Malamig ang panahon ngayon. Ang lakas kasi ng ulan sa labas. Maya’t maya rin ang pagkidlat at pagkulog. Nagising ako sa lakas ng patak ng ulan sa aming bubong. Sa ganitong panahon, masarap magkwento at alalahanin ang nakalipas. Mula sa pagkakahiga, bumaba ako para magtimpla ng kape. Paborito ko ang kape, pakiramdam ko mabilis akong mag-isip pag umiinom ako nito.
….Isang higop, sabay amoy sa mabango ngunit may halong pait na samyo nito…sabay lapag sa lamesa….
Magkaklase kami noong first year college. Hindi ko naman siya agad napansin dahil hindi naman siya kagwapuhan. Sa may dulo ng classroom siya nakaupo. Ako naman, sa may bandang gitna. Halata ko na sa umpisa ang pagiging mahiyain niya. Nakayuko at pasulyap na ngiti ang itinugon niya sa aming guro noong siya ay magpakilala. Nagkaroon siya ng mga kaibigan. Nagkaroon rin ako ng mga bagong kakilala. Masiyahin at palabiro siya sa mga kaibigan niya, ngunit sadyang tahimik at mahiyain pagdating sa klase. Ako naman, tulad ng nakasanayan, aktibo at seryoso sa pag-aaral. Kalagitnaan ng semester, nagkagusto sa’kin ang barkada niya. Samantala, nagkagusto naman siya sa barkada ko. ‘Di maiwasan ang magkatuksuhan at magkabiruan. Isang araw, siya ang nakatakdang mag-ulat sa klase namin sa Filipino. Tinabihan niya ako sa upuan at nagpatulong kung paano niya iuulat ang nakatakda sa kanyang topic. Tinuruan ko naman siya.
…Amoy sa kape, sabay higop at lapag muli sa lamesa..medyo humina na ang buhos ng ulan….
Habang nagsasalita ang guro sa harapan, biglang lumindol. Hindi naman kalakasan. Pero natakot ako dahil iyon ang unang beses kong makaramdam ng lindol. Sinabi ko sa kanya na natatakot ako. At ang tugon niya, hindi ko nakalimutan ang mga itinugon niya, “huwag kang mag-alala, ako ang bahala sa’yo”. Maikli, ngunit nagdala ng kiliti sa mga puso ko. Napatingin ako sa mga mata niya. Nakangiti siya. Napangiti na rin ako. Tumunog ang emergency alarm at pinalabas kami ng silid.
Ang naging pag-uusap namin na iyon ay nasundan pa. Pati sa cellphone at Friendster nag-usap na rin kami. Nagtapos na ang unang semester ko sa kolehiyo. Nakaramdam ako ng bahagyang lungkot dahil mahihiwalay na ako sa mga kaklase ko, mahihiwalay na ako sa kanya.
Nagkataon naman na ang isa sa mga barkada niya ay naging kaklase ko pa rin sa ikalawang semestre. Tuwing wala kaming guro, lagi siyang nasa klase namin.
…Higop ng kape sabay lapag sa lamesa…
Midterms. ‘Di maipinta ang mukha ng mga kaklase ko dahil sa hirap ng exam sa biology. Pati ako, parang panandaliang ‘nabuang’. Paglabas ko ng silid, nakatayo siya, nakatingin sa akin, sabay yuko at pasulyap-sulyap na ngiti. Nilapitan ko siya para kamustahin ang exam niya. “Madali lang, ako pa ba?”, aniya. Natawa ako sa sagot niya. Medyo may kayabangan pero ‘cute’ ang dating sa kanya. Kinuha niya ang isang kahon na kulay dilaw sa loob ng bag niya. Hiyang-hiya niya itong inabot sa’kin. “Oh, toblerone mo”, sabi niya. Nagulat ako dahil ito ang unang beses na may nagbigay sa’kin ng tsokolate. Hindi ko alam kung kukuhain ko ba. Pero siya na rin ang nag-abot sa mga kamay ko. ‘Di ko maipaliwanag ang naramdaman ko noon. Para bang may kuryente sa mga ngiti niya na tumagos sa puso ko.
“May kapalit yan ah,”pahabol niya.
“Ano?”, wika ko naman.
“Nood tayong sine”
Napatulala ako. Napanganga. Parang huminto lahat ng tao sa mga ginagawa nila. Ako, siya, kaming dalawa, manunuod ng sine??Bakit? Hindi ako nakasagot noon, bagkus isang halakhak lang ang naitugon ko sa kanya.
Lumipas ang mga araw. Dumaan ang mga gabi. Halos lagi niya akong tinatawagan. Wala siyang sinasabi o tinatanong tungkol sa kung anong meron kaming dalawa. Hindi ko rin naman siya tinanong. Basta ang alam ko, espesyal ang tingin ko sa kanya. More than friends but less than lovers, ika nga nila.
Pero hindi rin nagtagal ang ganoong set-up. Naging madalang na lang ang pag-uusap namin. Kung dati’y araw-araw, naging isang beses na lang sa isang lingo. Hanggang sa tuluyang mawalan na kami ng komunikasyon. Walang paalam na salitang nagmula sa kanya. Hindi ako nagtanong. Hindi ako nag-usisa, dahil hindi ko rin naman alam kung ano nga ba ako sa kanya. Pero tuwing gabi, bago ako matulog, siya ang huling laman ng isip ko.
