Miyerkules, Enero 4, 2012

Alikabok sa Pisara(mula sa aking tumblr)

Maraming mga ideya ang naglalaro sa isip ko ngayon. Tumatakbo. Umiikot. Nakakahilo. Nanunuot at nakakairita na. Mga alikabok sa pisara na nais kong burahin ngunit wala akong makitang basahan.
May problema ako, pero ayokong problemahin. Sadyang hindi ko lang maintindihan kung bakit sa lahat ng pagkakataon ay kailangang patunayan ng tao ang sarili niya sa mundong ginagalawan niya, sa iba pang taong nakapaligid sa kanya. Kung may kilala kang hindi ganito, maaari bang ipakilala mo siya sa'kin at hahangaan ko siya ng sobra.
Lagi na lang may kumpetisyon. Lagi na lang may kailangang patunayan. Aminin man natin o hindi, lagi nating iniisip ang sasabihin ng iba. Nakakapagod na. Nakakapagod mapressure.
Sa lahat ng gagawin mo, lagi silang may inaasahang resulta. Magandang resulta mula sa'yo. Hindi pwedeng magkamali dahil sa isang pagkakamali, malilimutan na nila ang maraming magandang bagay na nagawa mo. Katulad ng isang maliit na guhit na pinagbakasan ng chalk sa pisara, ito ang unang mapapansin at hindi ang kabuuan nito.
Hindi ba pwedeng mabuhay ng simple at walang iniintindi? Bakit hindi na lang natin ienjoy ang bawat minutong dumaraan? Bakit hindi ko dagdagan ang aking pagtitiwala. Ito marahil ang kadalasang kulang sa akin kung kaya't lagi na lang akong balisa at nag-aalala.
Malapit na akong matapos sa kolehiyo, ngunit tandang-tanda ko pa rin ang mga eksena noong unang araw na makatuntong ako sa paaralan kung saan ako nag-aaral ngayon. Hindi ko namalayan ang paglipas ng apat na taon. Tila hindi ko nalasap ang pagiging kolehiyala, dahil ang naaalala ko lang ay ang mga tambak na takdang aralin at mga overnights(kung saan ang iba ay wala namang katuturan). Oo nga't marami akong naging mga kaibigan, ngunit kaunting alaala lamang ang mga napagsamahan namin na walang kinalaman sa pag-aaral.
Ang buhay estudyante para sa akin ay hindi naman talaga umiikot lang sa pag-aaral, kundi sa pagkatuto. Hindi ko alam kung anong naghihintay sa akin sa hinaharap, ayokong magplano, ayokong umaasa, dahil ang nais ko ay masorpresa.

Pluma(mula sa aking tumblr)

Noong high school ako, isa sa mga paborito kong basahing libro ay ang mga akda ng manunulat na si Bob Ong. Hinahangaan ko ang kanyang mga simple at nakakatawang kwento ngunit may mga malalim na kahulugan. Minsan ring sumagi sa isipan ko ang minsa'y makapagsulat ng mga ganoong akda. Mga akda na mangungulit sa nananahimik na isipan ng mga mambabasa. Mga akda na kahit papaano'y may maiiwang katiting na butil ng karunungan lalo na sa mga taong inilalaan ang kanilang oras sa mga walang kabuluhang bagay. Kaya't naging isa na sa aking misyon na hikayatin ang aking mga kakilala na kahit papano'y magkaroon man lang ng kahit isang paboritong libro. ito na marahil rin ang dahilan kung bakit isa sa mga paborito ko si Bob Ong dahil ang kanyang mga akda ay madaling maintindihan at kagiliwan ng mga simpleng mamayan.
Kahapon ay nagtungo ako sa isang book launch sa Robinsons Galleria. Nakakahiya mang aminin, iyon ang unang pagkakataon na nailapat ko ang aking mga paa sa lugar na iyon. Kasama ang ilan sa aking mga kamag-aral, naatasan kaming i-dokumentaryo ang gaganaping event. Tuwang-tuwa ako dahil siyam na manunulat sa Filipino ang dumalo. Ang mga akda nila ay inililimbag ng Anvil Publishing Inc. Nakakamangha ang kani-kanilang istilo ng pagsulat at pagsasalita. Nakakatuwa rin ang mga kwento sa likod ng kanilang mga obra maestra. Mahihinuha mo na ang mga manunulat ay mayroong malalalim na personalidad.
Isa sa mga umagaw ng aking atensyon ay si Ginoong Tony Perez. Isinulat niya ang aklat na may pamagat na "Si Crispin". Dito ay binigyan niya ng panibagong buhay si Crispin, na kung matatandaan natin ay namatay sa aklat na Noli Me Tangre. Mayroon siyang kakaibang karakter. Natuwa ako nang makita ko ang kanyang pluma na ginagamit sa pagpirma sa mga libro. Bukod pa dito, dumating rin sa event si Ginoong Isagani Cruz. Hindi ako makapaniwala na nakita ko siya ng personal na dati'y sa papel ko lamang nababasa ang pangalan niya.
Tunay na hindi pa rin pahuhuli ang mga manunulat na pilipino, marami mang mga bagong akdang banyaga ang mailimbag, higit na maganda pa rin ang sariling atin. Nagkaroon tuloy ako ng inspirasyon na palawakin pa ang aking kaalaman sa pagsusulat at makapaglimbag ng aking sariling obra maestra pagdating ng panahon.

