Huwebes, Mayo 31, 2012

Huling Ulan ng Mayo





Malamig ang panahon ngayon. Ang lakas kasi ng ulan sa labas. Maya’t maya rin ang pagkidlat at pagkulog. Nagising ako sa lakas ng patak ng ulan sa aming bubong. Sa ganitong panahon, masarap magkwento at alalahanin ang nakalipas. Mula sa pagkakahiga, bumaba ako para magtimpla ng kape. Paborito ko ang kape, pakiramdam ko mabilis akong mag-isip pag umiinom ako nito.

….Isang higop, sabay amoy sa mabango ngunit may halong pait na samyo nito…sabay lapag sa lamesa….

Magkaklase kami noong first year college. Hindi ko naman siya agad napansin dahil hindi naman siya kagwapuhan. Sa may dulo ng classroom siya nakaupo. Ako naman, sa may bandang gitna. Halata ko na sa umpisa ang pagiging mahiyain niya. Nakayuko at pasulyap na ngiti ang itinugon niya sa aming guro noong siya ay magpakilala. Nagkaroon siya ng mga kaibigan. Nagkaroon rin ako ng mga bagong kakilala. Masiyahin at palabiro siya sa mga kaibigan niya, ngunit sadyang tahimik at mahiyain pagdating sa klase. Ako naman, tulad ng nakasanayan, aktibo at seryoso sa pag-aaral. Kalagitnaan ng semester, nagkagusto sa’kin ang barkada niya. Samantala, nagkagusto naman siya sa barkada ko. ‘Di maiwasan ang magkatuksuhan at magkabiruan. Isang araw, siya ang nakatakdang mag-ulat sa klase namin sa Filipino. Tinabihan niya ako sa upuan at nagpatulong kung paano niya iuulat ang nakatakda sa kanyang topic. Tinuruan ko naman siya.

…Amoy sa kape, sabay higop at lapag muli sa lamesa..medyo humina na ang buhos ng ulan….

Habang nagsasalita ang guro sa harapan, biglang lumindol. Hindi naman kalakasan. Pero natakot ako dahil iyon ang unang beses kong makaramdam ng lindol. Sinabi ko sa kanya na natatakot ako. At ang tugon niya, hindi ko nakalimutan ang mga itinugon niya, “huwag kang mag-alala, ako ang bahala sa’yo”. Maikli, ngunit nagdala ng kiliti sa mga puso ko. Napatingin ako sa mga mata niya. Nakangiti siya. Napangiti na rin ako. Tumunog ang emergency alarm at pinalabas kami ng silid.
Ang naging pag-uusap namin na iyon ay nasundan pa. Pati sa cellphone at Friendster nag-usap na rin kami. Nagtapos na ang unang semester ko sa kolehiyo. Nakaramdam ako ng bahagyang lungkot dahil mahihiwalay na ako sa mga kaklase ko, mahihiwalay na ako sa kanya.
Nagkataon naman na ang isa sa mga barkada niya ay naging kaklase ko pa rin sa ikalawang semestre. Tuwing wala kaming guro, lagi siyang nasa klase namin.

