Miyerkules, Mayo 23, 2012

"Touch Move"


Noong bata ako, ito ang pinakaayaw kong rule sa laro tulad ng piko, chess at dama. Kapag nahawakan mo na ang pamato o ang piyesa wala ng bawian sa pagtira. At ngayon, isa rin ito sa pinakaayaw kong rule ng buhay. Touch Move, wala ng bawian.
Sabi nila mas pagsisisihan mo raw ang mga bagay na hindi mo nagawa kaysa sa mga bagay na nagawa mo. Pero sa aking opinion, ang halaga ng isang bagay o sitwasyon ang magdidikta kung higit mo itong pagsisisihan o hindi.
Kamakailan lamang naipasa ko ang examination sa isang sikat na TV Network sa bansa. Makalipas ang ilang araw ay tinawagan ako ng HR para sa isang interview. Sa isang programang tumatalakay sa magagandang kabahayan ng mga sikat na personalidad ako unang nainterview. Ikatlong interbyu ko na ito simula nang umpisahan ko ang paghahanap ng trabaho matapos ang lubusang paglaya ko sa apat na sulok ng silid-aralan. Tulad ng naramdaman ko sa unang dalawang interbyu, naihi at pinagpawisan rin ako ng malamig habang tinatahak ang daan patungo sa kanilang opisina. Tila biglang umikli ang palda kong above the knee ang haba. Ang buhok kong straight ang bagsak ay bigla nagfly away. Pero pilit kong tinibayan ang tuhod kong matagal nang nanginginig. Ilang sandali pa tinawag na ang pangalan ko. Ibinalik ko sa tindig ang aking sarili tulad ng isang magiting na mandirigmang sasabak sa gyera. Naging casual naman ang daloy ng pagtatanong. Di naglaon, nawala ang kaba ko at naging komportable. Paglabas ko ng silid, napangiti ako, jackpot, ayos ang interview.
Pinapunta ako sa HR at pinapirma ng mga kaukulang dokumento. Ibinigay rin ang mga papel para sa medical at drug test. Pero sa June pa raw ako magsisimula. Medyo matagal, pero kaya namang hintayin.
Sumikat ang araw at lumpias ang gabi. Humigit-kumulang sa limang araw akong nagbakasyon. Pagbalik ko ng Maynila, muling tumawag ang nasabing kumpanya. Sa july na raw ang simula ko. Medyo kumunot ang aking noo. Tila yata humaba ang pisi ng paghihintay. Muli akong isinalang sa isa pang interview. Sa pagkakataong ito, para sa programang nangangailangan ng mas malalim na research. Hindi biro ang pinagdaanan kong pakikipag-usap. Mata sa mata, titig sa titig, pawis sa pawis. May kasungitan ang nagtatanong, straight forward at naninindak. Naninindak na tulad ng ipis na di mapakali sa paggapang sa hagdanan habang isinusulat ko ito. Pero tulad ng dati, hindi nagpatinag ang mandirigmang nagbabalatkayong tila handa sa anumang gyera.
Naguluhan at nalito ako. Hindi ko alam kung ano ang tamang piyesang galawin para sa larong ito. Alin nga ba ang dapat piliin, ang madali o ang challenging? Natakot akong harapin ang challenges. Natakot akong isugal ang karamihan sa natitirang pyesa kaya’t dahan-dahang inangat ko ang piyesa na tungo sa mas madali.
Ang desisyong ito ay hindi rin naman nagbunga ng maganda. Hindi ko nakita ang maaring maging galaw ng kalaban. Pero dahil “touch move” wala ng bawian. Isa pang maling galaw, unti-unting mauubos ang piyesa ko o kaya’y “checkmate”. Unti-unting gumagapang ang ipis papunta sa lamesa, sa pitsel, at sa baso; sa isa pang baso, at sa isa pang baso. Ang limang baso ay halos nadapuan na ng malikot na ipis. Pinili kong tumayo na lang, maghintay ng tutulong at tuluyang magtago ang ipis sa sulok ng bahay. Natakot ako. Sa simula pa lang talaga, takot na ako. Umaasang sa pagbaligtad ng ipis sa sahig, tama ang naging move ko.

1 komento:

  1. bakla!! ang cute ng entry mo na to!!! hahahaha!! yung akin kasi puro kalokohan eh!! hahahaha!!! pero like ko ung title, TOUCH MOVE, may narealize na naman ako! ahihi!! :)) keep on posting your entry huh, lagi ako magcocomment, promise, comment ka din sa'kin :) hehehehehe!!!

    TumugonBurahin