Imahinasyon(mula sa aking tumblr)

Nag-uulat ang mga kamag-aral ko sa desktop publishing subject namin. Naboboryo na naman ako. Lumilipad ang utak ko sa himpapawid ng imhinasyon. bigla itong lumagpak sa isang sulok kung saan natanaw nito ang pag-ibig.
Hindi ko alam kung bakit iyon biglang sumagi sa isip ko. Kinikilig ang isang bahagi nito. Lumilikha ito ngayon ng imahe ng isang lalaking sa panaginip madalas buuin.
Siya ay may nangungusap na mga mata, matangos na ilong, manipis na labi at makapal na buhok. Hindi nagkakalayo ang taas namin. Mayroon siyang sense of humor na lubos kong kinaiibigan. Magaling siyang makisama sa aking pamilya at kaibigan. Masipag siyang magtrabaho. mataas ang kanyang posisyon sa isang sikat na kumpanya ngunit nananatili ang kanyang kababaan ng loob. mahilig kaming manuod ng sine lalo na kung romantic comedy ang palabas. Nagkakasundo kami sa pagkain ng ice cream habang namamasyal. Pero minsan, kuntento na kami sa pagtitig sa buwan at mga bituin habang magkahawak ang mga kamay at nakaupo sa viranda ng aming bahay kung saan ang lamig ay nanunuot sa aming mga balat.
May mga pagkakataon rin naman na tinatakpan ng maitim na ulap ang liwanag ng buwan. May mga bagay na hindi napagkakasunduan at nauuwi sa pagtatalo, ngunit dahil lagi namang may bukang liwayway na sisibol, mangingibabaw pa rin ang pagmamahal sa isa't isa.
Hilig niya ang bigyan ako ng sorpresa. Gustung-gusto ko ang kanyang pagiging maalalahanin at malambing.
Siya ang anghel na bigay ng Diyos na kayang patawanin ako sa mga panahong mapanglaw ang aking mundo. Handa siyang makinig sa kadaldalan at mga kwento ko kahit abutin pa kami ng madaling araw. Tinatawanan niya ang mga joke ko kahit paminsan-minsa'y "korni". Ako ang pinakamagandang babae sa paningin niya. Pinupuri niya ang magaganda kong gawi ngunit di rin naman nag-aalangan na sabihin ang pangit kong  ugali. Pinapalakas niya ang aking loob. Ikinukuwento niya ang mga nangyayari sa kanya sa loob ng isang araw pangit man o maganda. Hindi kami nawawalan ng mapag-uusapan. Siya ay tapat at higit sa lahat lubusan naming minamahal at nirerespeto ang isa't isa.
Nalaglag ang panulat sa sahig. Lumalakas ang bulung-bulungan sa tabi. Naghahalakhakan ang aking mga katabi. Tumayo na pala sa harapan ng klase ang aking guro.
"Ok, let's call it a day", aniya.