…Higop ng kape sabay lapag sa lamesa…

Midterms. ‘Di maipinta ang mukha ng mga kaklase ko dahil sa hirap ng exam sa biology. Pati ako, parang panandaliang ‘nabuang’. Paglabas ko ng silid, nakatayo siya, nakatingin sa akin, sabay yuko at pasulyap-sulyap na ngiti. Nilapitan ko siya para kamustahin ang exam niya. “Madali lang, ako pa ba?”, aniya. Natawa ako sa sagot niya. Medyo may kayabangan pero ‘cute’ ang dating sa kanya. Kinuha niya ang isang kahon na kulay dilaw sa loob ng bag niya. Hiyang-hiya niya itong inabot sa’kin. “Oh, toblerone mo”, sabi niya. Nagulat ako dahil ito ang unang beses na may nagbigay sa’kin ng tsokolate. Hindi ko alam kung kukuhain ko ba. Pero siya na rin ang nag-abot sa mga kamay ko. ‘Di ko maipaliwanag ang naramdaman ko noon. Para bang may kuryente sa mga ngiti niya na tumagos sa puso ko.
“May kapalit yan ah,”pahabol niya.
“Ano?”, wika ko naman.    
“Nood tayong sine”
Napatulala ako. Napanganga. Parang huminto lahat ng tao sa mga ginagawa nila. Ako, siya, kaming dalawa, manunuod ng sine??Bakit? Hindi ako nakasagot noon, bagkus isang halakhak lang ang naitugon ko sa kanya.
Lumipas ang mga araw. Dumaan ang mga gabi. Halos lagi niya akong tinatawagan. Wala siyang sinasabi o tinatanong tungkol sa kung anong meron kaming dalawa. Hindi ko rin naman siya tinanong. Basta ang alam ko, espesyal ang tingin ko sa kanya. More than friends but less than lovers, ika nga nila.
Pero hindi rin nagtagal ang ganoong set-up. Naging madalang na lang ang pag-uusap namin. Kung dati’y araw-araw, naging isang beses na lang sa isang lingo. Hanggang sa tuluyang mawalan na kami ng komunikasyon. Walang paalam na salitang nagmula sa kanya. Hindi ako nagtanong. Hindi ako nag-usisa, dahil hindi ko rin naman alam kung ano nga ba ako sa kanya. Pero tuwing gabi, bago ako matulog, siya ang huling laman ng isip ko.
Nagbukas ang bagong yugto ng buhay ko sa kolehiyo. 2nd year na ako. Nagkakasalubong kami sa paaralan pero walang pansinan. Parang hindi niya ako kilala. Para akong naglalakad sa bubog na walang panyapak tuwing magkakasalubong kami. Hanggang sa matapos ang unang semstre sa 2nd year. May natanggap akong mensahe mula sa kanya. Humihingi siya ng tawad at hinihiling na mag-usap kaming muli. Mabilis akong pumayag dahil ang taong ito na akala ko’y espesyal lamang, minahal ko na pala.

..Mapait ang kape, pero may iniiwang matamis na lasa…

Nagkita kami at muling nagkausap. Namasyal. Nagkuwentuhan at nagtawanan. Parang walang nangyari. Hindi ako nagtanong. Inenjoy ko ang araw na iyon na magkasama kami. Malalim na ang gabi pero magkasama pa rin kami. Hanggang sa maikwento niya na baka lumipat na siya ng paaralan dahil sa mga asignatura na lumagpak siya. Inintindi ko siya at dinamayan sa problema niya. Muli kaming naging maayos. Magkausap kami halos araw-araw. Magkasama kami mula umaga hanggang gabi. Sa isang bahagi ng Intramuros, nagkuwentuhan, nagkantahan at sabay kaming nangarap. May pagkakataon rin na nakaupo lang kami habang nakatingin sa bituin at buwan. At pagkatapos ay maglalakad pauwi.
Sa mga pagkakataon na hinihintay niyang matapos ang klase ko, panandaliang pakiramdam ko ay ako si Cinderella na hinihintay ng kanyang prinsipe. Isang gabi, naging seryoso ang aming pag-uusap. Ipinagtapat niya ang nararamdaman niya para sa’kin. Gayundin naman ako sa kanya. Tatlong salita ang binanggit niya. Tatlong salitang lubos ang kapangyarihan. Napatumbling ako sa kama nung binanggit niya iyon. Tinugon ko rin naman. Hindi ko alam kung boy friend ko na ba siya o girl friend na niya ako. Pero ngayon, may isa nang sigurado, mahal niya ako, at ganoon din naman ako sa kanya.

..Nawala na ang init ng kape.

Pero dumating ang araw na kinatatakutan ko. Muli, hindi na naman siya nagtetext o tumatawag. Hindi ko na naman alam ang dahilan. Pero sa pagkakataong ito, nagpaliwanag siya.
“Tigilan muna natin ‘to?”, wika niya.
“Bakit?”, sagot ko naman.
“Gusto ko munang hanapin ang sarili ko, “ sabi niya.
“Bakit?, “sagot ko.
“Masyado akong maraming problema.”
“Gusto mo ba hintayin kita?”
“Magpakasaya ka muna sa buhay mo, marami ka pang makikilala.”
Hindi na ako nakatugon pa. Nangingilid na ang mga luha sa mata ko. Hindi ko na maintindihan pa ang ibang sinabi niya. Tumayo na siya. Tumayo na rin ako. Niyakap ko siya at tuluyang nagpaalam.
Iyon na ang huli naming pagkikita. Iyon na rin ang huli naming pag-uusap. Pero hindi iyon ang huling pagkakataon na inisip ko siya. Minamahal ko siya at laging ipinagdarasal kahit malayo kami sa isa’t isa. Sa gabi, tuwing nakatngin ako sa buwan at mga bituin, naaalala ko ang mga ngiti niya at ang mapungay niyang mata. Umaasang nasaan man siya, nakatingin rin siya sa langit at alaala ko rin ang nasa isip niya. Lagi kong suot ang bracelet na ibinigay niya. Dahil dito, ang mga kamay niya’y para na ring nakahawak sa mga kamay ko. Halos dalawang taon ang lumipas bago ako tuluyang makamove on sa kanya.