Nagbukas ang bagong yugto ng buhay ko sa kolehiyo. 2nd year na ako. Nagkakasalubong kami sa paaralan pero walang pansinan. Parang hindi niya ako kilala. Para akong naglalakad sa bubog na walang panyapak tuwing magkakasalubong kami. Hanggang sa matapos ang unang semstre sa 2nd year. May natanggap akong mensahe mula sa kanya. Humihingi siya ng tawad at hinihiling na mag-usap kaming muli. Mabilis akong pumayag dahil ang taong ito na akala ko’y espesyal lamang, minahal ko na pala.
..Mapait ang kape, pero may iniiwang matamis na lasa…
Nagkita kami at muling nagkausap. Namasyal. Nagkuwentuhan at nagtawanan. Parang walang nangyari. Hindi ako nagtanong. Inenjoy ko ang araw na iyon na magkasama kami. Malalim na ang gabi pero magkasama pa rin kami. Hanggang sa maikwento niya na baka lumipat na siya ng paaralan dahil sa mga asignatura na lumagpak siya. Inintindi ko siya at dinamayan sa problema niya. Muli kaming naging maayos. Magkausap kami halos araw-araw. Magkasama kami mula umaga hanggang gabi. Sa isang bahagi ng Intramuros, nagkuwentuhan, nagkantahan at sabay kaming nangarap. May pagkakataon rin na nakaupo lang kami habang nakatingin sa bituin at buwan. At pagkatapos ay maglalakad pauwi.
Sa mga pagkakataon na hinihintay niyang matapos ang klase ko, panandaliang pakiramdam ko ay ako si Cinderella na hinihintay ng kanyang prinsipe. Isang gabi, naging seryoso ang aming pag-uusap. Ipinagtapat niya ang nararamdaman niya para sa’kin. Gayundin naman ako sa kanya. Tatlong salita ang binanggit niya. Tatlong salitang lubos ang kapangyarihan. Napatumbling ako sa kama nung binanggit niya iyon. Tinugon ko rin naman. Hindi ko alam kung boy friend ko na ba siya o girl friend na niya ako. Pero ngayon, may isa nang sigurado, mahal niya ako, at ganoon din naman ako sa kanya.
..Nawala na ang init ng kape.
Pero dumating ang araw na kinatatakutan ko. Muli, hindi na naman siya nagtetext o tumatawag. Hindi ko na naman alam ang dahilan. Pero sa pagkakataong ito, nagpaliwanag siya.
“Tigilan muna natin ‘to?”, wika niya.
“Bakit?”, sagot ko naman.
“Gusto ko munang hanapin ang sarili ko, “ sabi niya.
“Bakit?, “sagot ko.
“Masyado akong maraming problema.”
“Gusto mo ba hintayin kita?”
“Magpakasaya ka muna sa buhay mo, marami ka pang makikilala.”
Hindi na ako nakatugon pa. Nangingilid na ang mga luha sa mata ko. Hindi ko na maintindihan pa ang ibang sinabi niya. Tumayo na siya. Tumayo na rin ako. Niyakap ko siya at tuluyang nagpaalam.
Iyon na ang huli naming pagkikita. Iyon na rin ang huli naming pag-uusap. Pero hindi iyon ang huling pagkakataon na inisip ko siya. Minamahal ko siya at laging ipinagdarasal kahit malayo kami sa isa’t isa. Sa gabi, tuwing nakatngin ako sa buwan at mga bituin, naaalala ko ang mga ngiti niya at ang mapungay niyang mata. Umaasang nasaan man siya, nakatingin rin siya sa langit at alaala ko rin ang nasa isip niya. Lagi kong suot ang bracelet na ibinigay niya. Dahil dito, ang mga kamay niya’y para na ring nakahawak sa mga kamay ko. Halos dalawang taon ang lumipas bago ako tuluyang makamove on sa kanya.
..Ubos na ang kape at tumila na ang malakas na ulan.
Araw ng pagtatapos, di ako makapaniwalang tapos na ako ng
kolehiyo. Nasorpresa ako sa mga pangyayari. Hindi ko inaasahang makikita ko ang
isang taong kahit kailan ay hindi nawala sa puso ko. Dumalo siya sa graduation
day ko. Nagkamustahan kami. Lubos ang kagalakan ko nang mga oras na iyon.
Nabura ang pait ng kahapon at napalitan ng tamis ng mga ngiti namin sa isa’t
isa. Marahil hindi na namin mahal ang isa’t isa na gaya ng dati. Pero mayroon
siyang espesyal na lugar sa puso ko. Lugar na kung saan siya lang ang mananahan
at mananatiling espesyal.
huwow!! haha!!! :)) i love this!! uber!! :)) a-KARL-a ko, moved on na?!?... hahahahahahahha!!!
TumugonBurahinhahaha...na-KARLmove on na naman ako bakla...haha!..sadyang nga lang hindi na siya mawawala sa puso ko,,,ahahaha!
TumugonBurahin