambal ng iyong kaluluwa bagama’t ipinanganak sa sinapupunan ng iba. Maswerte ako, dahil nakatagpo ako ng mga espesyal na nilalang na ito.



Di naman pala talaga sila special child, pero pag nakilala mo parang ganun na rin(joke!). Pero sa puso ko, espesyal sila. High school pa lang magkakakilala na kami. Naalala ko pa noon, sabay kaming kumain at umuwi. (Feeling ko ang tanda ko na!) Halos lagi kaming magkasama sa mga gawaing pampaaralan, nagkokopyahan sa mga takdang aralin at pati na rin sa exam(yari kami sa teachers namin neto). Lumipas ang mga taon, nagkahiwa-hiwalay na kami ng paaralan. Pero hindi naging hadlang ito upang kumupas ang aming samahan.



Marami pa tayong plano at pagdadaanan aking mga kaibigan. Pero anu’t ano pa man, walang iwanan, sa halakhakan man o iyakan, pagkakaibigan nati’y walang hangganan. Kita kits sa 10th AvenueJ  





P.S Tinatamad na akong magsulat. Gusto ko lang namang magpasalamat sa inyo.:D