..Ubos na ang kape at tumila na ang malakas na ulan.


Araw ng pagtatapos, di ako makapaniwalang tapos na ako ng kolehiyo. Nasorpresa ako sa mga pangyayari. Hindi ko inaasahang makikita ko ang isang taong kahit kailan ay hindi nawala sa puso ko. Dumalo siya sa graduation day ko. Nagkamustahan kami. Lubos ang kagalakan ko nang mga oras na iyon. Nabura ang pait ng kahapon at napalitan ng tamis ng mga ngiti namin sa isa’t isa. Marahil hindi na namin mahal ang isa’t isa na gaya ng dati. Pero mayroon siyang espesyal na lugar sa puso ko. Lugar na kung saan siya lang ang mananahan at mananatiling espesyal.

Miyerkules, Mayo 30, 2012

Shooting Star


Malakas ang tikatik ng bentilador sa kisame. Katatapos ko lang maglaro ng tetris battle ngunit 'di pa ako dalawin ng antok. Mapungay na ang aking mata at tulog na ang aking kapatid. Maghahanda na sana ako upang matulog ngunit biglang sumagi ang alaala mo sa aking isipan. Matagal tagal na rin tayong hindi nagkikita. Tunay na napakalayo natin sa isa't isa ngunit sa pagtanaw ko sa buwan at sa mga bituin, para bang kay lapit mo lamang. Umaasa akong sa iyong bintana, nakasilip ka rin sa mga palamuti ng langit at ako ay iyong naiisip. Sa pamamagitan nito, ang puso mo at ang puso ko ay para na ring nagkausap.

Lunes, Mayo 28, 2012

Top 5 favourite books


Kung mahilig akong magsulat, syempre, kinahihiligan ko rin ang pagbabasa. Sabi nga nila, “If you have nothing to read, you have nothing to write. Pero mapili ako sa mga librong binabasa ko. mabilis kasi akong maboryo at mabilis ring maniwala. Kung ano ang nais ipabatid ng librong binabasa ko, pinaniniwalaan ko kaagad.  Kaya’t heto ang limang paborito ko.

5. The Notebook-Nicholas Sparks
Isa itong love story. Pero hindi tipikal. Tungkol ito sa isang summer love na humantok sa isang tunay at wagas na pag-iibigan. Gustong-gusto ko ang karakter ni Noah dahil lumipas man ang mga taon, at paghiwalayin man sila ng tadhana, si Allie pa rin ang nasa puso niya. Pinatumbling sa kilig at pinaiyak ako ng aklat na ito. Pakiramdam ko, ako si Allie na laging sinusuyo ni Noah. At kahit hindi na maalala ni Allie si Noah, patuloy pa rin itong nagmamahal at umaasang sa pamamagitan ng araw-araw na pagbabasa niya ng kanilang istorya, maalala ni Allie ang kanilang pagmamahalan.
“Day and night are linked in a way few things are; there cannot be one without the other, yet they cannot exist at the same time. Always together, forever apart”






4. Mac Arthur-Bob Ong
Ito naman ay isang libro na sumasalamin sa realidad ng buhay. Ito ay tungkol sa tatlong magkakaibigan (di ko na maalala ang pangalan) na nagnanakaw para mabuhay. Kapag nahuli sila ng pulis, nilulunok nila ang kanilang nadekwat at saka idudumi kapag nakatakas. Nakatira sila sa iskwater kung saan baks ang kahirapan. Nakakaaliw ang kwento. Jologs kumbaga. Halos salitang balbal ang ginamit, mababaw, ngunit may malalim na nais ipakahulugan. MacArthur ang pamagat ng libro sa kadahilanang ang dumi sa inidoro ay inahalintulad kay MacArthur na nagsabing "I shall return".
“Dalawang dekada ka lang mag-aaral, kung hindi mo pagtitiyagaan, limang dekada ng kahirapan ang kapalit. Sobrang lugi.”





