Miyerkules, Enero 4, 2012

Alikabok sa Pisara(mula sa aking tumblr)

Maraming mga ideya ang naglalaro sa isip ko ngayon. Tumatakbo. Umiikot. Nakakahilo. Nanunuot at nakakairita na. Mga alikabok sa pisara na nais kong burahin ngunit wala akong makitang basahan.
May problema ako, pero ayokong problemahin. Sadyang hindi ko lang maintindihan kung bakit sa lahat ng pagkakataon ay kailangang patunayan ng tao ang sarili niya sa mundong ginagalawan niya, sa iba pang taong nakapaligid sa kanya. Kung may kilala kang hindi ganito, maaari bang ipakilala mo siya sa'kin at hahangaan ko siya ng sobra.
Lagi na lang may kumpetisyon. Lagi na lang may kailangang patunayan. Aminin man natin o hindi, lagi nating iniisip ang sasabihin ng iba. Nakakapagod na. Nakakapagod mapressure.
Sa lahat ng gagawin mo, lagi silang may inaasahang resulta. Magandang resulta mula sa'yo. Hindi pwedeng magkamali dahil sa isang pagkakamali, malilimutan na nila ang maraming magandang bagay na nagawa mo. Katulad ng isang maliit na guhit na pinagbakasan ng chalk sa pisara, ito ang unang mapapansin at hindi ang kabuuan nito.
Hindi ba pwedeng mabuhay ng simple at walang iniintindi? Bakit hindi na lang natin ienjoy ang bawat minutong dumaraan? Bakit hindi ko dagdagan ang aking pagtitiwala. Ito marahil ang kadalasang kulang sa akin kung kaya't lagi na lang akong balisa at nag-aalala.
Malapit na akong matapos sa kolehiyo, ngunit tandang-tanda ko pa rin ang mga eksena noong unang araw na makatuntong ako sa paaralan kung saan ako nag-aaral ngayon. Hindi ko namalayan ang paglipas ng apat na taon. Tila hindi ko nalasap ang pagiging kolehiyala, dahil ang naaalala ko lang ay ang mga tambak na takdang aralin at mga overnights(kung saan ang iba ay wala namang katuturan). Oo nga't marami akong naging mga kaibigan, ngunit kaunting alaala lamang ang mga napagsamahan namin na walang kinalaman sa pag-aaral.
Ang buhay estudyante para sa akin ay hindi naman talaga umiikot lang sa pag-aaral, kundi sa pagkatuto. Hindi ko alam kung anong naghihintay sa akin sa hinaharap, ayokong magplano, ayokong umaasa, dahil ang nais ko ay masorpresa.

2 komento:

  1. "Ang buhay estudyante para sa akin ay hindi naman talaga umiikot lang sa pag-aaral, kundi sa pagkatuto."
    >>super agree!

    bakit makatuturan mga entries mo??? yung akin, waley!! wahahahahahahahaha!!!!

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. sira!sadyang malikot lang ang utak ko sa mga panahong yan..hehe....makatuturan naman post mo,,adik ka talaga..nakakaaliw nga basahin eh...

      Burahin