Panimula

Kasabay ng ingay ng mga paputok noong nagdaang araw, ayaw rin akong patahimikin ng aking kagustuhang magsulat. Hindi ako mahusay na manunulat na tulad ng iniisip mo. Ito ay nakahiligan ko lamang bilang pampalipas ng oras. Ito ang paraan ko ng pakikipag-usap sa sarili lalo na sa twing naglalakad akong mag-isa at naiiwang gising dito sa sala.
Nakasanayan ko na ang gumawa ng mga takdang-aralin kapag tulog na ang aking mga kasama sa bahay. Ngunit dahil mas masarap ang magsulat kaysa gumawa ng mga bagay na hinihingi sa eskwela, ito ang madalas kong pagtuonan ng pansin.
Bago matapos ang taong 2011, nagkaroon ako ng panandaliang pagtanaw sa mga nakalipas ng pangyayari sa aking buhay. Hindi naman mangyayari ito kung hindi ko nabasa ang isang aklat na may pamagat na "The 7 habits of highly effective people". Ang lakas ng impluwensya sa akin ng librong ito. Nakalimutan ko ang pangalan ko. Sa maikling panahon ng pagbabasa ko nito, nagkaroon ako ng  bagong palayaw. Subukin mong hanapin ito sa net at tiyak na magugustuhan mo rin, baka pati apelyido mo magbago. 
Nasa ikaapat na taon na ako ng aking pag-aaral sa kolehiyo sa kursong Mass Communication. Ang 2011 ang isa sa mga taong ginawa kong araw ang gabi. Hindi tulad noong nakaraang taon na eye bags lang ang lumaki sa akin, ngayon, pati na rin ang katawan at tigyawat ko ay lumaki. Malapit ko ng anihin ang alikabok,usok, pawis, kahihiyan, gutom at puyat na itinanim ko. (May nakalimutan pa ata ako, maliit lang kasi ang ipinuhunan ko sa iba). Dito nasukat ang kapasidad naming mag-aaral na magpasa sa takdang oras. Sa pagmamadaling matapos ang mga bagay na ito, nakalimutan ko ang ibang bagay na higit na mahalaga.
Sa taong 2011 ko rin nadiskubre ang kahit papaano'y talento ko nang makapasok ako sa isang radio station. Nakapagpracticum ako sa nangungunang radio station sa Metro Manila(Kailangan pa bang i-memorize yan). Hindi matatawaran ang karanasang ito. Ang mga personalidad na dati'y iniidolo ko lamang ay hindi ko inaakalang makikita at magiging kaibigan ko. Sila ang nagbigay sa'kin ng inspirasyon na alamin ang pangarap ko. Hindi mataas ang pangarap ko, pero kaya kong pumatay ng higit sa sampung ipis(pinakakinatatakutan kong insekto) kapag hindi ko nagawa o natupad ang gusto kong gawin sa buhay ko.
Sa kabilang banda, iba't ibang uri naman ng ibon ang nasilayan ko sa Candaba, Pampanga. Napakagaganda ng mga ito lalo na kapag nagpakitang-gilas sila sa kalangitan at magsayaw sa ibabaw ng tubig. Napakagaling talaga ng Dakilang Lumikha.
Para talagang halo-halo ang nagdaang taon. Sari-saring emosyon ang aking natikman. Kung may anghang ang tabang, mayroon din namang pait at tamis na kukumpleto sa rekado. Paano ko ba naman malilimutan ang mapait na karanasan, kung ang lalaking nagdulot sa akin nito, dati'y flavor pa ng ice cream ang aming naging tawagan.
Pero ang panahon ay lumilipas,
hanggang sa dalhin ako ng aking mga paa sa Batangas
Dito ko pala makikita
ang magbabalik ng kislap sa'king mga mata

Humalakhak. Magpasalamat. Magmahal.

"It's not what happens to us, but our response to what happens to us that hurts us"-from the 7 habits of highly effective people