3. The Alchemist-Paulo Coehlo
Bago ako pumasok ng kolehiyo, sing gulo ng mga gamit ko ang takbo ng utak ko. Kung minsan sa buhay mo, nakaranas ka rin ng ganoon, baka sakaling makatulong sa’yo ang librong ito. Ito ay tungkol sa paghahanap ng kahulugan ng buhay at pagtupad sa mga pangarap. Sa totoo lang, hindi naman ituturo ng librong ito kung saan ka nakatakda, tutulungan ka lang magkaroon “desire” upang alamin mo kung para saan ka nilkha o kung para kanino ka bumabangon (sabi nga sa commercial).
“It’s the possibility of having a dream come true that makes life interesting”





2. The Seven Habits of Highly Effective People- Stephen Covey
Ito ay isang self-help book na napilitan kong basahin dahil project namin sa school. Itinuturo nito kung paano mo tutuparin ang iyong mga pangarap at kung paano ka mananatiling successful. Di naglaon, nagustuhan ko ang libro dahil ayon dito, ang tagumpay ay hindi naman base sa kayamanan, kundi sa kasiyahan sa mga bagay na mayroon ka.  Ang mga habits na tinalakay ditto ay mga values na kadalasn nakakalimutan na natin. Binigyang importansya sa aklat na ito ang paggamit ng tamang pananaw sa buhay.
“The way we see things is the source of the way we think and the way we act.”

1. For One More Day- Mitch Albom
Ilang rolyo ng tissue ang naubos ko habang binabasa ang aklat na ito. Mukha nga raw akong tanga sabi ng kapatid ko. tungkol ito kay Charlie Benetto na naisipang magpakamatay dahil pakiramdam niya wala na siyang kwenta at puro siya palpak. Palpak ang marriage niya at palpak rin ang negosyo niya. Habang naglalakbay ang kalukuwa niya, nakasama niya ang kanyang ina. Nanariwa sa kanyang alaala ang mga panahong nabubuhay pa ang kanyang ina. Sa pamamagitan ng aklat na ito, napagtanto ko ang unay na kahalagahan ng buhay, pamilya at lalo na ang  ating ina. 

“But there's a story behind everything. How a picture got on a wall. How a scar got on your face. Sometimes the stories are simple, and sometimes they are hard and heartbreaking. But behind all your stories is always your mother's story, because hers is where yours begins. So this was my mother's story. And mine.”






Kapirasong papel


March 23, 2012

Di pa ako dalawin ng antok. Hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwala na sa loob ng dalawang araw, tatanggapin ko na ang kapirasong papel na pinaghirapan ko sa loob ng apat na taon. Sa loob ng dalawang araw, aanihin ko na ang mga itinanim ko sa apat na sulok ng pamantasan.
Kanina ay idinaos an gaming baccalaureate mass. The priest said that we should always be grateful to God. I agree with him because God is the source of all that I have right now. This would not be possible without Him. Upon listening to the homily I remembered all those sleepless nights I’d spend doing school works. The memories of those days, how we laugh, cry, jump, terrified flash back in my mind.
I was also surprised today in the mini party organized by third year students for us graduating students of mass communications. That was just a mini party but it made a major impact in my heart. I remember the line delivered by our Dean, she said “The mind can forget, but the heart will always remember”.
Today, I laughed a lot, hugged a lot, cried a lot and kissed a lot. This day will soon be just a memory, but definitely, it will be a memory that will be forever treasured.

Finish Line



Ito ay isa sa mga hindi ko nailathalang sulatin noong ako ay kasalukuyang nag-aaral pa sa kolehiyo. Naisulat ko ito ilang araw bago ang aking pagtatapos. Marahil ito ay produkto ng ilang gabing hindi ako nakatulog at talaga namang pagod na pagod sa paggawa ng mga gawaing pampaaralan.

March 15, 2012

Ngayong gabi may mga ideyang nagsulputan sa utak ko na matagal nang nagtatago sa puso ko.
Nalalapit na ang aking pagtatapos. Mas dumadalas ngayon ang mga ideyang hindi ko alam kung tama. Napapagod na akong mag-aral. Pakiramdam ko ngayon napakaraming oras ang sinayang ko. Ang dami kong gusting gawin sa buhay. Mga bagay na hindi ko magawa dahil sa mga deadlines na kailangan kong habulin sa school. Pakiramdam ko nasa loob ako ng isang kotseng kasali sa paligsahan. Kailangan kong bilisan para maunahan ang mga kalaban. Isang ruta lang ang pwede kong tahakin. At ito ang destinasyon patungong finish line. Bawal lumihis sa kaliwa o kanan, matatalo ako. Pero ano na nga ang mangyayari kapag narating ko na ang finish line? Ano kaya ang pakiramdam? Minsan gusto ko ng huminto, pumreno at magpahinga muna sa isang tabi. Pero hindi puwede dahil mauunahan ako ng iba. Tanging ang gasoline ng pagmamahal ng Diyos at ng aking pamilya ang inaasahan ko. Sana may magandang naghihintay sa finish line.
Batid kong hindi ito ang hudyat ng pagtatapos bagkus ito ang simula ng isa pang karera ng buhay.

