Miyerkules, Enero 4, 2012

Imahinasyon(mula sa aking tumblr)

Nag-uulat ang mga kamag-aral ko sa desktop publishing subject namin. Naboboryo na naman ako. Lumilipad ang utak ko sa himpapawid ng imhinasyon. bigla itong lumagpak sa isang sulok kung saan natanaw nito ang pag-ibig.
Hindi ko alam kung bakit iyon biglang sumagi sa isip ko. Kinikilig ang isang bahagi nito. Lumilikha ito ngayon ng imahe ng isang lalaking sa panaginip madalas buuin.
Siya ay may nangungusap na mga mata, matangos na ilong, manipis na labi at makapal na buhok. Hindi nagkakalayo ang taas namin. Mayroon siyang sense of humor na lubos kong kinaiibigan. Magaling siyang makisama sa aking pamilya at kaibigan. Masipag siyang magtrabaho. mataas ang kanyang posisyon sa isang sikat na kumpanya ngunit nananatili ang kanyang kababaan ng loob. mahilig kaming manuod ng sine lalo na kung romantic comedy ang palabas. Nagkakasundo kami sa pagkain ng ice cream habang namamasyal. Pero minsan, kuntento na kami sa pagtitig sa buwan at mga bituin habang magkahawak ang mga kamay at nakaupo sa viranda ng aming bahay kung saan ang lamig ay nanunuot sa aming mga balat.
May mga pagkakataon rin naman na tinatakpan ng maitim na ulap ang liwanag ng buwan. May mga bagay na hindi napagkakasunduan at nauuwi sa pagtatalo, ngunit dahil lagi namang may bukang liwayway na sisibol, mangingibabaw pa rin ang pagmamahal sa isa't isa.
Hilig niya ang bigyan ako ng sorpresa. Gustung-gusto ko ang kanyang pagiging maalalahanin at malambing.
Siya ang anghel na bigay ng Diyos na kayang patawanin ako sa mga panahong mapanglaw ang aking mundo. Handa siyang makinig sa kadaldalan at mga kwento ko kahit abutin pa kami ng madaling araw. Tinatawanan niya ang mga joke ko kahit paminsan-minsa'y "korni". Ako ang pinakamagandang babae sa paningin niya. Pinupuri niya ang magaganda kong gawi ngunit di rin naman nag-aalangan na sabihin ang pangit kong  ugali. Pinapalakas niya ang aking loob. Ikinukuwento niya ang mga nangyayari sa kanya sa loob ng isang araw pangit man o maganda. Hindi kami nawawalan ng mapag-uusapan. Siya ay tapat at higit sa lahat lubusan naming minamahal at nirerespeto ang isa't isa.
Nalaglag ang panulat sa sahig. Lumalakas ang bulung-bulungan sa tabi. Naghahalakhakan ang aking mga katabi. Tumayo na pala sa harapan ng klase ang aking guro.
"Ok, let's call it a day", aniya.

2 komento:

  1. aysus!! hahahahaha!! sino yung guy???
    hey daydreamer!! hahaha!!

    wala bang kwenta mga comment ko??? hahahaha!! ang sarap kasi basahin eh, full of descriptions :)) magaling ka talagang manunulat in your own way and style, keep it up friend!!! :)))

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. ahaha...hindi ko pa nga nakikita yung guy..ahaha!..salamat sa pagtityagang magbasa...ahaha

      Burahin