Miyerkules, Mayo 23, 2012

"Touch Move"


Noong bata ako, ito ang pinakaayaw kong rule sa laro tulad ng piko, chess at dama. Kapag nahawakan mo na ang pamato o ang piyesa wala ng bawian sa pagtira. At ngayon, isa rin ito sa pinakaayaw kong rule ng buhay. Touch Move, wala ng bawian.
Sabi nila mas pagsisisihan mo raw ang mga bagay na hindi mo nagawa kaysa sa mga bagay na nagawa mo. Pero sa aking opinion, ang halaga ng isang bagay o sitwasyon ang magdidikta kung higit mo itong pagsisisihan o hindi.
Kamakailan lamang naipasa ko ang examination sa isang sikat na TV Network sa bansa. Makalipas ang ilang araw ay tinawagan ako ng HR para sa isang interview. Sa isang programang tumatalakay sa magagandang kabahayan ng mga sikat na personalidad ako unang nainterview. Ikatlong interbyu ko na ito simula nang umpisahan ko ang paghahanap ng trabaho matapos ang lubusang paglaya ko sa apat na sulok ng silid-aralan. Tulad ng naramdaman ko sa unang dalawang interbyu, naihi at pinagpawisan rin ako ng malamig habang tinatahak ang daan patungo sa kanilang opisina. Tila biglang umikli ang palda kong above the knee ang haba. Ang buhok kong straight ang bagsak ay bigla nagfly away. Pero pilit kong tinibayan ang tuhod kong matagal nang nanginginig. Ilang sandali pa tinawag na ang pangalan ko. Ibinalik ko sa tindig ang aking sarili tulad ng isang magiting na mandirigmang sasabak sa gyera. Naging casual naman ang daloy ng pagtatanong. Di naglaon, nawala ang kaba ko at naging komportable. Paglabas ko ng silid, napangiti ako, jackpot, ayos ang interview.
Pinapunta ako sa HR at pinapirma ng mga kaukulang dokumento. Ibinigay rin ang mga papel para sa medical at drug test. Pero sa June pa raw ako magsisimula. Medyo matagal, pero kaya namang hintayin.
Sumikat ang araw at lumpias ang gabi. Humigit-kumulang sa limang araw akong nagbakasyon. Pagbalik ko ng Maynila, muling tumawag ang nasabing kumpanya. Sa july na raw ang simula ko. Medyo kumunot ang aking noo. Tila yata humaba ang pisi ng paghihintay. Muli akong isinalang sa isa pang interview. Sa pagkakataong ito, para sa programang nangangailangan ng mas malalim na research. Hindi biro ang pinagdaanan kong pakikipag-usap. Mata sa mata, titig sa titig, pawis sa pawis. May kasungitan ang nagtatanong, straight forward at naninindak. Naninindak na tulad ng ipis na di mapakali sa paggapang sa hagdanan habang isinusulat ko ito. Pero tulad ng dati, hindi nagpatinag ang mandirigmang nagbabalatkayong tila handa sa anumang gyera.
Naguluhan at nalito ako. Hindi ko alam kung ano ang tamang piyesang galawin para sa larong ito. Alin nga ba ang dapat piliin, ang madali o ang challenging? Natakot akong harapin ang challenges. Natakot akong isugal ang karamihan sa natitirang pyesa kaya’t dahan-dahang inangat ko ang piyesa na tungo sa mas madali.
Ang desisyong ito ay hindi rin naman nagbunga ng maganda. Hindi ko nakita ang maaring maging galaw ng kalaban. Pero dahil “touch move” wala ng bawian. Isa pang maling galaw, unti-unting mauubos ang piyesa ko o kaya’y “checkmate”. Unti-unting gumagapang ang ipis papunta sa lamesa, sa pitsel, at sa baso; sa isa pang baso, at sa isa pang baso. Ang limang baso ay halos nadapuan na ng malikot na ipis. Pinili kong tumayo na lang, maghintay ng tutulong at tuluyang magtago ang ipis sa sulok ng bahay. Natakot ako. Sa simula pa lang talaga, takot na ako. Umaasang sa pagbaligtad ng ipis sa sahig, tama ang naging move ko.